Rice Tarification Law ni Duterte: Salot at delubyong tumama sa mga magsasaka at sambayanang Pilipino

 

Walang ibang dapat sisihin at papanagutin sa nararanasang delubyo ng 2.4 milyong magsasaka sa palayan, ng kanilang pamilya at naghihikahos na mamamayan na tanging umaasa na makabili ng mura at abot kayang halaga ng bigas sa bansa, kundi ang pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa kanyang isinabatas na Republic Act 11203 o mas kilala bilang Rice Tariffication Law (RTL).

Lalo lamang pinatindi ang dati nang hirap na kalagayan ng mga magsasaka sa palayan ng patakarang liberalisasyon sa importasyon ng bigas na pangunahing nilalaman ng Rice Tariffication Law (RTL). Isa sa maraming mga anti-mamamayang batas ng administrasyong Duterte bilang pagtupad sa mga kasunduan sa General Agreement on Tariffs and Trade ng World Trade Organization (GATT-WTO) na dominado at monopolisado ng mga imperyalistang kapangyarihan sa mundo.

Ayon mismo sa datos ng Philippines Statistics Authority (PSA), ang presyo ng palay sa kasalukuyan ay nag-aabereyds sa P15.50/kada kilo—pinakamababa sa loob ng nakalipas na walong taon. Pero sa sariling pananaliksik ng mga progresibong organisasyong magsasaka, nasa pagitan ng P10-12 ang halaga ng kada kilo ng palay sa bansa. Sa Tarlac at Nueva Ecija, bumagsak pa ito sa pinakamababang halaga na P7 kada kilo. Nagbunga ito ng lalong pagdausdos ng kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang sektor na umaasa sa industriya ng bigas sa Pilipinas.

Pinatutunayan lamang na wasto at balido ang mariing pagtutol ng mga progresibong organisasyong magsasaka sa pagsasabatas sa RA 11203 isang anti magsasaka at anti-mamamayang batas na walang mabuting ihahatid sa milyon milyong magsasaka sa palayan at sa buong sambayanang Pilipino.

RTL, pangunahing naglilingkod sa interes ng mga kartel at malalaking trader sa palay at bigas sa bansa.

Nagbubunyi sa kagalakan ang mga kartel at malalaking trader sa industriya ng bigas sa bansa sa napakagandang regalo sa kanila ng administrasyong Duterte. Dahil sa RTL, wala nang restriksyon sa importasyon ng bigas. Lalong nagbibigay-daan ito sa mabilis na paglaki ng imbak at kontrol sa bigas ng mga kartel at trader para sa manipulasyon at pagtatakda sa presyo ng bigas sa pamilihan. Mas gugustuhin na ng mga kartel at malalaking trader sa bigas na umangkat na lang ng bigas na higit na mura kaysa bumili ng palay sa lokal na magsasaka na mas mahal.

Mas mura ang imported na bigas dahil sa mababa din ang gastos sa produksyon ng mga ito sa pinanggalingang bansa. Doon, may nakukuhang suporta at subsidyo ang mga magsasaka sa palayan mula sa kanilang gubyerno na hindi magawa ng reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas.

Ang Pilipinas ngayon ang nangungunang bansa sa buong mundo sa bolyum ng inaangkat nitong bigas. Ayon sa pinakahuling ulat ng United States Department of Agriculture (USDA) , aabot sa 3 milyon metriko tonelada (3 MT) ang aangkatin na bigas ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2019. Mas malaki ito sa 2.5 milyong metriko tonelada na inaangkat ng China para sa kanyang mahigit sa 1 bilyong populasyon. Ang Pilipinas ay may 120 milyong populasyon na kanin ang pangunahing pagkain

Ang pagbaha sa merkado ng mga imported na bigas ay lalo lamang nagbibigay dahilan sa malalaking trader para magdikta at baratin ang presyo ng palay ng mga magsasaka. Lalong hindi ito naging daan para bumaba ang presyo ng bigas sa pamilihan at magkaroon ng katiyakan sa pagkain ang mamamayan, tulad ng ipinagmamalaki ng mga mambabatas kapag naipasa ang RTL. Ang tanging tiyak na hatid ng RTL ay ang pagkalugi ng mga magsasaka, local rice millers at limpak-limpak na tubo para sa mga kartel at traders ng bigas.

Banta sa seguridad sa pagkain ng bansa ang hatid ng Rice Tarrification Law

Inilagay na sa panganib ng rehimeng US-Duterte ang seguridad sa pagkain ng bansa. Unti-unti niyang pinapatay ang produksyon ng pangunahing pagkain ng sambayanang Pilipino—ang palay at bigas na likhang produkto ng 2.4 milyong magsasaka sa palayan. Sa datos, nasa 200,000 na ang mga magsasaka na tumigil na sa pagtatanim ng palay at 4,000 rice mills naman ang lubusan nang nagsara sa ilang buwan pa lamang na implementasyon ng RTL.

Patuloy ang pagbaha ng imported na bigas sa pamilihan subalit hindi pa rin lubusang napapababa ang presyo ng mga ito na taliwas sa pangako ng RTL. Madalang pa sa patak ng ulan ang mabibiling NFA rice sa merkado. Walang kakayahan ang NFA na bumili ng malaking bolyum ng palay mula sa mga magsasaka sa mas mataas na presyo para labanan ang pambabarat ng mga trader sa presyo ng palay ng mga magsasaka.

Palibhasa’y anti-magsasaka at anti-Pilipino, wala sa hinagap ni Duterte ang diwa ng pag-asa sa sarili at paghahangad na maabot ang nakasasapat-sa-sarili (self-sufficient) na katayuan sa pagkain ng bansa. Wala siyang pakialam kung magkaroon man ng krisis sa pagkain ang bansa. Ang mahalaga sa kanya ay maisulong at mapangalagaan ang interes ng mga amo niyang imperyalistang US at China at mga kabilang sa paksyon na lokal na mapagsamantala at naghaharing uri.

Walang ibang dapat gawin ang mga magsasaka kundi ang ibayong lumaban at hangaring mapagbagsak si Duterte at ang sistemang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Kasama ang mga manggagawa, kabataan at estudyante, kababaihan, maralitang tagalunsod at iba pang mga inaapit pinagsasamantalahang sektor ng lipunang Pilipino, mangahas na makibaka para maisulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines.###

Rice Tarification Law ni Duterte: Salot at delubyong tumama sa mga magsasaka at sambayanang Pilipino