Sa paggunita sa anibersaryo ng Martial Law: Ibagsak ang tiranikong rehimeng US-Duterte at tapusin wakasan ang ala-Marcos niyang paghahari
Ginugunita ngayon ng mamamayan ang anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law ng diktadurang US-Marcos. Kasabay nito, mariing kinukundena ang makabagong diktadura ng pasista at tiranikong paghahari ng taksil, korap at kriminal ng rehimeng US-Duterte at ang patuloy na pag-iral ng Martial Law sa Mindanao. Sa nakalipas na 47 taon mahalagang laging inaalala natin at hindi kailanman kinalilimutan ang mapapait na karanasan ng sambayanang Pilipino na dinanas sa panahon ng Martial Law ni Marcos at ngayon ay inuulit ng pasistang diktador na si Duterte. Dapat magsilbing gabay at inspirasyon ang paglaban ng sambayanang Pilipinosa pagbabagsak sa pasistang diktarurang Marcos para naman sa pagharap nito sa tiranikong paghahari ng rehimeng US-Duterte.
Sa araw ding ito, marapat lamang na bigyan natin ng mataas na pagpupugay ang lahat ng mga rebolusyonaryong martir at bayani na nagbuwis ng buhay sa paglaban sa Martial Law ni Marcos. Sila ang walang takot na humarap sa lahat ng pasistang karahasan at kalupitan ni Marcos at walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay at sarili para labanan ang diktador ng kanilang panahon. Naging biktima man sila ng mga paglabag sa karapatang tao tulad ng pagdukot, pagkawala, tortyur at extrajudicial killings, nananatili silang buhay sa alaala ng mamamayang kanilang pinaglingkuran at simbolo sila ng adhikain ng samabayang lumaya mula sa kuko ng pagsasamantala at pang-aalipin ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.
Bago pa ang deklarasyon ng Martial Law noong September 21, 1972, nagpupunyagi na ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa buong kapuluan at pagbubuklod sa malawak na hanay ng mamamayan sa anti-pasista, anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente. Patuloy na sumulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa diktadurang US-Marcos.
Hindi matatawaran ang mga naging sakripisyo ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa diktadurang Marcos. Sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo at paraan ng pakikibaka, matatag at walang takot na hinarap ng taumbayan ang pasismo ni Marcos hanggang sa maibagsak ang diktadura sa isang popular na pag-aalsa sa EDSA. Ang CPP-NPA-NDFP at mga pambansa-demokratikong organisasyon ng mamamayan ang nasa unahan ng mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pagpatalsik sa diktadurang US-Marcos.
Sa loob ng 14 taon ng Martial Law lumawak ang impluwensya ng Partido sa buong kapuluan at nagkamit ito ng malalaking tagumpay sa demokratikong rebolusyon. Sa lahat ng larangan ng labanan, nangahas ang rebolusyonaryong mamamayan na harapin ang diktadura upang biguin ang pasistang lagim ng rehimen.
Sa harap ng bumabangong diktadura ni Duterte, dapat labanan ang lahat ng anti-mamamayan at maka-imperyalistang patakaran ng kanyang rehimen kabilang ang pagtutulak na amyendahan ang Saligang Batas ng Goverment of the Republic of the Philippines (GRP) para mapalawig pa ang kanyang panunungkulan lagpas sa kanyang termino at para maibenta ang patrimonya at yaman ng bansa sa mga dayuhan. partikular sa imperyalistang US at China.
Nariyan pa ang walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng TRAIN Law, Rice Tariffication Law at iba’t ibang neoliberal na patakarang itinatuguyod ng rehimen. Magkasabay na pinapasan at pinahihirapan ang mamamayan ng lahat ng kontra-mahirap na patakaran ni Duterte. Ibayong matindi ang pagsupil ni Duterte sa lehitimong pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang karapatang demokratiko at sibil sa pamamagitan ng anti-demokratikong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at whole of nation strategy na pawang mga rekado sa recipe ng pasismo ni Duterte.
Ang Sauron at Sempo sa ilalim ng kanyang Joint Campaign Plan-Kapanatagan ay ilan lamang sa mga desperadong aksyon nito upang pigilan ang paglakas pa ng rebolusyon sa buong kapuluan. Binigyan nito ng panibagong tulak ang AFP-PNP upang ipagpatuloy ang kanilang mersenaryong tradisyon. Kasaysayan na rin mismo ang makapagsasabing hindi kusang isusuko ni Duterte ang kanyang pasistang paghahari at gagawin nito ang lahat ng mga anti-mamamayang pakana upang makapanatili lamang sa estado-poder. Bilang isang tirano, panghahawakan ni Duterte ang kanyang mga pasistang gawi upang patatagin pa nito ang kanyang kapangyarihan.
Si Duterte ang bagong Marcos ng panahong ito na walang habas sa paglapastangan sa karapatan ng mamamayan at walang kahihiyang nagpapakatuta sa iba’t ibang imperyalistang kapangyarihan. Ang kanyang pasistang paghahari ang nagtutulak sa mamamayan na higit na magpunyagi sa kanilang pambansa at demokratikong pakikibaka. Sa balangkas ng paglaban sa tiranya ni Duterte, higit na lumalawak at sumusulong ang anti-pasistang nagkakaisang prente ng lahat ng progresibo at makabayang pwersa sa lipunang Pilipino.
Tulad ni Marcos, ganap na itatapon ng mamamayan si Duterte sa basurahan ng kasaysayan. Sa huli, tatapusin ng nakikibakang mamamayan ang tiranya, kasakiman sa kapangyarihan at pasistang paghahari ni Duterte. ###