Saludo kay Ka Luhan
NAGPUPUGAY ang rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon kay Jessica Altarejos, 19, Pulang mandirigma na nagbuwis ng buhay nang salakayin ng mga tropa ng 31st at 22nd IB ang himpilan ng NPA sa Barangay Daganas, Bulan nitong Hulyo 30.
Si Jessica, kilala ng mga kasama at masa bilang Ka Jane at Ka Luhan ay tubong Salvacion, Irosin. Sumapi siya sa NPA noong Hunyo 2019 at hindi naglao’y naging kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa mahigit isantaon niyang pagkilos bilang pultaym na mandirigma at Partidista, nagpamalas si Ka Luhan ng kapursigihan sa mga gawaing iniatas sa kanya. Gumanap siya ng tungkulin bilang guro sa mga kursong pangmasa at nagsasanay bilang instruktor sa Batayang Kurso ng Partido. Kinakitaan din siya ng sigasig sa pulitiko-militar na pagsasanay na nilahukan niya noong nakaraang taon.
Kabilang si Ka Luhan sa yunit na itinalaga ng Celso Minguez Command para umasikaso at gumabay sa masang magsasaka na mag-iisang buwan nang gingipit ng dumog na operasyon ng reaksyunaryong AFP at PNP sa mga bayan ng Irosin, Bulan, Magallanes at Juban.
Magiting na nagtanggol ang yunit ni Ka Luhan nang abutin ng nag-ooperasyong militar ang kanilang hinihimpilan. Anang ulat ng militar, namatayan ang 22nd IB ng dalawang sundalo na kinilalang sina Cpl. Arnel Divinagracia at PFC Greyan Andus. Gayunman, ayon sa ilang nakasaksi, hindi kukulangin sa anim ang bangkay na dala ng ng mga sundalo sa pag-atras matapos ang labanan.
Nagpapatuloy pa ang operasyon ng pasistang AFP at PNP sa pinangyarihang barangay at mga karatig. Sa harap ng sitwasyong ito, buo ang kapasyahan ng yunit na naiwan ni Ka Luhan na ipagpatuloy ang tungkuling nakaatang sa kanila.
Ang kataas-taasang sakripisyong inialay ni Ka Luhan ay nagpapaalab lamang sa determinasyon ng mga mandirigma ng NPA-Sorsogon para patuloy na harapin ang kalaban at ipagtanggol at paglingkuran ang mamamayan.