Resulta ng Eleksyon 2019, konsolidasyon ng pwersa ng rehimeng US-Duterte para sa pasistang diktadura
Buong tahasang ipinapangalandakan bilang Duterte Magic ang garapalang pandaraya, malawakang pananakot at pagbubuhos ng pondo ng taumbayan para makamit ng rehimeng US-Duterte ang super majority sa Senado at Kongreso. Pagkatapos ng isa sa mga pinakamaruruming eleksyon sa bansa, mapanlinlang na nailuklok ng pangkating Duterte ang mayorya sa kanyang mga pinakamatatapat na kaalyadong pulitiko upang higit na makamit ang konsolidasyon ng paghahari nito sa buong reaksyunaryong gubyerno at mailatag ang mga kundisyon para sa pagpapalawig ng termino ni Duterte lampas sa taong 2022.
Muli, pinamumugaran ng mga dati nang napatunayang sangkot sa korapsyon, sindikato ng droga, taksil sa soberanya ng bansa at salarin sa napakahabang listahan ng mga krimen laban sa mamamayan ang reaksyunaryong gubyerno. Ilan sa kanila ay pinatunayan ang katapatan sa pangkating Duterte sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga kontra-mamamayang batas tulad ng TRAIN Law (ipinanukala ni Sonny Angara) at Rice Tariffication Law (ipinanukala ni Cynthia Villar), pagsuporta sa mapanupil na hakbangin tulad ng Oplan Tokhang (itinulak ng dating PNP Chief Bato dela Rosa) at Batas Militar.
Dahil sa lantarang pagsalaula sa mga batayang karapatan ng mamamayan, higit na nahihiwalay ang rehimeng US-Duterte sa malawak na hanay ng masang anakpawis, mga makabayan at progresibong sektor, mga patriyotikong burukrata at upisyal sa loob ng reaksyunaryong gubyerno at iba pang pwersang anti-pasista at anti-neoliberal. Lalong nagiging malinaw sa sambayanang Pilipino na hindi kailanman kikilanin ng isang reaksyunaryong halalan ang kanilang karapatan sa pagboto at pagpili ng mga karapat-dapat na lider.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipino na paghandaan ang panibagong unos na idudulot ng mga neoliberal at pasistang hakbangin ng rehimeng US-Duterte. Ngayong kontrolado na ni Duterte ang Senado, hawak na niya ang lahat ng sangay ng reaksyunaryong gubyerno mula sa ehekutibo, hudikatura at lehislatura. Higit nang mapadudulas ang pagpapasa ng mga kontra-mamamayang panukalang dati ay nahahadlangan ng ilang mga upisyal na nakikinig sa progresibo at militanteng paninindigan ng mamamayan. Nangunguna sa kanyang plano ang tuluyang pagbabago ng konstitusyon o Chacha na magbubukas sa sa sa ibayong dayuhang pandarambong, panghihimasok militar at pagsasakatuparan sa huwad na pederalismong ipinantatabing niya sa kanyang planong diktadura.
Naninindigan ang NDF-Bikol na pagharian man ni Duterte ang gubyerno, tulad ng ginawa ng diktador na si Marcos sa panahon ng kanyang diktadura, lalo lamang nagngangalit ang sambayanang Pilipino sa harap ng tumitinding pang-aapi at pagsasamantala. Sa paghigpit ng kontrol ni Duterte sa lahat ng sangay ng reaksyunaryong gubyerno, lalong tumitingkad ang kawastuhan ng paglaban ng mamamayan.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na makibahagi sa paglalantad sa malaganap na pampulitika at pang-ekonomikong pananalasa ng rehimen at paglaban sa pakanang diktadura nito.
Sa kanayunan, ibayong paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang pagsusulong ng armadong pakikibaka upang pahinain ang mahihinang kawing ng reaksyunaryong hukbong sandigan ng reaksyunaryong paghahari. Sa kalunsuran, patuloy na magpapalakas ang nagkakaisang hanay ng mamamayan upang singilin at papanagutin ang rehimeng US-Duterte hanggang sa ito ay maibagsak.