Serbisyo sa tao, hindi dagdag detatsment ng militar ang kailangan ng mga Bikolano!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Pilipino

Hindi pa nga nakababawi ang masa mula sa krisis na idinulot ng pandemya at patung-patong na suliraning dala ng tumataas na mga presyo, kawalan ng trabaho at iba pa, mabilis pa sa alas-kwatrong binubuhay at ipinipilit ng AFP ang pagtatayo ng isang detatsment militar sa Loran Station, Panay Islands, Panganiban, Catanduanes. Sa halip na ituon ang pansin sa pagtugon sa kahirapang dinaranas ng mamamayan, binabalak na ibuhos ang kaban ng bayan para sa isang hungkag na detatsment. Insulto sa mga Catandunganon na gayong nagkandamatay na lamang ang mga mangingisda sa pakikisuong sa malupit na karagatan dahil sa kawalan ng iba pang hanapbuhay at halos magmakaawa na ang masa para sa karampot na ayuda, heto’t napakadali naman pala para sa lokal na gubyernong maglaan ng pondong pambili ng lupa ng militar.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Catadunganon at lahat ng mga Bikolano na tuligsain at pigilan ang panukalang pagtatayo ng baseng militar na ito. Serbisyo sa publiko at makabuluhang mga proyektong sosyoekonomiko ang tunay na kailangan ng masa sa kasalukuyan at hindi mga dagdag na detatsment na magluluwal lamang ng paglobo ng mga kaso ng abusong militar at paglabag sa karapatan.

Dapat usigin ang kainutilan ng mga upisyal ng gubyerno sa harap ng paghihirap ng mamamayan at ang sukdulang pagpapakatuta nila sa disenyong militar ng rehimeng US-Duterte. Lubusan lamang nilang ilinalantad ang kanilang mga sarili bilang mga papet na kuntento na lamang na sumunod sa kanilang mga amo alang-alang sa preserbasyon ng kanilang mga sariling interes.

Sa lalong pagsahol ng kalagayan ng masa at pagkalusaw ng mga palamuti ng bulok at reaksyunaryong gubyerno, dapat higit na maunawaan at isabuhay ng lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan ang lakas na nagmumula sa kanilang makauring pagkakaisa at paglaban. Wala silang ibang maaasahan kundi ang sarili. Hindi nila kailanman masasandigan ang pasistang estado at mga haligi nito na magsilbi sa nakararami at unahin ang interes ng masa. Ang tanging paraan upang matuldukan ang lahat ng pasakit, paghihirap at pagsasamantala sampu ng mga proyektong tulad ng pagtatayo ng dagdag na detatsment ay sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa pagbawi ng sambayanan sa pampulitikang kapangyarihan, doon lamang magkakaroon ng tunay na puwang ang interes, buhay at kinabukasan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan.

Serbisyo sa tao, hindi dagdag detatsment ng militar ang kailangan ng mga Bikolano!