Sa ika-34 anibersaryo ng Mendiola Massacre, Tuloy ang laban para sa hustisya at karapatan sa lupa
Patuloy na iginigiit ng mga magsasaka ang hustisya at karapatan sa lupa. Sa 34 taong nagdaan, katarungan ang sigaw ng mga magsasaka at kaanak ng 13 biktima ng Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Lumalalim ang mga sugat na iniwan nito ngayong pinasahol ni Duterte ang kalagayan ng mga magsasaka. Ito ang higit na nagpapaalab ng kanilang diwa na ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka para sa lupa at ibagsak ang kasalukuyang rehimeng US-Duterte.
Tulad ng rehimeng US-Corazon Aquino, walang pusong inaatake ni Duterte ang mga magsasakang nagpapaabot ng kanilang mga lehitimong karaingan. Sa ilalim lamang ng rehimeng Duterte, higit 300 magsasaka ang pinaslang kabilang sina Adonis Shu, lider ng samahan ng maliliit na gold panners sa Palawan at Armando Buisan, lider ng magniniyog sa General Luna, Quezon. Biktima rin ang mga magsasaka sa mga walang puknat na focused military operations at retooled community support program operations ng AFP-PNP sa buong bansa. Tinalikuran rin ng administrasyong Duterte ang hinaing ng masang anakpawis para sa ayuda at serbisyong pangkalusugan sa panahon ng pandemya.
Ipinatutupad ng rehimen ang malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka sa gitna ng pandemya upang bigyang-daan ang interes ng mga panginoong maylupa at burgesya kumprador. Paulit-ulit na inaatake ng armadong goons sa Hacienda Yulo ang mga residente at magsasaka ng Sitio Buntog at Matang Tubig sa Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna. Nito lamang Enero 6, sapilitang nilang pinalalayas ang mga magsasaka sa Buntog sa pagdemolis sa mga tahanan at pagkuha ng mga ari-arian. Noong Agosto 2020, sinunog ng mga pasista ang tatlong tahanan at dinemolis ang iba pa sa Matang Tubig. Bago magpasko noong Disyembre 2020, tinangka naman ng ng mga goons ng National Grid Corporation of the Philippines na palayasin ang mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City sa Cavite.
Sa kabila ng mga atakeng ito, binigo ng mga magsasaka ang pakana ng rehimen at patuloy na nakapanatili sa kanilang lupa. Pinanday na sila ng pakikihamok laban sa mga nagdaang rehimen. Inspirasyon nila ang kanilang mga ninuno at kapwa magsasakang nagbuwis ng buhay upang maipagpatuloy ang daang taong pakikibaka para sa lupa. Hindi sila natitinag sa pasismo ng estado at higit pang pinalalakas ang pakikibakang anti-pyudal at anti-pasista laban sa rehimeng US-Duterte.
Ang tumitinding tunggalian sa lupa at pasismo ng estado ang nagtutulak sa mga magsasaka para humawak ng sandata. Sa rebolusyon sumasalig ang mga magsasaka dahil ito lamang ang nagsusulong ng kanilang interes sa lupa. Dumaraming magsasaka ang sumasapi sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid. Itinatayo nila ang mga lokal na kapangyarihang pampulitika ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa kanayunan upang lubos na maitaguyod ang kanilang mga demokratikong interes. Iniaambag rin nila ang kanilang mabubuting anak sa NPA para ipagtanggol ang lupang nabawi sa mga panginoong maylupa.
Pinatitibay ng hindi mapapatid na bigkis ng mga magsasaka at NPA sa kanayunan ang armadong pakikibaka laban sa mga imbing atake at pananalakay ng AFP-PNP. Ibabagsak ng pinagkaisang lakas ng mamamayan at ng CPP-NPA-NDFP ang teroristang rehimeng US-Duterte upang makamit ng mamamayan ang kanilang karapatan sa lupa at iba pang demokratikong karapatan.###