Sa gitna ng krisis sa Covid-19 at kainutilan ni Duterte, Mabuhay ang ika-47 taong Anibersaryo ng NDFP!
Nagpupugay ang Melito Glor Command (MGC) ng NPA Southern Tagalog sa National Demoratic Front of the Philippines (NDFP) sa okasyon ng kanyang ika-47 anibersaryo. Ipagbunyi natin ang mga tagumpay ng NDFP na natipon sa nakaraang 47 taon upang pamunuan ang mamamayan sa harap ng paglaban sa Covid-19 at iligtas ang buong bayan laban sa higit na mapanganib na bayrus na nakaluklok sa Malakanyang. Pag-ibayuhin natin ang ating determinasyong buklurin ang lahat ng mamamayang inaapi upang sama-sama nating labanan at magapi ang malupit at pasistang rehimeng US-Duterte.
Ginugunita natin sa araw na ito ang ika-47 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa pamamagitan ng NDFP, nagkaroon ng pang-organisasyong ekspresyon ang pagkakaisa at pagbubuklod ng iba’t ibang uri at sektor ng lipunan laban sa pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at kamtin ang demokrasyang bayan sa Pilipinas. Marapat na itanghal ang 47 taong kasaysayan ng NDFP bilang kasaysayan ng pagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng sambayanang Pilipino.
Hinarap ng NDFP ang GRP sa usapang pangkapayapaan sa halos dalawang dekadang pag-uurong-sulong ng iba’t ibang rehimeng nagpalit-palitan sa kapangyarihan mula kay Ramos. Matatag nitong hinawakan ang mga prinsipyo ng soberanya, pambansang demokrasya, makatarungang kapayapaan at panlipunang hustisya. Puspusan na nilabanan at binigo ang bawat tusong maniobra ng mga reaksyunaryo na bitagin ang rebolusyonaryong kilusan sa pagsuko at kapitulasyon. Naging boses ang NDFP upang ipahayag ng mga aping uri at sektor ng lipunan ang kanilang saloobin at igiit ang kanilang kahilingan sa mga napapanahong isyu. Tinipon ng NDFP ang hangarin ng sambayanang Pilipino sa 12-puntong programa sa ekonomya, pulitika, militar at kultura bilang superyor na alternatiba ng bayan sa neoliberal, elitista, kurap, bulok at anti-demokratiko’t anti-mamamayang programa ng GRP.
Ikinagagalak at ikinararangal ng Partido at Hukbo sa rehiyon ang ambag ng NDFP sa pagsusulong ng kilusan para sa pambansang paglaya mula sa tanikala ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Maaasahan ng NDFP at ng buong sambayanan ang mahigpit na pagtupad ng NPA-ST na nasa absolutong pamumuno ng Partido sa tungkuling isulong ang armadong pakikibaka para makamit ang pambansang tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Sa ngayon, nakatuon ang pansin ng mga yunit ng NPA ST at iba pang mga kaalyadong organisasyon ng NDFP sa kabuuang pagsisikap ng sambayanang harapin ang pandemikong Covid-19.
Minomobilisa ng MGC ang lahat ng yunit nito sa kampanyang edukasyon, pangkalusugan at sanitasyon hinggil sa paglaban sa Covid-19 at pinakikilos ang buong makinaryang medikal ng hukbong bayan upang maghatid ng serbisyo sa mamamayan. Mahigpit itong tumatalima sa panawagan ng United Nations para sa isang pandaigdigang tigil-putukan upang bigyang prayoridad ang pagdaloy ng tulong at serbisyo para sa mamamayang apektado ng Covid-19, kahit pa nakaamba ang mga tusong atake ng taksil na AFP-PNP.
Sa panahon ng krisis, lumilitaw ang diwa ng kolektibong pagdadamayan ng karaniwang mamamayan at uring anakpawis para sa kapakanan ng higit na nakararami. Kapuri-puri ang kanilang malasakit sa kapwa, kapangahasan, at pagkamalikhain sa paghahatid ng serbisyo sa mga nangangailangan sa kabila ng marahas na lockdown at kapabayaan ng reaksyunaryong gobyerno. Gawing inspirasyon at moog na masasandigan ng mamamayan ang kanilang kolektibong lakas sa panahon ng kagipitan para iligtas ang bayan.
Matatag na lalabanan at bibiguin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa at kaalyadong organisasyon ng NDFP ang militaristang tugon ng rehimeng US-Duterte sa kinakaharap na krisis sa ekonomya, pulitika at kalusugan ng bansa. Ang pinapakawalang matinding pasismo at terorismo ng kanyang rehimen sa rehiyong Timog Katagalugan ay nagresulta sa marahas na pagsupil, pagtugis at panggigipit sa mga aktibista, lider-unyon, propesyunal, taong-simbahan at iba pang progresibong pwersa.
Noong 2019, mayroong naitalang anim na biktima ng extrajudicial killing, 67 kaso ng iligal na pang-aaresto, at daan-daang kaso ng pananakot, pagbabanta, at iba pang tipo ng paglabag sa karapatang tao sa TK. Kapuri-puri ang pagpupunyagi ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon at buong bansa sa pagsusulong ng pambansa demokratikong interes at kahilingan ng sambayanan sa gitna ng sitwasyong ito.
Hinahamon ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na likhain ang panibagong yugto ng ating pakikibaka. Higit na hinog ang kalagayan para sa pagpapalawak ng rebolusyonaryong hanay at pagpapasigla ng pakikibaka ng sambayanan. Sa harap ng tiranya ni Duterte, makatarungang hangarin ng buong uring anakpawis at sambayanan na wakasan ang malupit, bulok, pasista at tiranikong paghahari ng rehimeng US-Duterte at ibayong isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan. ##