Rice Tariffication Bill, hungkag at papatay sa agrikultura ng bansa
Kamakailan, inamyendahan ng reaksyunaryong gobyerno ang naunang Agricultural Tarrification Act of 1996. Tiyak na ibayong pahirap sa masang magsasaka at mamamayang Pilipino ang magiging epekto nito. Bibigyang laya at malaking kaluwagan nito ang malalaking importer ng bigas na mag-angkat nang mag-angkat mula sa ibayong dagat hanggang bahain ng imported na bigas ang iba’t ibang pamilihan sa buong bansa. Walang ibang makikinabang dito kundi ang mga dambuhalang rice importer na malayang umangkat ng mga dayuhang produkto nang walang restriksyon at malaking bayaring buwis na siyang nagtatakda ng napakataas ng presyo ng bigas. Palalalain nito ang dati ng malalang kapabayaan sa industriya ng palay at bigas sa Pilipinas at tuluyang papahirapan kundiman patayin ang masang magsasaka sa palayan.
Kasinungalingang bababa ang presyo ng bigas sa pagbaha ng mga imported na produktong agrikultural dahil kontrolado ng mga importer at negosyante ng bigas ang takbo ng suplay at negosyo ng bigas sa bansa. Lalu lamang nitong ibabaon sa kahirapan at utang ang mga masang magsasaka dahil sa murang pagbili ng palay ngunit mataas na presyo ng bigas. Sa esensya, wala itong layunin na paunlarin ang pagsasaka sa bansa bagkus lalu lamang nitong eenganyuhin ang malawakang pangangamkam ng mga lupaing agrikultural ng mga magsasaka para sa pagpapalit-gamit ng lupa tulad ng mga mall, economic processing zone, golf courses, plantasyon at iba pa.
Napakakitid ng mga solusyon ng mga reaksyunaryong mababatas sa bawat problemang pang-ekonomiya dahil wala silang interes na tugunan ang hinaing ng mamamayan, bagkus, itaguyod lamang ang kanilang sariling interes na pakinabangan ang kahirapan ng mamamayan. Tinatalikuran nila ang mga tunay na solusyon sa dinaranas na krisis sa ekonomiya at pulitika sa bansa tulad ng pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa at pagbibigay ng ayudang pinasyal, materyal at teknikal sa mga magsasaka at pamamahagi ng malawak na lupaing pag-aari ng malalaking panginoong maylupa, asendero at malalaking multinasyunal na korporasyon. Ayaw nilang isabansa ang mga katamtaman at malalaking industriya tulad ng repinarya ng langis at krudo, gamot, pagkain at iba pa, maging ang pagkakaroon ng sariling mga paggawaan ng bakal para sa paglilikha ng mga makina para sa kaunlarang industriyal dahil kasosyo sila ng mga dayuhang kapitalista na namumuhunan ng mga naturang produkto sa loob at labas ng bansa.
Patuloy nilang winawalang bahala ang mga inihahapag na solusyon ng NDFP upang malutas ang daan taong krisis na kinakaharap ng bansa at matigil ang ugat ng limang dekadang armadong tunggalian sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan at reaksyonaryong gobyerno.
Nararapat na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang natatanging solusyon sa krisis sa bigas, agrikultura at krisis sa lipunang Pilipino at labanan ang mga pakana ng rehimeng US-Duterte na sagkaan ang pagpapatupad nito. Dapat buong determinasyon at lakas na kumilos ang lahat ng mamamayang Pilipino na ipaglaban upang makamit ang pagpapatupad ng mga ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t-ibang anyo ng pakikibaka. Inihahain ng rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan ang landas na tanging sa isang radikal na pagbabagong panlipunan, sa pamamagitan ng pagdadala sa tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon lamang masosolusyonan ang kasalukuyang krisis sa bigas, agrikultura at lipunan. Ipagtagumpay ang digmang bayan at ibagsak ang bulok na estado.###