Sa iyo, Duterte
“Maggera na lang tayo!”, sabi mo, tulad ng lasing-sa-drogang utak-pulbura. Akala mo’y sino kang maka-kapayapaan. Puro ka lang naman satsat, pero ni minsa’y di mo pinahupa ang tindi ng gera. Di mo ipinag-utos sa mga sundalo mong itigil ang mga opensiba. Ngayon, wala nang kapayapaan sa mga barangay sa bukid na sinakop ng bata-batalyon mong sundalo. Labis-labis ang pagdurusa ng mga tao sa ilalim ng todong gera mo, na kabalintunaang tinagurian mong “Oplan Kapayapaan.” Bingi ka sa kanilang daing. Nilulunod mo ang kanilang sigaw sa pagsabog ng mga bombang inihuhulog sa kanilang mga bahay at bukid. Pinalalayas mo sila sa kanilang lupang pinagnanasahan mo at ng iyong mga alipures.
Ilang ulit mong tinapilok ang usapang pangkapayapaan. Pabagu-bagong ang mga kundisyon mo. Ngayon naman, paulit-ulit mong pinalalabas na gusto ng NDFP na maghati sa iyo ng kapangyarihan. (Hindi iyan ang kanilang gusto!) Kamo, luging-lugi ang GRP sa lahat ng kasunduan sa nakaraan. Gusto mo talagang sayangin ang pinaghirapang buuin sa nagdaang 25 taon. Malinaw na malinaw na ayaw mo ng kapayapaan. Iyong kapayapaan na lumulutas sa mga problema ng bayan—kawalang lupa, kawalang trabaho, napakababang sahod, sumisirit na presyo, nakalulumpong buwis, korapsyon at pagnanakaw ng mga burukratang tulad mo. Ang gusto mo lang ay sumurender at lumuhod sa iyo ang mga rebolusyonaryo. Talagang lango ka sa kapangyarihan!
Akala mo’y malulusutan mo ang lahat ng krimen at abuso mo. Hindi papayag ang mamamayang Pilipino. Ang pangarap mong patahimikin ang bayan ay mabibigo. Ang iskema mong maging diktador ay mabibigo. Nananaginip ka ng gising sa pag-aakalang magagapi mo ang armadong paglaban ng bayan. Tiyak kang mabibigo. Tulad ng idolo mong si Marcos, itatapon ka sa basurahan ng kasaysayan.