Sa gitna ng krisis ng COVID-19, walang pakundangan ang karahasan at kasinungalingan ng AFP! — NPA-Batangas
Mariing kinukondena ng New People’s Army – Eduardo Dagli Command (NPA-Batangas) ang malisyosong propaganda at iligal na pag-aresto ng pinagsanib na pwersa ng AFP at PNP sa magsasakang si Lamberto Asinas, nitong Abril 16, 2020, ganap na alas-9:30 ng umaga sa Brgy. Bundukan, Nasugbu, Batangas. Si Asinas ay dinakip batay sa mga gawa-gawang kaso at modus na tanim-ebidensya ng AFP at PNP.
Tahasang pinabubulaanan ng Eduardo Dagli Command ang malisyosong paratang ng AFP at PNP na si Lamberto Asinas ay isang aktibo at mataas na opisyal ng NPA-Southern Tagalog. Si Asinas ay isang karaniwang magsasaka na tulad ng karamihang magsasaka sa bayan ng Nasugbu ay dumaranas at apektado ng malawakang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa. Sa Brgy. Bundukan, kinakaharap ng mga magsasaka ang nakaambang pagpapalit-gamit ng lupa mula lupang tubuhan tungong malakihang produksyon ng bio-ethanol na proyekto ng kumpanyang Bukid Verde. Ilang beses nang dumaan sa matinding militarisasyon ang Brgy. Bundukan at kabilang si Lamberto Asinas sa mga dati nang pinag-iinitan ng mga militar dahil sa kanyang matatag na paninindigan sa pagtatanggol sa kanilang lupang sakahan.
Dahil sa labis na paghahabol ng promosyon at pagkagahaman sa makukuhang malaking salapi sa ilalim ng gatasang Enhanced Community Local Integration Program (E-CLIP), sagad sa buto ang ginagawang mga kasinungalingan at kawalanghiyaan nina Col. Alex Rilllera, pinuno ng 202nd Bde at Major General Arnulfo Marcelo Burgos, Jr, commander ng 2nd Infantry Division (2nd ID) para paratangan ang isang karaniwang sibilyan at ordinaryong magsasaka na tulad ni Asinas bilang isang regional intelligence officer ng NPA-Southern Tagalog.
Hindi na binigyang kunsiderasyon ng AFP at PNP ang labis na kahirapan at kagutumang dinadanas ng mamamayan bunsod ng pandemikong COVID-19 at ng ipinatutupad na militaristang lockdown sa buong Luzon. Patuloy ang AFP at PNP sa paghahasik ng karahasang militar at pag-atake sa batayang karapatan ng mamamayan sa hibang na layunin nitong durugin sa loob ng natitirang panahon ng pasistang rehimeng US-Duterte ang rebolusyonaryong kilusan. Ang kabiguan nitong ganap na pinsalain ang rebolusyonaryong kilusan ay patuloy nitong ibinabaling sa pag-atake sa mga sibilyang komunidad at inosenteng mamamayan upang bigyan ng hugis ang kanilang delusyon na nagtatagumpay ang kanilang anti-mamamayang kampanyang “kontra-insurhensya.”
Sa nakaraang mga buwan, patuloy na hinahagupit ng krisis ang mga mamamayan ng Batangas at hindi pa nakakabangon mula sa epekto ng pagputok ng bulkang Taal kung saan libu-libo ang nawalan ng tirahan at kabuhayan. Pinalala pa ito dahil sa hagupit ng pandemya ng COVID-19 at ng militaristang lockdown na ibayong nagpapasahol sa kalagayan sa pamumuhay at kabuhayan ng mga Batangueño. Sa halip na paglaanan ng pondo para sa serbisyong panlipunan at magpatupad ng tunay na repormang agraryo, walang ibang pinagtuunan ng pansin ang pasistang rehimeng US-Duterte kundi ang pagpapatupad ng pambabraso at panggigipit sa mga barangay at lokal na pamahalaan upang sapilitan silang maglabas ng mga deklarasyong persona non grata ang CPP-NPA-NDFP. Kung may mga pondo mang inilalaan para sa proyektong pangkabuhayan, hind ito nakatuon para paunlarin ang kalagayan ng mamamayan bagkus ito’y mga pakitang-taong proyekto na ang layunin ay para sa operasyong propaganda at saywar ng gubyerno.
Kabalintunaan ang pahayag ng AFP na suportado ng mga barangay ang kanilang kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi iilang mga barangay at lokal na pamahalaan ang sa katunayan ay naninindigan laban sa panghihimasok ng mga militar at pagpapatupad ng mga di-makatwirang operasyong militar sa kanilang mga komunidad. Ang ipinagmamalaki nitong mga NPA at tagasuporta na sumuko ay walang iba kundi ang mga karaniwang sibilyan na tinakot, dinahas at nilinlang nito upang palabasin na mga NPA surrenderee sa ilalim ng programang E-CLIP.
Nagpapatuloy ito sa mabagsik na pagyurak sa karapatang pantao ng mamamayan sa lalawigan ng Batangas sa pangunguna ng binuo nitong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kabilang dito ang ginagawang pagpunta at pagkausap ng mga militar sa mga kilalang lider magsasaka sa Nasugbu at pananakot sa mga ito upang umano ay makipagtulungan sa gubyerno. Nang hindi pumayag ang mga ito ay ipinaskil sa facebook ang litrato ng kanilang pag-uusap at pinalalabas na sumuko na ang mga naturang magsasaka upang maghasik ng intriga laban sa mga ito sa kanilang komunidad.
