Sa harap ng pandemyang Covid-19, pagtuluy-tuloy ng mga operasyong kombat ng SOLCOM laban sa NPA-ST, desperasyon at kahibangan ni Parlade
Pangitang-pangita ang desperasyon ng hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. sa kanyang huling pahayag na ipagpapatuloy ng SOLCOM ang mga operasyong militar upang matunton ang mga yunit ng NPA sa Timog Katagalugan. Kung anu-ano pang kasinungalingan ang ikinakalat ni Parlade na may mga sakit na COVID-19 na ang Pulang Hukbo. Sa dulo, nanawagan lamang ito ng gasgas nang linya ng pagpapasuko, isang kabulastugan sa pagmamayabang niyang nadisloka at nahiwalay na ang NPA sa malawak na masa ng kanayunan.
Mariin din naming kinukundena ang paulit-ulit na pagmamalaki ng AFP-PNP sa kanilang karumaldumal na pagpatay sa mga kasamang sina Mario “Ka Jethro” Caraig, Dioscoro “Ka Termo” Cello at 2 pang kasama. Taliwas sa inaakala ni Parlade, higit na umaalab ang diwang mapanlaban ng mga yunit ng NPA-ST dahil nagsisilbing inspirasyon sina Ka Jethro at Ka Termo para ipagpatuloy at paigtingin ang armadong pakikibaka sa rehiyon. Hindi rin natitinag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa mga pakana ng kaaway at tuluy-tuloy na operasyong militar sa kanayunan. Lumang tugtugin na ang mga ipinapalaganap na pekeng balita at pekeng NPA surrenderees sa kampanyang pagpapasuko ng rehimen.
Isang kahungkagan ang alok ni Parlade na mapayapang sumuko ang NPA sa reaksyunaryong gubyerno. Walang mapayapa at tahimik na buhay ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng pasista at tiranikong paghahari ng rehimen na pinalala pa ng militaristang lockdown sa panahon ng COVID-19. Wala sa bokabularyo ng mga hayok-sa-digmaang mga heneral na tulad ni Parlade ang salitang kapayapaan. Patunay ang kanilang pagdiskaril sa nakaraang usapang pangkapayapaan. Kapayapaan ng libingan ang nais na kapayapaan ng mersenaryong AFP-PNP at ng huntang militar na nasa NTF-ELCAC at IATF.
Nagkokoro sina Parlade at Duterte sa kanilang kabaliwan na mag-alok ng pagpapabakuna sa mga NPA para sumuko. Walang sentido-kumon ang dalawa sa pag-aakalang nahawahan na ng COVID-19 ang NPA gayong nagpapatupad ang NPA ng mga kongkretong hakbangin sa pag-iwas sa COVID-19 tulad ng mga kampanyang sanitasyon at quarantine protocol sa mga lugar na may bulnerabilidad sa sakit.
Ang totoo, ang mga mersenaryong tropa na naglulunsad ng FMO at CSPO ang nagdadala ng COVID-19 sa mga liblib na bahagi ng kanayunan dahil pinapasok nila ang mga baryo at hinahalughog ang mga bahay ng masa nang walang suot na face mask at personal protective equipment.
Ang mga sundalo at pulis ang nagdadala ng panganib na makahawa at magkalat ng sakit dahil sa paglalagay sa kanila ng rehimeng US-Duterte bilang nasa unahan ng pagpapatupad ng malupit na militaristang lockdown kung saan malayang nakakapag-iikot sa mga kabayanan na laganap ang COVID-19. Ang mga sundalo at pulis ding ito ang mismong kasama sa mga focused military operations sa kanayunan at nagpapataas ng risgo sa paglaganap ng sakit sa bansa. Hindi lamang buhay ng mamamayan ang inilalagay ni Duterte sa peligro kundi kahit ang mga karaniwang kawal ng AFP-PNP.
Hindi prayoridad ni Duterte ang kalusugan o ang kapayapaan ng bayan. Tanging inuuna nito ang pasismo at panunupil sa kanyang imbing pangarap na malipol ang NPA bago ang 2022. Ang rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP ang tunay na maaasahan ng bayan sa pagkakaloob ng serbisyong panlipunan higit ngayong panahon ng pandemya. Matatag na naninindigan ang NPA sa rehiyon na tumugon sa panawagan ng Communist Party of the Philippines na sugpuin ang pandemya kasabay ng pagbigo sa kontra-rebolusyunaryong gera ng rehimeng US-Duterte at berdugong AFP-PNP. ###