Resignasyon ni Dureza sa OPAPP, pagbibigay-daan sa bago at militaristang peace adviser
Singkahulugan ng resignasyon ni Dureza bilang Peace Adviser ni Duterte ang pagkakaloob ng posisyon nito sa isa na namang militarista at mapandigmang heneral ng AFP — ang nalalapit nang magretirong hepe ng AFP na si Galvez. Malaking kabalintunaan ang pagtatalaga ng isang berdugo sa isang ahensyang dapat na magtataguyod ng usapang pangkapayapaan sa mga belligerent forces sa bansa.
Isang hungkag na pasya ang planong pagtatalaga ng isang opisyal-militar sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) dahil walang interes ang isang mersenaryo na makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa. Ang mga kabaro ni Galvez ay mga uhaw-sa-dugong heneral na nakikinabang sa bawat labanan at sa pagtagal ng mga digmaan sa loob ng bansa. Bilang mga pangunahing tuta at galamay ng imperyalistang US, ang AFP-PNP mismo ang tumatanggap ng mga sandatang pandigma at malaking pondo ng reaksyunaryong gobyerno para sa paglulunsad ng mga di-makataong digma laban sa mamamayan.
Palabas lamang ang ipinamalas ni Duterte na masama umano ang loob niyang tanggapin ang resignasyon ni Dureza. Ang totoo, sa likod niyon, nagdiriwang siya at ang AFP dahil maisasakatuparan nila ang kanilang imbeng pakana sa rebolusyonaryong kilusan at nakikibakang Moro at mamamayang Pilipino sa bansa. Ibubulid lamang ng AFP-PNP sa isang makaisang-panig na usapang pangkapayapaan ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa sa bansa hanggang sa piliting sumuko ang mga ito nang walang ganansyang makakamit ang mamamayan.
Bilang pagpupundar ng kanyang pamumuno sa isang militaristang haligi, unti-unting nililinis ni Duterte ang kanyang administrasyon ng mga elementong sagka sa kanyang hangaring magpataw ng batas militar sa bansa para ipwesto ang mga retiradong heneral ng AFP-PNP sa pag-aakalang magbibigay ito ng kasiguruhan sa kanyang paghahari nang lagpas sa 2022. Taliwas dito, ang pagsandal ni Duterte sa military junta dahil sa takot niyang mapatalsik sa pwesto, ang magiging mitsa mismo na magpapabilis ng kanyang pagbagsak. Hindi papayag ang mamamayan sa isang gobyernong militar na magpapatupad ng isang mistulang batas militar na paghahari sa bansa. Patuloy na lalaban ang mamamayang Pilipino at ipagtatanggol ang kanilang mga demokratikong karapatan laban sa isang pasista, militarista at mala-diktaduryang rehimeng US-Duterte. Tatanganan ng mamamayan ang kanilang mga armas at tatahakin ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon dahil ito lamang ang magluluwal ng tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaang malaon nang hinihingi ng sambayanan. Sa tagumpay ng digmang bayan, makakamit ang pambansang kalayaan ang demokrasya at maitatayo ang isang maunlad, masagana at makatarungang lipunang sosyalista. ###