Sa pagharap sa krisis pangkalusugan sa bansa, pagkaisahin ang mamamayan sa paglaban sa lockdown at pasismo ni Duterte!
Payak ngunit makabuluhan na ipagdiriwang ng mga yunit ng Melito Glor Command ang ika-51 anibersaryo ng NPA ngayong Marso 29. Maringal ang tradisyon ng taos-pusong paglilingkod sa mamamayan ng hukbong bayan. Ngayong kinakaharap natin ang isang pandaigdigang krisis pangkalusugan, magkaisa tayo at sama-samang harapin at labanan ang pandemikong Covid-19. Maaasahan ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan at ang NPA na gagawin ang kanilang buong kaya upang tulungan ang sambayanan na malampasan ang krisis na ito.
Tuluyang nang nalantad ang kriminal na kapabayaan at kainutilan ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa krisis ng Covid-19. Pananagutan ni Duterte at ng kanyang rehimen ang pagmamaliit sa banta ng Covid-19 sa pampublikong kalusugan ng bansa. Sa kabila ng pagputok ng epidemya ng Covid-19 sa Wuhan sing-aga ng Disyembre, 2019, walang ginawang seryosong paghahanda ang rehimen para pigilan makapasok sa bansa ang epidemya. Patuloy na nakakapaglabas-masok sa bansa ang daang libong mga turistang Chino na marami ay nagmumulang Wuhan. Labas-masok din sa bansa ang mga tauhan ng mga POGO na pinatatakbo ng mga kapitalistang Chino na pawang mga potensyal na nakapagdadala ng Covid-19.
Nang pumutok ang epidemya ng Covid-19 nitong Marso, saka lamang nagkukumahog ang rehimeng Duterte sa paghagilap ng solusyon. Kung tutuusin, may dalawang buwan pang maluwag para makapaghanda ang bansa sa pagharap sa epidemya bago ito sumambulat nitong Marso. Subalit, sa halip na gumawa ng paghahanda para organisahin at mobilisahin ang sektor ng kalusugan at ilatag ang kinakailangang pasilidad at imprastruktura sa paglaban sa epidemya, hangal nitong inasahan ang AFP at PNP na walang muwang sa paglaban at pagharap sa epidemya.
Upang pagtakpan ang kainutilan at kriminal na kapabayaan ng rehimen, ipinatupad ni Duterte ang malupit na lockdown sa Metro-Manila at buong Luzon. Pinakilos nito ang AFP at PNP upang maglatag ng masaklaw na mga tsekpoynt para sapilitang kontrolin ang galaw ng mga tao at pagbawalan silang makapagtrabaho’t maghanapbuhay at lumabas sa mga tirahan at komunidad sa ilalim ng enhanced community quarantine. Ipinataw ito ni Duterte nang walang pagsasaalang-alang na milyon-milyong mamamayan ang nakatakdang magutom dahil pinagbabawalang makapaghanapbuhay, pinipigilang makapasok ang pagkain sa Metro-Manila, ipinasasara ang mga istablisyimento at maliliit na negosyo at pinatitigil mamasada ang mga pampublikong sasakyan. Ang malupit na lockdown ay nagresulta sa paralisasyon ng buhay ng lipunan, komersyo, produksyon at transportasyon.
Para makalabas ng bahay at makalampas sa mga tsekpoynt, kinakailangang magpakita ng samut-saring mga papeles at pagkikilanlan tulad ng ID, certificate of employment at barangay quarantine pass na iniisyu sa isang miyembro ng bawat pamilya. Nagpataw ng curfew at pinalawak pa ito sa 24 oras sa ibang mga lugar sa Metro-Manila.
Sa kasagsagan ng paglaganap ng epidemya sa bansa, saka lamang malalantad ang kakulangan ng Covid-19 testing kit, personal protective equipment (PPEs) para magamit ng mga doktor at medical personnel sa mga ospital, kawalan ng sistema ng paghihiwalay at pagbibigay ng atensyong medikal sa mga nahawahan at nagkasakit ng Covid-19, kakulangan ng pasilidad sa mga ospital at laboratoryo at kawalan ng sapat na nakahandang pondo para harapin ang krisis sa pampublikong kalusugan. Sa harap ng labis na kakulangan ng Covid-19 testing kit, iskandalosong nauuna pang magkaroon ng akses ang mga prebilihiyadong upisyal ng reaksyunaryong gubyerno tulad ni Duterte, mga gabinete, senador at kongresista kabilang ang mga kapamilya nila.
Samantala, ginamit na pagkakataon ng rehimeng Duterte ang krisis ng epidemya ng Covid-19, upang patuloy na paigtingin ang pananalakay ng AFP-PNP sa mga mamamayan at mga larangang gerilya ng demokratikong gubyernong bayan. Sa kabila ng deklarasyong tigil-putukan ng rehimen, nagpapatuloy ang mga operasyong militar at pulis sa kanayunan. Inaatake ang mamamayan ng hagupit ng pasismo ng rehimen kasabay ng pagharap sa nakamamatay na Covid-19. Sa probinsya ng Quezon, dumaranas ang ilang mga komunidad at baryo ng food blockade at hamletting na higit na pahirap sa mamamayan. Ibayo pa itong pinasahol ng lockdown. Nililimitahan lamang sa 5 kilong bigas ang maaaring bilhin ng bawat pamilya. Ilang oras lamang maaaring magbukas ang mga tindahan.
Sa harap ng mga kaganapang ito, dapat na pukawin, organisahin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng sambayanan para tutulan at labanan ang malupit at marahas na lockdown at enhanced community quarantine na ipinapataw ng rehimeng Duterte sa mamamayan. Ang patakarang ito ay anti-mamamayan at anti-demokratiko.
Habang hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsansala at paglaban sa Covid-19, kailangang paunlarin ang mga kolektibong aksyon ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Kailangan linangin ang kanilang kolektibong lakas para harapin ang banta ng Covid-19 sa pampublikong kalusugan at turuan silang buuin at umasa sa sariling lakas.
Higit pa sa nakamamatay na sakit ng Covid-19, kailangang harapin ang bagsik ng virus na nasa Malakanyang na pinakakawalan ni Duterte laban sa mamamayang Pilipino. Ang virus na ito ay manipestasyon ng kanser sa lipunang Pilipino—ang matinding kahirapan at paghihikahos, kawalang trabaho’t pagkabusabos, pre-industriyal na pagkaatrasado, at terorismo ng estado ng lokal na naghaharing-uri. Ang pagtanggal sa nagnanaknak na kanser ng lipunan ang magpapalaya sa bansa mula sa salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Hahawanin ito sa pagtatagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. ###