Sa Harap ng Pasistang Paghahari ni Duterte, Tungkulin ng Mamamayan ang Alalahanin ang Bangungot ng Batas Militar
September 19, 2019
Sa panahong namamayani ang pasismo, kagutuman at kahirapan, isang krimen ang lumimot. Sa okasyon ng paggunita ng ika-47 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa panahon ng diktador na si Marcos, ipinapaabot ng NDF-Bikol ang mahigpit na pakikiisa sa mamamayang patuloy na naninindigan para sa karapatan at kalayaan at nagtatakwil sa muling paglukob ng bangungot ng pasistang diktadura sa bansa.
Mahigit apat na dekada mula nang unang maideklara ang batas militar sa bansa, nananatiling mailap ang katarungan para sa daan libong mamamayang naging biktima ng karahasan ng estado. Pinipilit baguhin ng naghaharing-uri ang kasaysayan. Matapos tumakbo ni Bongbong Marcos para sa pagka-bise presidente noong 2016, nahalal naman ngayong taon bilang Senador si Imee Marcos sa bisa ng isa sa mga pinakamaruruming eleksyon sa kasaysayan ng bansa.
Ang masahol pa, umuulit ang kasaysayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte at higit pang pinatindi ang lantarang pagyurak sa karapatang-tao. Pilit na ipinatatanggap sa masang Pilipino ang normalisasyon ng pasismo at terorismo ng estado. Habang nag-uulol ang reaksyunaryong gubyerno sa pagtugis sa mga makabayan at tunay na nagtataguyod ng karapatan at kalayaan ay pinagpupugayan naman ng kanyang mga alagad ang kamay na bakal ni Duterte. Pinapalakpakan ang lumulobong bilang ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang habang tinuturing na krimen ang paglaban. Kamakailan lang, inamin mismo ni Duterte na siya ang utak sa isang ambus laban sa isang pulitiko sa Visayas. Ngunit sa halip na imbestigahan ang kriminal na pangulo, pinipili ng militar at pulis na pagtuunan ng pansin ang pagtugis, pandarahas at pagpatay sa daan libong kabataan-aktibista, taong-simbahan, abugado, guro, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, masang sibilyan sa kanayunan at kalunsuran.
Ngunit hindi pa tapos ang laban. Sa panahong pilit na lumulukob ang kadiliman sa buong bansa at pinamumugaran ang gubyerno ng mga taksil sa bayan, tungkulin ng mamamayan ang magbalikwas. Tungkulin ang magngalit at tumindig para sa tunay na kalayaan at katarungan. Isang kolektibong tungkulin ang balikan ang mga aral ng kasaysayan at sumulong nang may paninindigang pabagsakin ang kaaway ng mamamayan. May araw ding papanagutin ng sambayanan ang naghahari-hariang si Duterte at ang kanyang pinakamasusugid na kawal. May araw ding magbabayad sa kanilang mga krimen ang mga burukrata kapitalistang nagtataguyod ng neoliberalismo at naglulublob sa masa sa kumunoy ng kahirapan, ang mga militar at pulis na pinatatahimik ng bala ang nag-aalab na diwa ng mamamayan, ang lokal at dayuhang naghaharing-uri na nagpapakasasa sa bunga ng pawis at dugo ng mamamayan. Tulad ng diktadura ni Marcos, walang ibang patutunguhan ang pasistang paghahari ni Duterte kung hindi ang tuluyang pagguho. Hanggat hindi nasisilayan ng masang Pilipino ang silahis ng umaga, kasama ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan sa kanilang patuloy na pagpunit sa dilim.
Gunitain ang Ika-47 Anibersaryo ng Batas Militar ni Marcos! Balikan ang Aral ng Kasaysayan, Manindigan, Labanan ang Pasismo at Terorismo ng Estado! Pabagsakin ang Rehimeng US-Duterte! Katarungan para sa mga Biktima ng Karahasan ng Estado mula Noon Hanggang sa Kasalukuyan!
Sa Harap ng Pasistang Paghahari ni Duterte, Tungkulin ng Mamamayan ang Alalahanin ang Bangungot ng Batas Militar