Sa nakaambang pag-upo ng Marcos-Duterte sa Macalanang: Tuloy ang Laban ng mga Bikolano!

,

Para sa mga Bikolano, hindi natatapos sa eleksyon ang laban upang hadlangan ang panunumbalik ng mga Marcos at Duterte sa Malacanang. Ito ay hudyat lamang nang higit na pinaigting na pakikibaka upang patuloy na biguin ang muling pagnanakaw, paghahasik ng mga paglabag sa karapatan ng mamamayan at pamamayagpag ng madilim na legasiya ng diktadura ng mga Marcos at Duterte.

Malaon nang ipinamalas ng mga Bikolano ang kanilang pagkamuhi sa mga diktador, magnanakaw at mamamatay taong namuno sa bansa. Patunay dito ang mahabang kasaysayan ng kanilang pakikibaka. Linagpasan nila ang lahat ng uri ng paglalapastangan sa kanilang mga karapatan ngunit higit lamang itong nag-anak ng hindi mabilang na mga palabang Bikolano. Higit lamang nitong pinatatag ang pagnanais ng mga Bikolanong isulong pa ang kanilang pakikibaka.

Ang walang kapantay na paghihirap na nararanasan ng mga Bikolano ang magsisilbing motibasyon upang walang maliw na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Ang National Democratic Front-Bikol ang maaasahan nilang matatag na bigkis na magpapahigpit ng pagkakaisa ng mga Bikolano.

Dapat higit na palawakin ang hanay ng lumalabang mga Bikolano, hamigin ang malaking bilang ng mga inaapi sa rehiyon, lakasan ang boses ng pagbabatikos sa mga di-makamamayang mga patakaran at panawagan para sa tunay na pagbabago, hustisya para sa mga biktima ng karahasan at paigtingin ang mga pagkilos. Tuloy-tuloy lang ang laban!

Sa nakaambang pag-upo ng Marcos-Duterte sa Macalanang: Tuloy ang Laban ng mga Bikolano!