Sa Pagpihit ng Estadong kinakatawan ni Duterte sa Todong Terorismo, Higit na Tumatampok ang Kawastuhan ng Armadong Paglaban
Sa gitna ng di-matatawarang pagsahol ng krisis pang-ekonomya at panlipunang sinasapit kasalukuyan ng bansa, higit pang napapatunayan ang kawalang-kakayanan at kawalang-intensyon ng estado na tugunan ang mga demokratikong kahingian ng mamamayan para sa pagbabago at katarungang panlipunan. Sa halip na ibigay sa mamamayan kahit lamang mga maliliit na reporma, tinutungo ng malakolonyal at malapyudal estado ang pagpihit sa pinakamasasahol nitong anyo ng panunupil at pandarahas. Hinuhubad nitong tuluyan ang balatkayo ng burges-demokratikong karapatan at kalayaang sibil na panlilinlang sa mamamayan upang ipagtanggol ang sistemang pinaghaharian ng uring malaking kumprador-panginoong maylupa.
Hindi monopolyo ng rebolusyonaryong kilusan ang paghahangad ng tunay na panlipunang pagbabago. Hinangad na noon pa ng ordinaryong masang magsasaka ang karapatan niya sa lupa. Hinangad ng masang manggagawa ang kanyang karapatan sa seguridad sa trabaho at nakabubuhay na sahod. Hinangad ng kabataan ang kanyang karapatan sa libreng edukasyon. Hiningi ng mamamayan ang kanilang mga demokratikong interes at kanilang pag-aasam sa sosyo-ekonomikong mga reporma ganundin ang iba ang mga demokratikong karapatan sa legal, demokratiko, mapayapa at konstitusyunal na mga pamamaraan. Subalit ilang rehimen na ang nagdaan, wala pa ring lupa ang magsasaka, wala pa ring industriya. Atrasado ang ekonomya at palagiang nasa krisis. Ginipit ang mga kalayaan tulad sa pamamahayag, pagsasalita, pagprotesta, sa akademya at sinikil ang mga karapatan tulad ng pag-uunyon, pagtatayo ng mga samahang magsasaka, samahan ng pambansang minorya at kanilang mga paaralan.
Sa halip na matapat at sinserong tugunan ng estado ang demokratiko at sosyo-ekonomikong pangangailangan ng kanyang mamamayan, malupit niyang ipinagkait maging ang pinakabatayang demokratikong pamamaraan at karapatan ng mamamayan para igiit ito.
Tulad nila Bonifacio at ng Katipunan noon, sinong hindi maitutulak sa pagtangan ng armas?
Ito ngayon ang mukha ng umiiral na tunggalian ng rehimeng US-Duterte at sambayanang Pilipino. Wala nang kakayanan si Duterte na pamunuan ang bansa. Hindi napigilan ng militar na kontrol sa papulasyong lockdown ang naipong galit ng taumbayan sa mga kontra-mamamayang patakaran at batas na nagtulak sa walang kaparis na paglubha ng kabuhayan. Traydor niyang binenta sa agawang US at Tsina ang soberanong karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Pinasahol niya ang krisis sa ekonomya sa walang habas na korupsyon gamit ang inutang na pondong imprastruktura at militar. Baon ang bansa sa utang nang walang katiyakang makakabawi ang ekonomya. Palpak ang rehimen sa pagharap sa pandemya at sunud-sunod na kalamidad.
Terorismo ng estado sa tabing ng kampanyang anti-terror ang tugon ni Duterte sa pagpapanagot sa kanya ng taumbayan sa walang-kapantay na paghihirap, kagutuman, at kawalang-trabaho dulot ng kriminal na kapabayaan at irresponsibilidad ng rehimen. Higit ngayon ang pangangailangan ni Duterte na itulak ang kanyang iskemang pasistang diktadura at makapanatili sa pusisyon lampas sa kanyang termino. Bagamat binabayo ng pandemya at kalamidad, ibinuhos ni Duterte lahat ang makinarya ng estado sa paglulunsad ng hungkag na kontrarebolusyonaryong gera bilang banderang instrumentong panunupil sa paglaban ng mamamayan, armado o di-armado.
