Sagot sa sepulturerong AFP
Kaligayahan na ng Armed Forces of the Philippines na maghanap at maghukay ng katawan ng mga kasapi ng New People’s Army na nagmartir dahil sa walang pag-iimbot nilang paglahok sa makatarungang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Abot-langit na naman ang ngiti nila at tila nakahukay ng minang ginto nang kunin ng mga sepulturerong militar ang labi ni Kasamang Justine Bautista mula sa kanyang himlayan at ipresentang parang tropeyo sa mass media.
Konsistent sa kanilang hilig sa red-tagging sa mga progresibong organisasyon, pinatatampok ng 5th Infantry Division Philippine Army na si Kasamang Justine daw ay nagmiyembro muna ng isang grupo ng mga estudyanteng manunulat bago sumapi sa NPA. Pero inililingid nila na ang maraming iba pang mga kabataang lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay nagmula hindi lamang sa mga progresibong organisasyon kundi sa iba pang may magkakaibang oryentasyon kagaya ng mga samahang relihiyoso, pang-akademiko, pangkultura, Sangguniang Kabataan, fraternity at sorority, mga kamag-anak ng mga burges na pulitiko at mga katulad. Ayaw nilang aminin na ang saligan at komon na dahilan ng patuloy na pagdami ng mga kabataang lumalahok sa NPA ay dahil hindi na nila masikmura ang nagnanaknak na kabulukan ng naghaharing sistemang mapagsamantala at mapang-api.
Ang papet at pasistang rehimeng Duterte at mga sinundan pa nito ang pangunahing tagakumbinsi sa pagpapasya ng mamamayan na maging mandirigma ng NPA! At ngayong hindi na makagulapay si Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil sa dami at tindi ng mga batikos at sermon na inabot niya mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan bunga ng kagustuhan nilang imilitarisa ang UP System, nais ibaling ng AFP ang atensyon ng publiko tungo sa kagila-gilalas nilang paghuhukay ng mga bangkay na nananahimik na tatlong taon na ang nakaraan!
Ginagawang isyu ng 5th IDPA ang isang kung tutuusi’y isa namang non-issue kaugnay ng paglilibing ng mga hukbong nabuwal sa proseso ng gyera. Hindi daw diumano nabigyan ng “disenteng” libing si Kasamang Justine, gayong ang pagkakalibing niya ay pareho lang sa karaniwang maayos na pagkakalibing ng mga dukhang mamamayan na dahil sa kasalatan ay hindi na makayanang bumili ng ataul, magpaembalsamo, magpadasal sa pari, bumili ng lote sa sementeryo at magpagawa ng sementadong puntod. Sa mahaba nang kasaysayan ng mga gyera, hindi kailanman naging usapin at naging karaniwan na nga ang paglilibing sa mga nabuwal sa labanan sa saklaw ng teatro ng digmaan. Pero dahil nga nais magpa-“pogi” sa mass media, ginagawang bundok ng AFP ang isang nunal!
Para sa kaalaman ng mga pasistang militar, ang nangungunang kaligayahan ng mga mandirigma ng NPA ay ang mapaglingkuran ang sambayanan para mapalaya sila mula sa pagsasamantala at pang-aapi, buhay man ialay kung kinakailangan, at hindi naghahanap ng anumang kapalit, kabilang na ang isang “magandang” libing. Ang dapat tanungin nila ay kung bakit si Kasamang Justine at iba pang mga tulad niya na nakapagkolehiyo at may intelektwal na talento ay piniling iwan ang gayong buhay sa kalunsuran upang makipamuhay sa masang magsasaka at lumahok sa digmang mapagpalaya sa gitna ng napakahirap na kalagayan. Dahil lang ba ito sa “impiltrasyon” at “propaganda” ng mga maka-Kaliwa?
O dahil inudyukan mismo sila ng di-na matiis na mapagsamantala at mapang-aping sistemang panlipunan na ngayo’y kinukubabawan ng militaristang palaso sa Malacañang na si Rodrigo Roa Duterte? At habang pinatitindi pa ng rehimeng ito ang mabangis na pag-atake sa mga karapatang demokratiko at buhay ng mamamayan kasabay na labis na korapsyon at katiwalian, pagkatuta sa mga dayuhan at palsong pagharap sa pandemyang COVID-19 at mga kalamidad, inaasahang darami pa ang mga nakahandang lumaban at magsakripisyo bilang mga mandirigma ng NPA.