Desperado ang rehimeng US-Duterte na magwasiwas ng papatindi pang teror at karahasan laban sa mga mamamayan at komunidad sa hibang na layuning wakasan umano ang insurhensya bago matapos ang kanyang panunungkulan. Gayunpaman, tulad ng mga naunang rehimen patuloy itong mabibigo sapagkat naghuhumiyaw ang katotohanang tinatahak ng sambayanang Pilipino ang landas ng rebolusyon dahil sa napakasahol na krisis sa pulitika at ekonomiyang dinaranas ng mamamayan bunsod ng mga maka-imperyalista at anti-mamamayang mga patakaran at programa ng estado.
Malaking patunay dito ang matinding krisis na humagupit sa mga mamamayan ng Batangas nito lamang nakaraan tulad ng pagputok ng bulkang Taal at paglaganap ng pandemyang COVID-19. Sa halip na tulungang makabangon ang mga mamamayan ay nagpatupad pa ito ng mga militaristang hakbangin tulad ng malawakang deployment ng mga militar sa mga apektadong komunidad at nagpapatuloy na operasyong militar sa mga komunidad na kumakaharap sa usapin sa lupa. Sa halip na bigyan ng ayuda para sa panirahan at kabuhayan, ginawa pang tuntungan ng rehimen ang trahedya ng pagsabog ng Bulkang Taal upang tuluyang walisin sa paligid nito ang mga mamamayan at ganap na mabigyang daan ang proyektong eko-turismo ng gubyerno at naghaharing uri sa ilalim ng Metro-Taal Tagaytay Development Project. Sa gitna naman ng paglaganap ng COVID-19, ang militaristang lockdown ay sinasamantala ngayon ng rehimeng US-Duterte at berdugong militar upang tuloy-tuloy na atakehin at yurakan ang karapatan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga operasyong militar kahit noong kasagsagan ng kanilang sariling deklaradong ceasefire, mga operasyong paniktik laban sa mga rebolusyonaryong puwersa at karaniwang sibilyan, at pagsasagawa ng mga reyd at panghuhuli sa kalagayan na limitado ang paggalaw ng mamamayan.
Ipinapakita lamang ng naganap na pag-aresto kay Asinas at ng sunod-sunod na mga pag-atake at operasyon ng militar sa gitna ng krisis ng COVID-19 na ang tunay na motibo sa likod ng ipinatutupad nitong lockdown ay hindi ang pagsugpo sa COVID-19 kundi ang pagkontrol sa sibilyang populasyon para sa ganap na pagwasiwas ng karahasang militar at pagpapatupad ng de-facto Martial Law sa mga komunidad.
Sa gitna ng lahat ng ito, mahigpit na nananawagan ang Eduardo Dagli Command – NPA Batangas sa lahat ng Batangueño na manatiling matatag at mapagmatyag laban sa anumang pasistang atake at pagyurak sa karapatang pantao na isinasagawa at nakaamba pang isagawa ng AFP at ng rehimeng US-Duterte. Higit sa anupaman, kailangan ngayong maging mas militante at matapang ang mamamayan ng Batangas sa pagharap sa anumang banta sa kanilang karapatan sa lupa, panirahan, kabuhayan at karapatang pantao. Sa gitna ng labis na kahirapan at gutom na dinaranas ng mamamayan bunsod ng lockdown, dapat pag-ibayuhin pa ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos upang igiit ang kinakailangang ayuda ng gubyerno sa lahat ng apektado ng lockdown, gayundin ang pagtatamasa ng sapat na serbisyong panlipunan at serbisyong pangkalusugan upang itaas ang kapasidad ng mamamayan na harapin at labanan ang banta ng pandemyang COVID-19.
Dapat na maging mapagbantay at sama-samang ilantad ng mamamayan ang anumang anumalya at kurapsyon sa paggamit at pamamahagi ng pondong publiko na nakalaan para sa mga mamamayang apektado ng COVID-19, gayundin ang mga nauna pang pondo at ayuda para sa mga mamamayang biktima ng pagsabog ng bulkang Taal. Dapat ding maging mapagmatyag ang mga mamamayan sa mga pakana ng rehimeng US-Duterte at naghaharing uri upang pataksil na ilusot at isakatuparan ang mga anti-mamamayang proyekto na magpapalayas sa mga mamamayan sa kanilang lupang panirahan at kabuhayan. Tiyak na gagamitin ng rehimeng US-Duterte at ng naghaharing uri ang anti-COVID-19 upang itaguyod ang kanilang ganid na interes sa gitna ng abang sitwasyong kinasasadlakan ngayon ng mamamayan sa buong bansa.
Wala nang anumang pagpapanggap pa o ni katiting na paggalang sa karapatang pantao ang rehimeng US-Duterte. Ganap na nitong inilalantad ang sarili bilang isang brusko, malupit at uhaw-sa-dugong pangulo na napapalibutan ng mga sagad-sagaring berdugo at mga mersenaryong heneral ng militar tulad nina Año, Lorenzana, Esperon at Galvez. Sa katunayan ay isa nang civilian-military junta ang nagpapatakbo sa gubyerno nito na walang ibang layunin kundi ang wasakin at durugin ang anumang pagkakaisa ng mamamayan upang bigyang puwang ang malaon nang interes ng naghaharing uri na dambungin at kopohin ang napakayamang lalawigan ng Batangas.
Dapat ihanda ng buong rebolusyonaryong puwersa at mamamayan ng Batangas ang kanilang hanay sa ibayo pang pagsahol at paghahasik ng karahasang militar ng AFP, PNP at rehimeng US-Duterte sa lalawigan. Kaugnay nito, dapat buuin ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa antas ng mga komunidad upang sama-samang magbantay at magtanggol laban sa pasistang atake ng AFP at biguin ang anumang pagtatangka ng rehimeng US-Duterte na yurakan ang demokratikong karapatan at patahimikin ang makatarungang paglaban ng mamamayan.
Digmang Bayan, sagot sa Kahirapan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!