Basta tumutuligsa at kritikal sa gubyerno, NPA at terorista. Ipinaghalo ni Duterte ang anti-komunistang panunugis na nakasentro sa kalunsuran at patuloy pang gera kontra NPA sa kanayunan sa ilalim ng kampanyang Anti-Terror upang bigyang lisensya ang AFP at PNP na gamitin ang pinakabrutal at pinaka-teror na elemento ng pandarahas at palabasin ang mga ito bilang lehitimong hakbangin ng estado. Killing fields kapwa ang kanayunan at kalunsuran bunga ng mga istilong Tokhang na pagpatay sa mga magsasaka, masang aktibista at maging mga indibidwal na nagtataguyod ng demokrasya. Tulad ng ginawa ni Marcos noong 1972, kinakailangan ni Duterte ang kampanyang pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan at anti-Komunistang panunugis bilang tuntungan nang kanyang ambisyong makapanatili sa poder.
Hindi na kataka-takang sa gitna ng paglubha ng krisis ay siya ring pagsahol ng karahasan, paglabag sa karapatang-tao at pamamaslang sa ilalim ng rehimen. Ito ay habang pagtuloy at higit pang malabis na nagkakamal ng yaman at dambong ang imperyalsitang US at kinatawan nitong naghaharing uring iilan sa gitna ng krisis.
Subalit sa lahat ng indikasyon, bigo si Duterte na durugin ang paglaban ng mamamayan. Sa halip, higit pang naging makatwiran sa mamamayan na palakasin ang armadong rebolusyon bilang tugon at sandigan ng mamamayan upang hadlangan ang pasismo at terorismo ni Duterte. Patunay rito ang patuloy na paninindigan ni Duterte na ang rebolusyonaryong kilusan ang nangungunang pampulitikang banta sa kabila ng kaliwa’t kanang pakana ng AFP na palabasing humihina ang kilusan.
Bigo si Duterte at ang AFP-PNP na durugin ang armadong rebolusyon sa kanayunan sa brutal na kampanyang panunupil at saywar gamit ang mga pekeng surenderi, pinilit na deklarasyong persona non grata, pekeng proyekto/serbisyong pangkomunidad at talamak na ekstrahudisyal na pamamaslang. Hindi itinigil ni Duterte ang pagtutulak ng kanyang kampanyang teror. Kailangan niya ring palamunin ng bilyun-bilyong kurakot ang kanyang mga diskontentong upisyal sa militar na siyang nasa likod sa pagbibigay-matwid sa P19 bilyong pondong kontra-insurhensya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Tiyak rin siyang mabibigo kasama ang sagadsaring mga maka-Kanang pwersa sa paglulunsad ng GENERAL CRACKDOWN sa ligal-demokratiko at progresibong kilusan sa tabing ng Anti-Komunistang panunugis. Gamit ang mga pamamaraang Red-tagging sa direksyon ng Anti-Terror Law, walang ibang layunin ang NTF-ELCAC at AFP-PNP kundi gawing iligal lahat ng anyo ng organisasyong masa at ituring lahat ng pagkilos ng masa bilang hakbanging terorista. Dahil bigong durugin ang NPA, kasuklam-suklam na itinutuon ngayon ang gera kontra NPA laban sa sibilyan at di-armadong seksyon ng lipunan. Kasabay ito ng patuloy na paninibasib sa kanayunan ng mga operasyong militar kung saan pinakapaborable ang pangungurakot ng mga upisyal ng AFP at PNP.
Subalit sasapitin din ni Duterte ang sinapit ng kanyang idolo. Napipinto na ang kanyang pagbagsak. Itutulak lamang ng malawakang pagyurak at paglabag sa karapatang sibil at pampulitika ang taumbayan na higit pang sumuporta at lumahok sa armadong rebolusyon. Paninindigan ng taumbayan ang pagyakap nito sa rebolusyon dahil kapwa nila hinahangad ang tunay na pambansang paglaya, demokrasya, kapayapaan at katarungan upang makamit ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa para sa tunay na kaunlaran sa kalunsuran at kanayunan.#