Serye ng mga inhustisya sa Rizal, magtutulak sa pag-aarmas ng mamamayan nito

,

Mariing kinukundena ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal ang iligal na pag-aaresto sa 30 mamamayan ng Brgy. Calawis, Antipolo noong Abril 13, 2021. Lapastangan ang panggigipit ng 80th IBPA sa mga Rizaleño upang iratsada ang mga neoliberal na proyekto sa gitna ng dinaranas na krisis dulot ng pandemya at kawalan ng ayuda ng mga apektado nito.

Wala pang natatamong hustisya ang mga pinaslang sa tinaguriang “Bloody Sunday”, umatake na muli ang 80th IBPA katuwang ang PNP-Rizal upang arestuhin ang 30 sibilyan na iniuugnay nila sa rebolusyonaryong kilusan. Noong Marso din ay mayroong 30 katutubo mula sa Brgy. Puray, Rodriguez na sinampahan ng kasong rebelyon isang linggo matapos ang Bloody Sunday.

Lumalala ang panghahalihaw ni Duterte sa buong Rizal at sa mamamayang Rizaleño. Tinatakot, ginigipit at pinapaslang nito ang mga Rizaleño upang patahimikin at pigilan ang lahat ng anyo ng pagtatanggol ng kanilang karapatan sa lupa at pagtutol sa mga mapanirang proyekto. Hindi natapos sa Bloody Sunday ang panunupil ng rehimen at sa halip ay sinundan lamang ng serye ng mga atrosidad ng pang-aaresto at extrajudicial killings sa estilo ng tokhang at SEMPO.

Kinakasangkapan ng rehimen ang 80th IBPA at PNP-Rizal sa mga atrosidad nito sa mga Rizaleño. Binababaran nito ang Rizal at tuluy-tuloy na nilunsaran ng mga focused military operations at RCSPO na ang katumbas ay walang-habas na harassment, intimidasyon, kampanyang pagpapasuko, panlilinlang at brutal na pamamaslang. Pinahigpit na rin nito ang koordinasyon sa PNP-Rizal upang isagawa ang mga operasyon. Estratehiko din ang ipinapatupad na military lockdown ng tropang ito sa mga lugar ng Brgy. Calawis, Antipolo at Brgy. Puray, Rodriguez dahil ito ang sasaklawin ng Wawa Bulk Water Supply Project na sasagasa sa pamumuhay ng mga residente sa mga nasabing lugar, kung kaya’t kaalinsabay ng kampanyang panunupil ay ang pananalasa ng mersenaryong tropa sa mga lugar na pagtatayuan ng mga proyektong nasa interes ng kanilang pasistang amo.

Largado ang kampanyang panunupil ng rehimeng Duterte sa Rizal. Kahit na isa ang Rizal sa mga probinsyang pangunahing apektado ng ECQ at ng pandemyang COVID-19, lalong pinagdurusa ng rehimen ang mga Rizaleño sa kanyang mga pinapataw na food and economic blockade na nagreresulta sa matinding kakulangan sa rekurso ng masa. Sa halip na epektibong lutasin ang kagutuman, kawalan ng trabaho at kinakailangang ayuda ng mamamayan sa panahon ng pandemya at para makabangon sa nagdaang kalamidad, kinokonsentra nito ang lahat ng pagsisikap upang isakatuparan ang hibang nitong pangarap na wasakin ang CPP-NPA sa kapariwaraan naman ng mamamayan.

Dapat matapang na harapin ng mamamayan ng Rizal ang kampanyang panunupil ng rehimeng Duterte. Dapat ilantad ang walang-patlang na iligal na pang-aaresto at mga karumal-dumal na pamamaslang sa Rizal na binibigyang-katwiran ng pasistang Anti-Teror Law. Gayundin, dapat na ilantad ang ipinapatupad na military lockdown ng mga tropa ng 80th IBPA sa Rizal na sumasagka sa mapayapang pamumuhay ng mamamayan. Dapat singilin ang rehimen sa sunud-sunod nitong mga krimen at atrosidad.

Sa lalong pagsasapanganib sa buhay ng mamamayan at pagkakait ng rehimeng Duterte sa mga batayang pangangailangan ng mga ito, hindi magtatagal bago makita ng mga Rizaleño na sa pag-aarmas at pagsusulong ng armadong pakikibaka nila tunay na maipaglalaban ang kanilang buhay, kagalingan at mga demokratikong karapatan.###

Serye ng mga inhustisya sa Rizal, magtutulak sa pag-aarmas ng mamamayan nito