Sa 31st IB, better luck next time
Nabalitaan namin ang rally sa sentro ng Barcelona, Sorsogon kahapon ng umaga, Abril 8, na pinasimunuan ng 31st IB at nilahukan ng mga pinasurender na dating NPA at sibilyan. Namonitor namin ang byahe ng trak na humakot sa mga surenderi papunta sa benyu ng rally. Candle-lighting daw ang tampok na bahagi ng aktibidad.
Hindi gaanong malinaw sa amin ang “karaingan” ng mga dumalo sa naturang aktibidad bagamat napag-alaman naming may kinalaman iyon sa pagkamatay ng intelligence asset ng 31st IB na si Raymundo “Kaday” Fombuena sa operasyon ng NPA nitong Marso 28 sa San Antonio, Barcelona. May reklamo yata ang mga handler ni Kaday ukol sa pagkakapatay sa kanya at ipinasisigaw nila iyon sa mga surenderi.
Sa aming palagay, sapat na naipaliwanag sa pahayag ng Celso Minguez Command noon mismong araw ng pagpatay kay Kaday ang lehitimong batayan ng nasabing aksyon ng NPA. Gayunpaman, handa kaming makinig sa anumang di pagsang-ayon ninuman sa aming tindig sa usapin. Bukas kami, sa katunayan, na tugunan ang anumang karaingan ninuman kung iyon ay may lehitimo ring batayan.
Nagkaroon sana kami ng pagkakataong marinig ang iniaangal ng 31st IB at ng hinakot na mga surenderi kung sa bundok sila nag-rally imbes na sa poblasyon. Nabasa sana namin ang kanilang mga plakard na alam naming pinaghirapan nilang gawin.
May mga tamang lugar, oras at paraan para sa anumang aktibidad, kabilang na ang pagsasagawa ng rally, para matiyak na magiging epektibo ito at hindi masasayang ang pagod ng mga kalahok. Isang partikular naming payo sa 31st IB–mas mainam ang candle-lighting kung ginagawa sa gabi, hindi alas-9:00 ng umaga.