Sa harap ng pasismo ng rehimeng US-Duterte, Pulang pagpupugay sa katapangan at kagitingan ng mga kababaihan!
Sinasaluduhan ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog ang lahat ng mga militante at nakikibakang kababaihan ngayong ika-110 taon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Patunay sa napakalaking papel at ambag nila sa lipunang Pilipino ang kanilang nagpapatuloy na laban sa harap ng tumitinding pasismo ng rehimeng US-Duterte.
Malaon nang pinagsasamantalahan ng bulok na estado ang mga kababaihan sa bansa. Si Duterte mismo ang nangungunang lapastanganin ang karapatan ng mga kababaihan sa kanyang mga pyudal at sobinistang pahayag na nagmamaliit at nambabastos sa kanila. Pinakahuli sa kanyang mga tirada laban sa kababaihan ay ang pagpapahayag na hindi pwedeng maging presidente ang mga kababaihan dahil hindi nila kakayanin ang pagiging pangulo. Ito ay sambit ng makitid na utak ng isang macho-pasistang nanginginig ang tuhod dahil anumang oras ay maaari siyang palitan ng kanyang bise presidente na si Leni Robredo.
Ang totoo, nahihintakutan si Duterte sa mga kababaihang kritiko ng kanyang gubyerno. Hindi niya maatim ang kanilang mga kritisismo na naglalantad sa kanyang bulok na pamamahala. Tinitingnan niyang hadlang sila sa kanyang pangarap na maghari lagpas 2022. Makailang ulit niyang sinupil ang boses nina Senador Leila de Lima, dating Chief Justice Maria Lourdes Serreno, Pia Rañada, Maria Ressa at Leni Robredo. Ni-re-red tag niya ang mga kababaihan sa Makabayan Bloc ng Kongreso at mga ligal na organisasyon. May mga kaso rin ng pang-aaresto, pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang tao sa hanay ng mga kababaihan.
Sa Timog Katagalugan, dinakip ang lider-magsasakang si Genalyn “Neneng” Avelino noong Pebrero 23 sa kanyang bahay sa Rizal, Occidental Mindoro. Sinampahan naman ng mga gawa-gawang kaso ang tagapagtanggol ng karapatang tao na si Genelyn Dichoso sa Quezon. Pinaslang ng rehimen ang lider-manggagawang si Vilma Salabao na kabilang sa Baras 5 noong Disyembre 2020.
Sa kabila nito, tinatanganan ng mga kababaihan ang sulo ng pakikibaka. Lagi nilang kakapitbisig ang mga manggagawa at magsasaka sa pagpapanawagan para sa karapatan ng bayan. Pinamumunuan nila ang paglaban ng mga kapwa nila api sa mga lansangan. Habang ang iba naman ay tumungo sa kanayunan upang isulong ang armadong pakikibaka laban sa rehimeng US-Duterte. Handa silang magbuwis ng buhay para sa mas maaliwalas na kinabukasan ng bayan at ng susunod na henerasyon. Dinadakila ng MGC-NPA ST ang malaking ambag ng mga kababaihang nag-alay ng kanilang buhay noong 2020 na sina Eugenia “Ka Fiel” Martinez-Magpantay, Dr. Lourdes Tangco, Lorelyn “Ka Farah” Saligumba, Andrea “Ka Naya” Rosal, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo, Justine “Ka Pia” Vargas at Irene “Ka Analyn” Yam-ay. Sila ang mga Lorena Barros ng ating panahon.
Hindi aatras ang mga kababaihan. Patuloy nilang lalabanan at bibiguin ang terorismo ng rehimeng Duterte. Lumalahok sila sa pambansa demokratikong rebolusyon para ibagsak si Duterte at itayo ang tunay na gubyernong bayan na magsusulong at mangangalaga sa karapatan at kagalingan hindi lamang ng mga kababaihan kundi ng buong sambayanan.#