Sa ika-49 taong paggunita sa Martial Law, Paigtingin ang pakikibaka laban sa terorismo ng estado at diktadurang paghahari ni Duterte
Limang taong nilukob ni Duterte ang buong bayan sa pasistang lagim ng de facto Martial Law. Hinigitan pa ng kanyang rehimen ang bilang ng mga pinatay at iba pang paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng batas militar ng iniidolo niyang diktador na si Marcos. Sa harap ng pinapakawalang terorismo ng estado, inspirasyon ng mamamayang Pilipino ang pakikibaka sa panahon ng batas militar upang wakasan ang diktadurang paghahari at panagutin si Duterte sa kanyang mga krimen.
Sinamantala ng rehimeng Duterte ang pagputok ng COVID-19 upang ipataw ang pasismo habang nasasadlak sa matinding paghihirap ang bayan. Habang may pandemya, iniratsada ni Duterte ang Anti-Terrorism Law (ATL) at ginamit itong sandata para supilin ang nakikibakang mamamayan sa ngalan ng “pagsugpo sa terorismo”. Iwinawasiwas ng estado ang ATL upang gawing lehitimo ang pamamaslang, pang-aaresto at iba pang paglabag sa karapatan ng mga aktibista, progresibong organisasyon, makabayan, kritiko at kasapi ng oposisyon.
Mula nang isabatas ang ATL noong Hulyo 2020, naganap sa Southern Tagalog ang 18 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, 75 kaso ng iligal na pang-aaresto, 3 kaso ng pagdukot at higit 600 kaso ng sapilitang pagpapasuko. Isinagawa ng AFP-PNP ang masaker sa Baras, Rizal noong Disyembre 2020 na kumitil sa buhay ng limang sibilyan at Bloody Sunday noong Marso 7 kung saan siyam na aktibista ang pinaslang at anim na iba pa ang dinakip.
Sa kanayunan, lalong naging mapanibasib ang focused military operations ng AFP-PNP, kung saan may 30,000 mamamayan sa mga komunidad ang lumikas sa simula ng taon. Iligal na nagkakampo ang mga militar sa tabing ng mga retooled community support program operations at ginagamit ang mga pekeng programang pangkaunlaran ng Barangay Development Program para makapanatili sa mga baryo. Mayroon ding 3 kaso ng pambobomba at istraping sa mga komunidad sa Quezon, Mindoro at Palawan.
Sinagpang ng pangkating Duterte ang kahirapan ng bayan sa gitna ng pandemya at ipinataw nitong de facto Martial Law upang dambungin ang kaban ng bayan. Binusog ng rehimen ang mga alipures nito, kroni at matataas na opisyal ng AFP-PNP.
Naitayo rin ni Duterte ang huntang militar kung saan inilagay niya ang mga retiradong heneral at pulis sa matataas at susing posisyon sa sibilyang gubyerno. Kasabay nito, ipinatupad niya ang whole-of-nation approach ng EO 70 at JCP Kapanatagan kung saan naging maluwag sa AFP-PNP na gamitin ang buong makinarya ng gubyernong sibil para sa anti-komunistang gera ng rehimen. Desperado siyang malipol ang CPP-NPA-NDFP bago matapos ang kanyang termino.
Nakasandig si Duterte sa kapangyarihan ng AFP-PNP upang makamit ang kanyang pangarap na manatili sa estado poder nang lagpas 2022. Pinapakana niyang maghari upang ipagpatuloy pa ang kanyang pangungurakot at makaiwas sa pananagutan sa kanyang mga krimen. Kailangan niyang gumamit ng terorismo ng estado para itumba ang lahat ng tumutuligsa at iba pang balakid sa kanyang habambuhay na diktadurang paghahari. Ang plano niyang pagtakbo sa eleksyon 2022 ay sa esensya pag-ikot sa reaksyunaryong Konstitusyong 1987 na nagbabawal sa re-election sa pagkapangulo.
Dagdag gatong sa galit ng bayan kay Duterte ang kanyang garapalang pagpabor at pakikipag-alyansa sa mga Marcos para tuparin ang kanyang ambisyong pulitikal. Ginamit niya ang mga ninakaw na yaman ng pamilya Marcos sa kanyang kampanyang elektoral noong 2016, at ngayon sa pagsuporta kay Sara Duterte o sa sinumang kanyang babasbasang heredero. Kapalit nito ang pagkakalat ng rehimen ng historical revisionism para burahin sa isip ng mamamayan ang krimen ng mga Marcos at palabasin pang “bayani” ang diktador. Ngayon, tigas-mukhang nag-aasam si Bongbong Marcos na tumakbo sa pagkapangulo o bise pangulo sa 2022.
Dapat na pag-ibayuhin ng mamamayang Pilipino ang kanilang pakikibaka para labanan at ibagsak ang pasistang diktadura ni Duterte. Hindi na dapat magkaroon ng isa pang pagkakataong tumagal si Duterte sa kapangyarihan. Sa harap ng mga restriksyon ng pandemya, kapuri-puri ang dumarami at lumalakas na pakikibakang bayan na naggigiit sa mga lehitimong karapatan ng mamamayan gaya ng ayuda, dagdag na sahod sa mga propesyunal lalo sa mga manggagawang pangkalusugan at guro, pagpapabasura ng ATL hanggang sa pagpapabagsak at pagpapanagot kay Duterte.
Tapatan man ng papasidhing pasismo at terorismo ng estado, hindi titigil ang mamamayang Pilipino na labanan ang ipinataw na de facto Martial Law ng rehimen. Pinatunayan na ng kasaysayan na sa ilalim ng marahas na Martial Law ng pasistang diktadurang US-Marcos, lalong dumami ang sumapi sa NPA upang labanan ang diktadura. Kung kaya’t sa harap ng kasalukuyang pasismo ng rehimeng Duterte, lehitimo ang pag-aarmas at makatarungan ang paglaban bilang pantapat at pananggol ng mamamayan sa pasistang diktadura.
Maaasahan ng sambayanan ang Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog na sasabayan nito ang mga nag-aalab na kilos-protesta ng matutunog na taktikal na opensiba laban sa teroristang AFP-PNP at sa rehimeng Duterte. Katuwang ng mamamayan ang NPA sa pagbigo sa batas militar hanggang sa maibagsak si Duterte.###