Resigned AFP Captain River, Sitoy at Rivera, mga lehitimong target ng aksyong militar ng NPA-Surigao del Sur

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Matagumpay na nireyd ng New People’s Army-Surigao del Sur (NPA-SDS) ang bahay ng nagbitiw na Capt. Joven Rivera ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at dalawang iba pa na sina Ronie Sitoy at Jade Rivera noong Pebrero 10, 2022 bandang alas-7 ng umaga sa Sityo Lubcon, Mabahin, Cortes, Surigao del Sur. Ang tatlong ito ay may kaugnayan sa AFP at Philippine National Police, at lehitimong mga target ng aksyong militar ng NPA-SDS.

Nakumpiska ng NPA-SDS ang sumusunod:

  • tatlong .45 kalibreng pistola
  • isang ingram
  • isang .357
  • maraming bala para sa iba’t ibang kalibreng armas
  • mga magasin at iba pang kagamitang militar

Kaugnay nito, itinayo ng NPA-SDS ang tsekpoynt sa pambansang haywey sa loob ng dalawang oras upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan dahil malapit sa daan ang mga bahay ng mga target. Hindi totoo ang bintang ng 901st Brigade na lumabag ang NPA sa internasyunal na makataong batas dahil sa pagtatayo nito ng mga tsekpoynt. Hindi nangapkap, hindi nangharas at hindi nanakot sa mga sibilyan ang NPA-SDS.

Nagpaliwanag lamang ito sa masa kung ano ang dahilan ng inilunsad na reyd, kung bakit may rebolusyonaryong kilusan, at para kanino ang rebolusyon. Sa kabilang banda, inilulunsad din ng NPA ang mga tsekpoynt bilang hakbang sa pagtitiyak na sumusunod ang mga kandidato sa patakaran ng gubyernong bayan kaugnay sa pangangampanya. Pagtitiyak ito na hindi sila magdadala ng mga alalay na armadong maton, pulis at militar upang manggipit at manakot sa mamamayan.

 

Wala ring katotohanan ang sinasabi ng AFP/PNP na nangikil, nagnakaw at nanghalughog ang NPA-SDS sa bahay at tindahan ng mga target. Binili ng mga kasama ang mga paninda ni Joven Rivera. Hindi totoo na kaya bumaba ang NPA sa kapatagan ay dahil wala na silang makain. Sa patuloy na pagsalig at pagsandig nila sa masa, palagian ang ibinibigay nitong mga suportang materyal, pinansyal at pagkain.

Hindi rin totoo na nagsanib ang NPA-SDS at NPA-Surigao del Norte upang magpakita ng pwersa sa publiko dahil sa eleksyon upang pagbantaan at takutin ang mga kandidato. Sa insidenteng iyon ay kahiya-hiyang ipinahayag ng tagapagsalita ng 4th ID na si Maj. Francisco Garillo na 20 na Pulang mandirigma lang umano ang nagsagawa ng pagharang.

Sa mahigpit na pagsuporta ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan, patuloy na nakapaglulunsad ang NPA ng mga taktikal na opensiba upang biguin ang mga atake ng AFP, PNP at rehimeng Duterte. Labis na nagalak ang mamamayan sa tagumpay na nailunsad ng NPA-SDS dahil naunawaan nila ang kanilang makabuluhang papel sa isinusulong na matagalang digmang bayan.

Mabuhay ang mamamayang nakikibaka!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Resigned AFP Captain River, Sitoy at Rivera, mga lehitimong target ng aksyong militar ng NPA-Surigao del Sur