Sa ika-50 taon ng Bagong Hukbong Bayan
Cleo del Mundo | Spokesperson | NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command) | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People's Army
March 29, 2019
Aabot ba tayo ng singkwenta kung hindi tayo mahal ng masa?
Maidadaos ba natin ang pagdiriwang na ito kung hindi tayo nakakatagal sa mga baryo?
Hindi matalo-talo ang NPA dahil tinatangkilik tayo ng masang magsasaka at manggagawa at buong bayan!
Ang mga bagay na iyan ang araw-araw na bumabagabag at hindi nagpapatulog sa terorista at manyak na si Digong Duterte at kanyang mga Heneral. Si Duterte na lamang ang naniniwala sa kanyang sarili na mapupuksa ng kanyang berdugo at bayarang Armed Forces of the Philippines ang CPP-NPA-NDF sa kalaghatian ng taong 2019.
At dahil diyan tiyak na mananalo ang rebolusyon! Magagapi natin ang imperyalismo, pyudalismo at pasistang paghahari ni Duterte at ng mga susunod pang reaksyunaryong rehimen!
Pagpupugay sa buong sambayanan sa okasyon ng ikalimampung anibersaryo ng New People’s Army! Taas kamaong pagbati sa mga pulang kumander at pulang mandirigma ng magiting at tunay na hukbo ng mamamayan — ang Bagong Hukbong Bayan!
Mga kasama ngayong araw ang hudyat ng buong taon nating pagdiriwang ng anibersaryo ng New People’s Army. Ipagdiwang natin ito sa pamamagitan ng paggunita at pagdakila sa ating mga martir ng rebolusyon!
Ipagdiwang natin ito sa pamamagitan ng patuloy na pagtatayo at pagpapalakas ng base ng rebolusyon para biguin ang desperadong tangka ng AFP na wasakin ang mga samahang masa!
Ipagdiwang natin ito sa patuloy na pagsusulong ng rebolusyong agraryo para labanan ang pagkakait ng lupang mabubungkal sa uring magsasaka, pagbagsak ng presyo ng kopra at mga produktong bukid, at isalba ang mamamayan sa tagtuyot at kagutuman!
Ipagdiwang natin ito sa mas pinaigting na armadong paglaban ng NPA at buong sambayanan!
Mga kasama, mula 2016 ang NPA sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command, sa pangunguna ng inyong mga pulang kumander at pulang mandirigma ay nagpakita ng mas pinaigting na pagpupursige at katapangan para itaas ang antas ng ating armadong pakikibaka sa mga larangan ng digma sa buong lalawigan ng Quezon.
Nagkakailang matutunog na taktikal na opensiba ng Apolonio Mendoza Command ang yumanig sa Southern Luzon Command ng AFP at mga lokal na naghaharing uri. Nakakumpiska tayo ng mga matataas na kalibre ng baril, nawasak natin ang mga kagamitang militar ng 85th IBPA, nagtamo sila ng maraming kaswalti, at naparusahan natin ang mga may mabibigat na krimen sa mamamayan at rebolusyunaryong kilusan.
Hindi kayang pagtakpan ng rehimen ang kabulukan ng mga programa ng kampanyang supresyon ng AFP sa ilalim ng Oplan Kapayapaan kagaya ng mga pekeng pagpapasurender, panlilinlang sa magsasaka sa pamamagitan ng pangako ng mga proyektong pangkabuhayan, pandarahas sa pinaghihinalaang kasapi ng kilusan at matatagal na pagkakampo sa mga sentro ng barangay na nagdudulot ng takot sa taumbaryo.
Kaya naman patuloy ang pag-ani ng suporta ng NPA mula sa mamamayan. Katunayan, ang kamakailang pagpapatupad ng rebolusyunaryong pamamarusa ng NPA sa isang napatunayang rapist ay umani ng popular na pagsuporta hindi lamang ng mga naging biktima at karaniwang mamamayan. Kundi pati ang mga kagawad ng pambansang pulisya na nag-imbestiga ay sumang-ayon sa ginawang pamamarusa ng NPA sa kriminal.
Mga kasama, ang pagdiriwang natin ng ginintuang anibersaryo ng NPA ay higit na mabibigyang buhay kung patuloy tayong magpapasampa sa Bagong Hukbong Bayan. Dapat maging bahagi ang buong sambayanan sa patuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para sa demokratikong rebolusyong bayan.
Ituro natin na ang rebolusyon, at hindi ang eleksyon sa Mayo, ang tanging daan para sa pagkakamit ng isang tunay na malaya at masaganang lipunan na magbibigay daan sa kasunod na sosyalistang rebolusyon.
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Sa ika-50 taon ng Bagong Hukbong Bayan