Sa Araw ng Huwad na Kalayaan, Paigtingin ang pakikibaka laban sa imperyalismong US at China at kamtin ang tunay na kalayaan
Sa taun-taong paggunita ng Araw ng Kalayaan, kaninong kalayaan ba ang ipinagdiriwang ng reaksyunaryong gubyerno? Ito ay kalayaan ng mga imperyalistang kapangyarihan na walang habas na dambungin ang patrimonyang yaman at yurakan ang pambansang soberanya ng Pilipinas. Pagdiriwang ito ng mga reaksyunaryong rehimen sa daang taong pagpapakatuta sa mga dayuhan upang panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Ngunit para sa mamamayang Pilipino, ito ay araw ng pagbabalik-tanaw sa hindi pa tapos na rebolusyon ng 1896 sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio at ng Katipunan at sa inunsyami ng US na proklamasyon ng kalayaan noong Hunyo 12, 1898 ng rebolusyonaryong gubyerno ng Pilipinas na nasa pamumuno ng mabuway at mapagkanulong mga ilustrado na kasapakat ni Emilio Aguinaldo. Ang di natapos na anti-kolonyal na rebolusyon laban sa Espanya ay isang lumang tipo ng burges-demokratikong rebolusyon.
Sa kasalukuyan, isinusulong ng mamamayan ang bagong tipo ng burges-demokratikong rebolusyon bilang pagpapatuloy sa simulaing inumpisahan ng Katipunan at ni Gat Andres Bonifacio noong 1896 subalit sa bagong konteksto ng paglaban sa modernong imperyalismo. Ito ay nasa pamumuno ng partido ng uring manggagawa, pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at may sosyalistang hinaharap.
Pagkaraan ng 123 taon, nananatiling nakalukob sa bansa ang imperyalismong US. Malaking binabantaan ang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas ng bisyosong pananakop at panghihimasok ng imperyalistang China sa teritoryo at exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea. Ang lumang kolonyal na paghahari ng Espanya at US ay hinalinhan ng bagong mga kolaboreytor na malalaking burgesya-kumprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista na nagsasamantala at nang-aapi sa masang Pilipino at pinagsisilbihan ang imperyalismong US at China.
Hungkag ang “kalayaan” na ipinagyayabang ng reaksyunaryong gubyerno. Pangitang-pangita ang pangangayupapa ni Duterte sa China sa mga palasukong pahayag hinggil sa pang-aagaw ng huli sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) at pagbabasura sa makasaysayang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 12, 2016 laban sa pangangamkam ng China sa Spratlys. Hindi pa nasasapatan, naglabas si Duterte ng EO No. 160 na pumapabor sa dayuhang pagmimina ng China sa bansa. Sa harap nito, lalong nagdarahop ang mamamayang Pilipino at pinagkakaitan ng China ng karapatan sa mga rekurso at yaman sa WPS.
Walang kahihiyang ipinagkanulo ni Duterte ang pambansang soberanya sa imperyalistang kapangyarihan kapalit ng tulong militar, pautang, pamumuhunan at bakuna. Sapilitang ipinalulunok ni Duterte sa mamamayan na “kaibigan” at may ”utang na loob” ang Pilipinas sa China dahil lamang sa ayuda at suhol na mga bakunang ibinibigay lalo ngayong pandemya. Ipinatatambol pa ni Duterte ang mga proyektong Chinese sa kanyang programang Build, Build, Build na dumagdag sa lumolobong utang ng bansa.
Samantala, nananatiling nakakubabaw ang imperyalismong US sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng Pilipinas. Patunay rito ang mga batas, tratado at hindi pantay na kasunduan ng dalawang bansa. Hawak si Duterte sa leeg ng mga ahente ng US sa loob ng reaksyunaryong gubyerno at mersenaryong AFP. Tinitiyak nitong mapanatili ang mga neoliberal na patakaran para sa ganansya ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri habang nasasadlak ang mamamayang Pilipino sa labis na kahirapan.
