Serye ng mga Taktikal na opensiba sagot ng pulang hukbo laban sa mga karahasan ng militar sa kabundukan ng Central Panay
Serye ng mga taktikal na opensiba ang inilunsad ng mga pulang hukbo sa ilalim ng Mt. Baloy Command laban sa mga nag-ooperasyong tropa ng AFP sa kabundukan ng Central Panay mula Hulyo 2020 hanggang kalagitnaan ng Setyembre 2020 na nagdulot ng kaswalidad sa hanay ng kaaway.
Hulyo 2020-isang harrassment operation ang isinagawa laban sa mga tropa ng militar na nagsasagawa ng mga aktibidad sa ilalim ng Retooled Community Support Program sa Brgy. Tacayan, Tapaz, Capiz. Isa ang kumpirmadong nasugatan sa hanay ng kaaway.
Agosto 9, 2020-Isa ang patay at isa ang sugatan nang paputukan ng mga pulang hukbo ang RCSP troops ng 12th IB sa Brgy. Roosevelt, Tapaz, Capiz.
Setyembre 16, 2020-Harrassment operation sa RCSP troops na naka-istasyon sa bunkhouse ng DENR sa Brgy. Masaroy, Calinog, Iloilo.
Setyembre 17, 2020-pinasabugan ng command-detonated roadside bomb sa may Brgy. Binulosan Piqueño, Calinog, Iloilo ang katatapos lang maglunsad ng combat operation na mga tropa ng 12th IB/PA sa kabundukan ng Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo. Bago nito, Setyembre 13, pinagkumpiska ng mga militar ang mga home-made shotgun ng mga sibilyan (nagsisilbing pandepensa nila laban sa mga kriminal at magnanakaw ng hayop) at bandang alas nuwebe hanggang alas diyes ng umaga walang-habas silang nagpaputok at pinalabas ang gawa-gawang kwento na naka-engkwentro nila ang limang tropa ng BHB sa Sapa ng Bidang sa Sityo Igang, Brgy. Siya, Tapaz, Capiz.
Itong mga serye ng opensiba ang sagot ng pulang hukbo sa mga reklamo ng mga mamamayan laban sa mga militar. Nakarating sa amin ang mga reklamo na nakikihalubilo sa mga residente ang mga nanggaling sa ibang mga bayan at baryo na mga tropa ng militar na hindi sinusunod ang mga protocol para maiwasan ang hawaan ng Covid-19, kagaya ng paggamit ng face mask at pagsunod sa physical distancing. Dagdag pa, ang mga tropa mismo ng militar ang humihikayat sa mga tao na uminom ng alak. Sa katunayan, nag-isponsor sila ng sayawan sa isang baryo at namigay ng alak na nagresulta sa suntukan ng ilang mga nalasing na residente. Ito ang kabaliktaran ng ginagawang pagbabanta at karahasan ng PNP at AFP laban sa mga sibilyan na hindi sumusunod sa mga protocol na ipinapatupad ng rehimeng US-Duterte.
May kaso rin ng panghahalughog sa mga kabahayan ng ilang residente at paninira ng kanilang mga pananim na sorsa ng kanilang ikabubuhay. Naidulog rin sa amin ang mga kaso ng intimidasyon, harassment at pangungumbinsi na sumurender sa ilang sibilyan na binabansagan ng militar na tagasuporta ng NPA.
Nananawagan kami sa lahat ng mga residente ng mga baryo na kasalukuyang inaatake ng 12th IB/PA sa mga bayan ng Tapaz, Capiz (Brgy. Tacayan, Acuña, Roosevelt, Aglinab, Lahug at Katipunan) at Calinog, Iloilo (Masaroy, Garangan, Marandig, Caratagan at Binulosan Piqueño) na isulong ang kanilang karapatan na tumangging ukupahin o gawing himpilan ng mga militar ang kanilang mga pamamahay at mga gusaling pampubliko, huwag ipailalim sa ilegal na interogasyon, pananakot, surbeylans at iba pang mga panggigipit. ang ginagawang ito ng mga militar ay naglalagay sa mga sibilyan sa malubhang panganib hindi lamang sa crossfire kundi maging sa pagkahawa ng Covid-19.
Muli din naming ipinapaabot ang panawagan sa mga sibilyan na huwag sumabay o makihalo sa mga tropang militar sa paglalakad at pagbibyahe para makaiwas sa crossfire, gayundin ang hindi pagsuot ng uniporme na katulad ng ginagamit ng militar para hindi mapagkamalan na kaaway. #