Sa ginta ng krisis sa pandemya at ekonomya, labanan ang madugong kampanyang panunupil ng rehimeng US-Duterte
Read in: English
Patuloy na inuudyukan ng tiranong si Duterte ang ibayong pagkamuhi ng mamamayan sa kanyang rehimen sa pagpaprayoritisa sa kanyang kampanya ng terorismo ng estado at panunupil habang mabilis na dumarami ang bilang ng Pilipinong nagkakasakit ng Covid-19.
Ang muling paglobo tungong 5,000 kada araw ng mga nahawa ng Covid-19 isang taon matapos magdeklara ng national emergency ay patunay ng patuloy na kabiguan ng gubyerno na pangasiwaan ang pandemya. Bigo itong isakatuparan nang sapat ang mga kinakailangang hakbangin sa pampublikong kalusugan tulad ng mass testing, mabilis na contact tracing, libreng paggagamot sa mga nahawa ng Covid-19 at maramihang pagbabakuna kasabay ng mga hakbangin para buksan ang mga sektor ng ekonomya. Sinasalamin ng hindi pagbubukas ng mga paaralan, kahit pa binuksan na ang mga mall at sabungan, ang baluktot na prayoridad ng gubyernong Duterte.
Sa kawalan ng sapat na mga hakbangin para sa pampublikong kalusugan, idudulot ng atas ng gubyerno na tanggalin ang mga restriksyon sa harap ng bagong mas malubha at nakahahawang baryant ng bayrus ang patuloy na pagkalat ng Covid-19. Tiyak na mabibigo itong muling buhayin ang ekonomya na magdudulot ng ibayong kawalan ng trabaho at kahirapan sa mamamayang Pilipino.
Patuloy na umaasa ang gubyernong Duterte sa militaristang mga lockdown at curfew na napatunayan nang isang malaking kapalpakan dahil ang mga ito ay ipinatutupad nang walang kasabay na mass testing at mabilis na contact tracing. Habang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay tumabo ng ₱16.4 bilyong pondo, wala namang inilaan para sa mga pagsisikap sa contact tracing. Sa huli, naglalayon lamang ang anti-demokratikong tugon ni Duterte na ibunton sa mamamayan ang sisi ng kanyang mga kapalpakan.
Hawak ang mahinang sistema ng pampublikong kalusugan at militaristang pangangasiwa sa pandemya, patuloy na mabibigo ang rehimeng Duterte na sabayan o unahan ang mabilis na kumakalat na bayrus.
Kahit pa dumarami ang mamamayang nagdurusa sa pandemyang Covid-19 at krisis sa ekonomya, patuloy na naglulunsad ng walang tigil at madugong kampanya ng panunupil ang pasistang rehimen.
Sa nagdaang mga buwan, nagiging mas malupit at nakamamatay ang teroristang atake ng estado laban sa mga progresibo at demokratikong mga pwersa. Sa kumpas ng NTF-ELCAC, ang mga pulis at pwersa ng militar ay nagsagawa ng serye ng koordinadong mga pagpaslang at pag-aaresto sa Southern Tagalog, Bicol, Panay, at sa National Capital Region. Duguan ang kamay ni Duterte, Esperon, Año at Lorenzana sa dumaraming bilang ng kanilang mga biktima.
Ang NTF-ELCAC ang huntang militar ni Duterte na umangkin ng ekstraordinaryong mga kapangyarihan at ilampung milyong pondo at ipinailalim ang lahat ng mga ahensya sa kanyang kumpas sa ngalan ng tinatawag nitong “whole of nation approach.” Sa ilalim ng Anti-Terror Law, naging mas mabangis ang inilulusad nitong kampanya ng panunupil. Dagdag sa mga militar at pulis, ginagamit nito ang mga korte, iba pang ahensya ng gubyerno at lokal na yunit ng gubyerno bilang mga pamato sa maruming gera ng terorismo ng estado para patahimikin ang lahat ng kritisismo at supilin ang lahat ng paglaban.
Dapat mas maigting na kundenahin ng kilusang protesta ang maramihang pagpaslang ng uhaw-sa-dugong si Duterte at kanyang pasistang mga alipures. Hanggang hindi napahihinto, ang kahayukan ni Duterte sa pagpaslang ay patuloy na hahantong sa mas maraming masaker at maramihang pagpaslang sa hinaharap, higit lalo sa layunin niyang tiyakin ang sarili sa pusisyon at iluklok ang kanyang korap na pampulitikang dinastiya lagpas pa sa 2022.
Dapat patuloy na magkaisa at kumilos ang mamamayang Pilipino para labanan ang kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Duterte at ang antidemokratiko at militaristang tugon nito sa pandemyang Covid-19. Dapat maramihan silang kumilos, punuin ang mga lansangan ng kanilang kolektibong galit at ipanawagan ang pagwawakas sa pasistang tiraniya.