Saluduhan ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang maika-51 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nakikiisa ang buong rebolusyonaryong hanay at lahat ng pulang mandirigma sa ilalim ng Agustin Begnalen Command NPA-Abra sa pagbubunyi at pagsaludo sa mga naipong tagumpay ng ating Pambansa Demokratikong Rebolusyonaryon sa buong kapuluan. Ito ay patunay lamang na kahit anong reaksyunaryong rehimen ang maglunsad ng pinakamasasahol na pasistang OPLAN ay nanatiling pinakamamahal ng masang anakpawis at hindi nila hahayaang magapi ang bukod tangi nilang Partido Komunista.

Ipinagdiwang natin ang selebrasyong ito sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga rebolusyonaryong kultura, pinarangalan ang ating mga rebolusyonaryong bayani at inaral ang mga makabuluhang tagumpay na nakamit mula ng naitatag at yumabong ang Partido sa buong bansa at sa ating rehiyong Ilocos-Cordillera. Tinugon ito ng mga kabataan ng kanilang pagpapasya na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Sa ilalim ng reaksyunaryong rehimen ng US-Duterte, matalas na naimarka sa sambayanan ang saligang katangian ng pagiging marahas, pasista at mapanlinlang na paghahari nito. Walang tanging ibang mapag-aasahan ang mamamayan kundi ang kanilang matibay na pagkakaisang ipaglaban ang batayang karapatan sa kabuhayan, sibil at hustisyang panlipunan. Ang Bagong Hukbong Bayan ang pinakamalakas na sandata ng masa upang gapiin ang kontra-mamamayang patakaran at programa ni Duterte.

Walang makabuluhang pagbabago sa kalagayan ng mamamayan. Lubog sa kahirapan ang mga magsasaka sa probinsya. Maliban sa hindi makatarungang hatian sa upa sa lupa, mababang sahod, tampok na suliranin ang kawalan ng sapat na patubig na nagiging sanhi ng taunang pagbagsak ng dating nang mahinang ani ng palay. Dagdag pa sa pagpapahirap ang iskemang NGP dahil sistematikong inaangkin ng gubyerno ang ansestral na lupain at pagbabawal sa kanilang magkaingin na syang tanging pangdagdag sa butil na pangkonsumo.

Walang plano ang reaksyunaryong gubyerno na paunlarin ang kabuhayan ng magsasaka at pambansang minorya bagkus pawang programa para sa interes lamang ng iilang burukratang pulitiko at malalaking panginoong maylupa ang pinaglilingkuran nito. Ang ganitong karalitaan ay sinasakayan at pinatitindi pa ng mga sagadsaring warlord na pinangungunahan ng pamilyang Bernos-Valera at Balao-as. Sila ang lubos na nakikinabang sa pondo ng bayan para sa kanilang maluhong pamumuhay at ang mga pondong ito rin ang ginagamit sa pagbili ng boto at prinsipyo ng mga Abrenio kapalit ng pagiging sunud-sunuran at pagkaalipin.

Ang mga kabuktutan ng pulitiko sa Abra na nagdudulot ng matinding kahirapan ng masa ay pilit nilang pinagtatakpan at dinidepensahan sa pamamagitan ng pakikipagsabawatan sa militar at pagpapalakas ng pribadong armadong grupo. Bagamat ang karamihan sa lokal na gubyerno sa munisipyo at sentrong bayan ay ikinahihiya ang kanilang presidente. Hangga’t maari ay gusto nilang matapos na termino ni Duterte at umaasang hindi na muli pang mailuklok sa poder. Ito ang totoong saloobin ng mga taong nagtatrabaho sa pamahalaan. Ang ibig sabihin nito hindi nagiging epektibo ang militaristang mando ng NTF-ELCAC sa ilalim ng tinaguriang “Whole-of-Nation-Approach” dahil mismong ang mga nasa lokal na pamahalaan ay nagiging target ng panggigipit at pananakot ng kontra-mamamayang gera ni Duterte.

Ang taong 2020 at mga susunod pa ay nagiging mas mainam ang kalagayan para sa pagsusulong ng ating Digmaan Bayan. Ang hindi malutas na krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ay mas lalo pang pinapalala dulot ng krisis ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo kung saan ipinapasa nito sa mga Pilipino ang sobrang kapital at sobrang produksyon sa pamamagitan ng pagkatali sa internasyunal na utang at bangkaroteng patakaran sa ekonomya at pulitika. Mas lalong malalantad ang kabulukan ni Duterte dahil sa patuloy nitong pangangayupa sa dikta ng amo nitong imperyalismo. Malalantad pa ng husto ang anomalya sa hanay ng AFP at PNP sa kanilang sagad sa butong pagiging tuta ng imperyalistang Estados Unidos.

Nanawagan ang Agustin Begnalen Command sa lahat ng kabataan at mamamayan na ibayong palakasin ang ating armadong pakikibaka bilang pangunahing sandata ng uring anakpawis sa paggapi sa mapagsamantala at mapang-aping sistema. Kaakibat ng armadong pakikibaka kailangan nating ibayong palakasin ang rebolusyong agraryo sa upang pawiin pyudalismong ugat ng pagkakaapi ng magsasaka, isulong at ipaglaban ang kagalingan ng lahat ng maralita. Ang tunay na repormang agraryo at ang pambansang industryalisasyon ang tanging paraan para umunlad ang bayang malaya sa dikta ng dayuhan. Katugon ng armadong paglaban ang pagtatayo at pagpapalakas ng ating Demokratikong Gubyernong Bayan, ito ang tunay na demokrasya dahil ang mithiin ng mayoryang magsasaka, manggagawa, at lahat ng demokratikong uri ang pangunahing ipinaglalaban at itinataguyod. Makakamit natin ang ganap na tagumpay sa pamamagitan ng ubos-kayang pagpupunyagi sa ating Digmaan Bayan.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon, hanggang sa tagumpay!


For updates, visit: http://www.cpp.ph
Saluduhan ang Partido Komunista ng Pilipinas!