Rehimeng US-Duterte, utak sa kagutuman ng magsasaka sa palayan at unti-unting pagpatay ng industriya ng palay sa Mindoro at buong bansa!
Dapat panagutin ang rehimeng US-Duterte sa harap ng sumisidhing kagutumang bunsod ng Republic Act No. 11203 o Rice Liberalization Law (RLL).
Sa halip na lutasin ang dantaong pang-aalipin sa masang magsasaka ng palay, kinukumpleto pa ng RLL ang mga rekisitos upang patayin ang lokal na industriya ng palay sa Pilipinas. Hindi na mapasubalian kahit ng reaksyunaryong pamahalaan ang kahungkagan ng bumabahang imported na bigas sa lokal na merkado na hindi epektibong nagpababa sa presyo ng bigas. Iniuulat mismo nito ang pagkabangkarote ng milyun-milyong magsasaka sa harap ng pagsadsad ng presyo ng palay sa halagang P7 hanggang P10 kada kilo lamang.
Hindi maiwasang maging pinakamainit na isyu ngayon ang RLL sapagkat isang pampulitikang kalakal ang palay-bigas sa isang agraryo at atrasadong lipunan tulad ng sa Pilipinas. Bilang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, mapupwersa ang sinumang maghigpit ng sinturon o kumahig nang triple upang makapaghain ng kanin sa lamesa gaano man kamura ang palay o kamahal ang bigas. Hindi lamang ang mga magsasaka—na bumubuo ng 75 porsyento ng populasyon ng buong bansa—kundi ang buong sambayanan ang binabayo ng krisis na ito.
Ramdam na ramdam sa lahat ng sulok ng Mindoro ang krisis na dulot ng RLL. Umaabot ng mahigit 337,000 metro-tonelada ang produksyon ng palay sa Occidental Mindoro–pinakamalaki sa buong rehiyonf Mimaropa. Sa Oriental Mindoro, palay ang pangunahing pananim. Kung kaya, nakaasa rito ang kabuhayan ng may isang milyong Mindoreño. Ngunit sa harap ng krisis na dulot ng RLL, napapawi na ang katiting na ilusyon ng pag-asa ng mga magsasakang Mindoreño na makababangon pa sila sa kasalukuyang sistema.
Hindi mapakali ang naghaharing uri kung paano reremedyuhan ang matinding krisis na likha mismo nito bunsod ng walang-kontrol na importasyon ng bigas. Pakitang tao at pagsasalba ng kanyang mukha ang utos ng pasistang pangulong si Rodrigo Duterte sa National Food Authority (NFA) na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa halagang P19 kada kilo. Nais ni Duterte na magmahika ang NFA samantalang ginawa na itong inutil ng RLL sa pag-aalis dito ng anumang regulatory powers sa kalakalan ng palay at bigas sa lokal na merkado. Ang totoo pa, walang kapasyahan ang administrasyong Duterte na punan ang kakarampot na pondong 50-bilyong piso ng Department of Agriculture. Dahil dito, higit na nadodomina ng mga malalaking rice trader ang bentahan ng palay. Nasa isla ng Mindoro ang isa sa pinakamalaking rice traders sa buong Pilipinas. Kasama sa tinatawag na “Binondo 7,” ang Pag-asa Grains (o Valiant) sa San Jose, Occidental Mindoro ngayon ang poon ng rice cartel sa isla at siyang nagdidikta ng presyo ng palay dito. Katunayan, bodega lamang ng Pag-asa Grains ang iba pang maliliit na rice traders sa isla. Hindi kayang sawatahin ng mga tiwaling upisyal ng NFA ang sindikatong operasyon ng Pag-asa Grains na nabubundat din sa labis-labis na pagsasamantala sa mga magsasaka.
Ang mga tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng sambayanang Pilipino, laluna sa kapakanan ng masang magsasaka sa palayan ay dapat agad na kumilos upang ibasura ang RLL. Sa kagyat, dapat itaas ang presyo ng palay, laluna sa panahon ngayon ng anihan upang protektahan ang masang magsasaka sa palayan. Dapat na ipaglaban na maglaan ng sapat na pondo ang reaksyunaryong gubyerno para dito. Kaakibat nito, dapat na ipanawagan at ilaban ang pagpapataas ng parte ng magsasaka, pagpapataas ng sahod ng manggawang bukid at pawiin ang usura.
Sa pangmatagalang solusyon, dapat na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa sa palayan at iba pang lupain sa Pilipinas, kaakibat na ipatupad ang pambansang industriyalisasyon. Nararapat na isabansa ang industriya ng palay!
Hinahamon namin ang lahat ng lingkod ng bayan na lutasin ang pangunahing problemang ito ng masang Mindoreño at ng sambayanang Pilipino. Ito ang dapat na pangunahing lutasin imbes na tutukan ang mga hungkag at pakitang taong mga programa at proyektong inilalako ng 203rd Brigade at ng AFP-PNP at tustusan ng milyun-milyong piso ang mga mararahas na focus military operations at mga community support program na inilulunsad nito laban sa mamamayang Mindoreño sa balangkas ng Joint Campaign Plan-Kapanatagan. Nararapat ilaan ang pondo na ginagastos sa mga operasyong militar sa pondo para itaas ang presyo ng palay at bigyan ng subsidyo ang masang magsasaka.
Tinatayang gumagastos ng mahigit P4 milyon ang bawat operasyong pinamumunuan ng 203rd Brigade sa loob lamang ng tatlong linggo hanggang isang buwan. Kasama na dito ang gastos sa gasolina ng mga helicopter at eroplano at ng mga bomba at balang ginagamit ng mga ito mula sa himapapawid na walang ibang tinatamaan kundi ang mga magsasaka at katutubo at ang kanilang mga bukirin. Sa ganito, matatayang aabot na sa humigit-kumulang P15-20 milyon ang nawawaldas ng 203rd Brigade sa inilulunsad nilang focus military operation sa nakaraang anim na buwan sa isla lamang ng Mindoro. Karumal-dumal ito sa gita ng kagutuman ng masang magsasaka sa palayan at kawalan ng makaing kanin ng mamamayang Pilipino. Imbes na gamitin ang pondo para patayin ang mamamayan, dapat na gamitin na lamang ang mga ito para sa kabuhayan.
Gagawin ng NPA-Mindoro ang lahat ng kanyang makakaya upang suportahan at maipagtagumpay ng masang magsasaka ang kanyang pakikibaka para itaas ang presyo ng palay, ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang pagpapautang na may mataas na interes at ang pakikibaka ng mga ito para lumaya sa pagkaaliping pyudal. Gayundin ang pakikibaka upang ibasura ang RLL, ibaba ang presyo ng bigas at isabansa ang industriya ng bigas sa Pilipinas.
Magsama-sama tayo sa pakikibaka upang magtagumpay sa layunin nating ito. Tinatawagan namin ang lahat ng mamamayan, laluna ang masang magsasaka na magkaisa at kumilos sa dakilang layuning ito. Ito ang nararapat gawin sa gitna ng karahasan at panlilinlang dulot ng umiiral na de facto Martial Law ng rehimeng US-Duterte. Sa gitna ng kagutuman, wala tayong masusulingan kundi ang lumaban–at lumaban hanggang sa magtagumpay!
LUPA AT BIGAS, HINDI BALA!
ITAAS ANG PRESYO NG PALAY NG MASANG MAGSASAKA!
RICE LIBERALIZATION LAW, IBASURA!