Sa ika-26 taon ng Mining Act: Parusahan ang mga mandarambong ng likas na yaman!
Kasama ng sambayanang Pilipino ang MGC-NPA ST sa mariing pagtutol at paglaban sa pandarambong ng mga imperyalista at lokal na malalaking kumpanya sa pagmimina ng yamang mineral ng bansa. Sobra-sobra na ang kanilang dinambong at pininsala—ang dapat sa kanila’y palayasin at panagutin sa kanilang mga atraso sa bayan.
Kaisa rin ito sa panawagang ibasura ang Mining Act of 1995 na 26 taon nang ginagamit ng reaksyunaryong estado upang bigyan ng ligal na bihis ang walang pakundangang pagdambong at pagsaid sa rekursong mineral ng bansa na nagpapahirap sa mamamayan. Wala itong dapat kalagyan kundi ang basurahan ng kasaysayan.
Makatarungan ang ipinaglalaban ng mamamayan dahil simula’t sapul walang ibang nakinabang sa malakihan at mapanirang pagmimina kundi ang mga industriya ng mga kapitalista at imperyalistang bansa. Sila ang mga lintang nagpapasasa sa tubo habang nagdarahop ang mga komunidad na pinagmiminahan. Pruweba nito ang nagpapatuloy na kahirapan ng mamamayan sa Hilagang Luzon at Mindanao na deka-dekada nang pinipinsala ng pagmimina. Ilang henerasyon ng pambansang minorya sa mga lugar na ito ang nagdusa bunsod ng mga sakunang dulot ng mina at pagkasira ng kapaligiran na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Pinasidhi pa ng GRP ang kanilang paghihirap sa pagdedeploy ng mga tropa ng AFP sa kanilang lupaing ninuno upang magsilbing gwardya ng mina at supilin ang sinumang lumalaban rito.
Sa TK, aabot sa higit 900,000 ektarya ng lupa ang araw-araw na sinisira ng mga operasyon ng metallic at non-metallic mining. Saklaw nito ang 20% kalupaan ng buong rehiyon at 91 bayan at syudad. Milyong mamamayan ang nadidisloka ng mga operasyong ito.
Mariin ang paglaban ng mamamayan ng TK sa mina dahil sariwa pa sa kanilang alaala ang delubyong dinala ng Marcopper, isang kumpanyang Canadian, sa isla ng Marinduque. Higit 200 milyong tonelada ng nakalalasong dumi ng mina ang itinapon ng kumpanya sa look ng Calancan sa loob ng 16-taong operasyon nito.
Noong 1996, nasira ang drainage ng mine pit ng Marcopper na naglabas ng 1.6 milyong metro kubikong dumi ng mina sa ilog ng Boac hanggang sa baybayin ng isla. Nagdulot ito ng flashflood na nagpalubog sa limang barangay na may tinatayang higit 20,000 mamamayan. Nagkakailan ang kaso ng pagkalason at pagkamatay ng mga residente at kumalat ang sakit sa balat. Sinira rin ang mga palayan, gulayan at binarahan ang mga irigasyon. Namatay ang mga isda at yamang-tubig. Hanggang ngayon, wala pa ring nakakamit na indemnipikasyon at hustisya ang mga taga-Marinduque at patuloy nilang pinagdurusahan ang epekto ng sakuna.
Malinaw na nararapat gawaran ng rebolusyonaryong hustisya ang mga kapitalistang mandarambong ganundin ang kanilang mga kasabwat na burukrata at pasistang militar. Sa layuning ito, ang NPA ang tanging maaasahan ng mamamayan. Ipinapakita ng mga taktikal na opensiba ng NPA ST laban sa mga kumpanya ng mina sa Palawan, Rizal at Quezon ang katapatan ng NPA sa pagtataguyod sa interes ng bayan. Sa buong bansa, ang NPA lamang ang nagpapatigil sa mga operasyon ng mina at iba pang mapanirang proyektong yumuyurak sa kabuhayan ng mamamayan.
Ang mga punitibong aksyon ng NPA laban sa mapanirang pagmimina ay nagpapasigla sa magiting na pakikibaka ng mamamayan. Inspirasyon ng NPA ang kanilang pagpupunyagi sa harap ng matinding pasismo at panlilinlang ng kaaway. At ngayong nakaamba ang ibayong pandarambong bunsod ng mga bagong pakana ng rehimen, tiyak na lalong iinit ang pakikibaka para wakasan ang mapaminsalang pagmimina. Tiyak na mahigpit na lalabanan ang iniutos ni Duterte na “pagpapanibagong-sigla” ng industriya ng pagmimina at pagpapahintulot ng buumbuong pag-aari ng mga dayuhan sa mga likas na rekurso ng bansa sa isinusulong na chacha.
Mabibigo ang rehimeng Duterte dahil determinado ang mamamayan na pigilan ang ibayong pandarambong sa yaman ng bansa. Patuloy nilang tututulan at haharangin ang mga operasyon ng mapaminsalang pagmimina. Wala ring kapagurang isusulong ang mga pakikibaka para sa lupaing ninuno, pambansang patrimonya at kalikasan. Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na parusahan ang mga ganid at ilaan ang likas na rekurso ng bansa sa pagsusulong ng tunay, makabayan at maka-mamamayang pag-unlad.#