Salubungin ang bagong taon ng puspos ng rebolusyonaryong diwa at ng ibayong determinasyon sa pagharap sa mas maigting na pakikibaka!
Ang taong 2021 para sa masang anakpawis ng Kordilyera ay taon ng nagpapatuloy at tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Nagpapatuloy ang kagutuman at kahirapan bunsod ng kawalan ng nakakabuhay na sahod, kawalan ng regular at disenteng trabaho, at kapabayaan sa serbisyong panlipunan. Nagpatuloy ang pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya sa rehiyon at sa lokalidad. Nariyan pa rin ang banta ng makadayuhang Public Utility Vehicle Modernization Program at Public Market Modernization. Nagpatuloy ang kawalan ng sapat na ayuda para sa mga manggagawa at mala-manggagawang tuwiran at di-tuwirang naapektuhan ng pandemya.
Dagdag pa sa mga ito, ang taong 2021 ay kakikitaan ng tuloy-tuloy at papatinding pasistang atake sa masang anakpawis. Ang kilusang manggagawa at mala-manggagawa ay nakaranas ng tuloy-tuloy, nakapokus, at tumitinding pasistang atake mula sa tiranikong rehimeng US-Duterte at sa mga uhaw sa dugong mga pulis at militar. Tampok sa mga atake at paglabag sa karapatang pang-tao na naitala ay ang tuloy-tuloy na red tagging at terrorist labelling sa mga progresibong organisasyon ng mamamayan at sa mga lider nito, ang pagtatanong at pangangalap ng impormasyon sa mga aktibidad at lider nito, at ang kampanya na magpa-clear ng pangalan ng mga aktibong miyembro o ng mga matagal na naging bahagi ng mga progresibong organisasyon. Ang mga ito ay naglalayong tanggalan ng kredibilidad ang mga ang lehitimong organisasyon at ang mga lider nito upang matakot at huwag makitipon ang mga masang anakpawis sa mga aktibidad na inilulunsad ng mga nasabing organisasyon. Hindi maikakaila na sa mahabang panahon ang mga lehitimong organisasyong nakaranas ng mga atake at paglabag sa karapatang pantao ay nagtatamasa ng prestihiyo bilang tunay na boses at kumakatawan sa mga pang-ekonomiya at pampulitikang kahilingan, kagalingan at karapatan ng masang anakpawis sa rehiyon at sa lokalidad.
Sa kabila ng mga ito, bigo ang tiranikong rehimeng US-Duterte na pigilan ang mga paglaban ng masang anakpawis. Patuloy na napanghawakan ng kilusang anakpawis ang tungkulin nito sa paglantad ng kainutilan at kapabayaan ng estado sa kanyang mamamayan, sa protesta sa mga polisiya at programang naglilingkod sa mga imperyalista at sa mga naghaharing uri, at higit sa lahat sa paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan.
Sa kabila ng tuloy-tuloy, tumitidi at nakapokus na pasistang atake ang KASAMA-CPDF ay patuloy na nakapagpalawak at nakapagkonsolida sa pamumuno at gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang KASAMA-CPDF ay mayroong 28% paglawak ng kasapian at kalakhan o 63% ng mga kasapian nito ay napakilos sa iba’t ibang porma at antas. Tampok sa mga ito ang pagbibigay ng mga kontak na maaring marekluta at ang sistematikong pagbibigay ng tulong at suportang teknikal, materyal at pinansyal para sa armadong pakikikbaka. Susing salik sa mga nakamit na tagumpay na ito ang tulo-tuloy na edukasyon, pagproseso ng takot na naramdaman, at pagbalangkas ng mga hakbanging pangseguridad at pag-iingat.
Ang KASAMA-CPDF ay regular na nakapaglunsad ng pulong ng mga konseho nito. Ang mga nasabing pulong ay nagsilbi para sa patuloy na pagpapalawak at konsolidasyon ng kasapian. Sa partikular, nagsilbing daluyan ang mga pulong sa pagbubuo ng pagkakaisa kaugnay sa mga isyung kinakaharap at sa pasistang atake at sa pagbabalangkas ng mga hakbangin.
Ibayong sumulong ang paglulusnsad ng mga pang-grupo at pang-indibidwal na talakayan, ang pamamahagi ng rebolusyonaryong babasahin, at ang paglulunsad rebolusyonaryong pag-aaral. Ang patuloy na pagapataas ng pampulitikang kamulutan sa kasapian ay nagresulta sa higit na determinasyong kumilos para sa demokratikong rebolusyong bayan sa kabila ng mahirap na kalagayan.
Patuloy na nakapagpalawak ng lambat para sa tulong teknikal, lohistikal, materyal, at pinansya para sa armadong pakikibaka. Mayroong 90% paglapad ng lambat suportang maaaring pakilusin para sa mga pangangailangan ng mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa pagtatapos ng taon, ang KASAMA-CPDF ay nakapagpreserba ng lakas, ibayong nakapagpalawak, at higit na nakapagkonsolida. Napanatili nitong bulag at bingi sa mga ahente ng estado ang mga aktibidad nito. Sa pagsalubong sa bagong taon, tangan ang mga aral na nakamit ngayong taon, ang KASAMA-CPDF ay may mataas na rebolusyonaryong diwa at higit na determinado na biguin ang pasista’t tiranikong paghahari ni Duterte lagpas sa 2022 at na makabuluhang makapag-ambag sa pagsulong ng digmang bayan sa hindi pa naabot na antas.
Masang anakpawis ng Kordilyera, lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan!
Ipagtagumpay ang digmang bayan!
Itatag ang Sosyalistang lipunan!