Katunayan, ang pagraratsada ng rehimen sa Anti-terror Law (ATL) at pagpapataw ng de facto Martial Law ay nakaayon sa kumpas ng imperyalismong US. Nakabalangkas ang ATL sa counter-insurgency measures at war on terror ng imperyalismong US upang makontrol ang mga papet na gubyerno sa mga neokolonya nito, likhain ang malawakang takot at isterya at sa gayon, magkaroon ng mga batayan sa mga gerang agresyon laban sa “terorismo”. Sa likod nito, kailangan ng US ng merkadong pagbabagsakan ng mga sarplas na produkto at mga armas pandigma upang patuloy na magkamal ng tubo sa panahon ng ibayong pagsahol ng pandaigdigang krisis ng monopolyo-kapitalismo resulta ng krisis ng labis na produksyon at ng pananalasa ng pandemya.
Ang sabwatang imperyalismo, burukata kapitalismo at pyudalismo ang nagsadlak sa mamamayang Pilipino sa mahigit isang siglo ng pambubusabos. Higit pa itong pinasidhi sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya. Patuloy na naghihirap ang milyun-milyong magsasaka sa bansa dahil sa kawalan ng lupang mabubungkal. Nananatiling kontraktwal at hindi nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa habang milyun-milyong mamamayan ang walang trabaho. Walang interes ang rehimen na bigyan ng ayuda at suporta ang mamamayan sa panahon ng pandemya at napakatagal na mga lockdown. Samantala, pinipiga ng imperyalismo ang lahat ng yaman at nagpapasasa sa pinagpaguran ng Pilipinong anakpawis sa pakikipagkutsabahan sa mga lokal na naghaharing uri.
Ibinunsod ng mga kalagayang ito ang kaliwa’t kanang pagtuligsa ng mamamayan laban sa inutil, pasista at tutang rehimeng Duterte. Aktibo silang tumututol sa mga palasukong tindig ng rehimen sa WPS at sa mga militarista’t pasistang hakbangin sa panahon ng pandemya.
Kapuri-puri ang paninindigan ng mga makabayang lider, aktibista at mamamayan sa paggigiit ng pambansang soberanya at karapatan sa WPS. Konsistente nilang itinataguyod ang pambansa at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino.
Pinapaalala ng Araw ng Huwad na Kalayaan sa mamamayang Pilipino ang kanilang nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansang paglaya at soberanya laban sa pag-iimbot ng dayuhang kapangyarihan at imperyalismo. Lalo nitong pinatitibay ang pagkakaisa ng mamamayan upang labanan ang lahat ng anti-mamamayang patakaran ng rehimeng US-Duterte hanggang sa ganap na ibagsak ang diktadurang paghahari nito. Pinag-aalab nito ang kilusan para sa pambansang pagpapalaya.
Nasa unahan ang CPP-NPA-NDFP sa mga pakikibakang ito para sa pambansang paglaya at tunay na demokrasya laban sa dominasyon, pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhang mananakop. Habang patuloy na lumalala ang panlipunang ligalig na dulot ng rehimeng US-Duterte at kanyang mga militarista at pasistang hakbangin, itinutulak lalo nito ang mamamayan na tumangan ng armas at tahakin ang landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Sa buong bansa, kailangang palakasin ang pakikibaka ng mamamayan upang ipaglaban ang pambansang soberanya at tunay na kalayaan. Balik-aralan ang kasaysayan at humalaw ng mga aral at karanasan sa mga patriyotiko at makabayang bayani at martir ng rebolusyong Pilipino upang maikintal sa diwa ng sambayanan ang pagmamahal sa bayan. Itakwil ang mga traydor na tulad ni Duterte na bentador ng soberanya ng Pilipinas.
Sa pagpapalaya ng Pilipinas mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, ganap na matatamasa ng mamamayan ang kanilang mga demokratikong karapatan, hustisyang panlipunan at tunay na demokrasya.###