Sagot sa kumander ng 8th ID ng Philippine Army
Katawa-tawa, kung tuusin, ang pahayag ng kumander ng 8th ID ng Philippine Army na palpak sa pagsagot sa nauna kong pahayag tungkol sa batayang ligal ng paggamit ng NPA ng command-detonated explosives. Dahil wala namang talaga siyang masabing malaman, bumaling na lang siya sa personal na banat sa akin. Hindi ko na iyon papansinin. Kung tumpak o kapani-paniwala man ang mga sinasabi ko, wala naman iyong kinalaman sa kung ano ang hitsura ko.
READ: Statement of Major General Edgardo De Leon, Commander of AFP Joint Task Force Storm and 8th Infantry Division on CPP spox Marco Valbuena’s “admission” of landmine blast which injured seven soldiers: @inquirerdotnet pic.twitter.com/8zK1Ib5NT6
— John Eric Mendoza (@JEMendozaINQ) July 8, 2022
Mabuti siguro kung babasahin ng naturang heneral, pati na rin ng lahat ng upisyal at tauhan ng AFP, ang Ottawa Treaty Prohibiting the Use, Stockpiling, Production and Transfer of Anti-Personnel Landmines. Alam kaya ni general na hindi lahat ng landmine ay bawal? Kung rerebyuhin niya ang Ottawa Treaty (sa Definitions, Article 2) malalaman niya na katulad ng C-19 landmine ng Canada, HINDI BAWAL ang command-detonated explosives na gamit ng NPA bilang sandata.
General, hindi pwedeng paulit-ulit lang kayong mag-press release na “bawal ang landmine.” Dapat sabihin niyo muna sa amin saan sa Ottawa Treaty sinasabing bawal ang command-detonated explosives ng NPA. Kung hindi niyo ito maipakita, patutunayan lang ninyo na walang batayang anti-NPA publicity lang ang propaganda ninyo. Mapapahiya ka lang sakaling masinsinang pagdebatehan ang usaping ito sa akademya o korte.
Sakaling mapagdebatehan ito, maganda sigurong pagdebatehan na rin ang tungkol sa paggamit ng AFP ng mga bombang 250kg at 500kg na inihuhulog ninyo gamit ang mga jetfighter, ang walang habas na panganganyon, pati na rin ang aerial strafing, na kadalasan ay walang malinaw na target at tumatama sa mga bukid at malapit sa kabahayan ng mga tao. Kailangang malaman ng publiko kung anong takot at teror ang hatid nito sa masang magsasaka at minorya na nakatira sa lugar.
Tsaka, pwede na rin natin pagdebatehan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ni general ng “community service” ng AFP, na gawain daw ng mga na-ambush nilang sundalo. Ang totoo, pang-midya lang naman ang sinasabing “community service” ng AFP, para palabasin na pagkakawanggawa ang panggegera nila laban sa mga tao.
Mabuti sigurong sagutin ni general: Kailangan ba talaga na mga sundalong may malalakas na armas ang tagapagbigay ng serbisyo ng gubyerno? Kasama ba talaga sa “community service” ang pagkukural o paghahamlet sa mga community? O ang pagbabawal sa mga magsasaka na pumunta sa bukid o uma (dahil daw baka pumunta sa NPA)? Itakda na hanggang ilang kilo lang ang bigas na pwede nila bilhin sa tindahan (dahil baka daw ibigay sa NPA ang sobra)? Kasama ba talaga sa “community service” na pinapasok ang bahay ng mga tao sa disoras ng gabi tapos tatakutin sa interrogation para pwersahin magpapalista sila sa mga “sumurender.”
Sa Eastern Visayas, ganyan ang pagkakakilala ng mga tao sa “community service” ng 8th ID, kaya sila kinatatakutan at kinamumuhian. Kaya hindi kagulat-gulat na namomroblema si general na marami pa rin ang tao sa Eastern Visayas na pumupunta at sumusuporta sa NPA.
Makikita dito ang Ottawa Treaty: PDF
Link sa nauna kong pahayag: Comment on reports of NPA ambush in Northern Samar