Si Duterte ang unang dapat mapatalsik sa pwesto dahil sa kainutilan, kapalpakan at kriminal na kapabayaan ng Department of Health!
Nagpupuyos sa galit ang damdamin ng taumbayan sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA), isang independenteng Komisyon sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, kaugnay sa mga nakita nilang kakulangan, problema sa pangangasiwa, paggamit at paggasta ng Department of Health (DOH) sa mahigit sa P67.32 Bilyong pondong inilaan sa ahensya noong 2020 kaugnay sa paglaban ng bansa sa nakamamatay na sakit na Covid-19. Sinalubong ng batikos at pagkundena ng sambayanang Pilipino ang pasistang rehimeng US-Duterte sa mga natuklasan ng COA na anomalya at katiwalian sa DOH at iba pang ahensya ng gubyernong Duterte sa gitna ng libo-libong Pilipino ang araw-araw na nagkakasakit sa Covid-19 at daan-daan din ang namamatay. Sa ulat ng DOH noong Agosto 16, 2021, may kabuuang 14,610 ang bagong nagkaroon ng Covid-19, 10,694 ang gumaling at 27 ang pumanaw. May kabuuang 1,765,846 ang nagkasakit, 1,618,808 ang gumaling at 30,366 ang namatay. Nasa 106,672 naman ang kasalukuyang nagpapagaling sa iba’t ibang pagamutan sa bansa ayon sa DOH.
Sa taunang pagsusuri o pagtutuos (auditing) ng COA sa DOH noong katapusan ng 2020, natuklasan ng COA ang mga kakulangan ng DOH sa pagsunod sa mga proseso at batas (procurement law) sa pagbili nito ng mga kagamitan at pangangailangang medikal. Nasuri din ng COA na may mga hindi nagamit na pondo ang DOH, mga labis na paggasta ng ahensya at pagbili ng mga gamot na malapit nang mapaso. Bukod dito, may milyon-milyong halaga na mga biniling gamot ang DOH ang natuklasan ng COA na nakaimbak lamang sa mga bodega at malapit na ring mapaso dahil sa kabagalan at kapabayaan ng ahensya na maipamahagi ang mga ito sa mga nangangailanganan.
Nabigo din ang DOH at gubyernong Duterte na maipatupad ang pagbibigay ng hazard’s pay o special risk allowances at iba pang ayuda sa mga manggagawang pangkalusugan na nagkakahalaga ng P15 Bilyon sa ilalim ng Bayanihan 2. Hindi nakapagtataka kung bakit maraming mga manggagawang pangkalusugan, lalo na ang mga nars sa mga pribadong ospital, ang nagbitiw dahil sa mababang sahod na natatanggap sa halos 12-16 oras na trabaho at kawalan ng ayudang natatanggap mula sa gubyerno. Ayon din sa COA, mayroong P3.4 Bilyong piso na tulong mula sa labas ng bansa ang hindi nagamit sa nakaraang taon dahil sa patumpik-tumpik o pag-aaksaya ng panahon ng DOH sa pagpapatupad ng proyektong pinondohan ng mga dayuhang gubyerno sa paglaban sa Covid-19. Sinayang ni Duterte at ng DOH ang panahon, oportunidad at rekurso sa hindi nito pagpapatupad ng nasabing mga proyekto sa tulong ng dayuhang gubyerno, dagdag pa ng COA.
Tulad ng inaasahan, muling ipinagtanggol ni Duterte si Duque mula sa kabi-kabilaang batikos at panawagan ng taumbayan sa kanyang pagbibitiw o pagsibak sa pwesto. Patuloy na naniniwala at ipinagtatanggol ni Duterte si Secretary Duque sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan na wala itong kakayahan para pangasiwaan ang DOH na siyang pangunahing ahensya ng gubyerno sa pagharap at paglaban sa pandemyang Covid-19.
Malaon nang nananagawan ang taumbayan, lalo na mula sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan, mga dalubhasa sa medisina at mayorya ng mga Senador, na dapat nang sibakin si Secretary Duque dahil sa masamang pagganap niya bilang pinuno ng DOH at kawalang kakayahan nitong pamunuan ang ahensya sa paglaban sa pandemya. Una nang nabalot sa kontrobersya ang DOH dahil sa anomalya sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) kung saan si Duque ang siyang Chairman of the Board. Subalit nalulusutan ni Duque ang malakas na panawagan ng taumbayan para sa kanyang pagbibitiw dahil sa suporta at pagtatanggol sa kanya ni Duterte. Ano pa nga ba ang aasahan kundi protektahan ng nuno ng mga korap ang mga kabig at kasapakat nito.
Sa halip na atasan ni Duterte na magsagawa ng malalimang imbestigasyon si Duque hinggil sa natuklasan ng COA na mga problema, kakulangan at maling pangangasiwa ng DOH sa pondo ng bayan, mabilis na inabswelto pa ni Duterte si Duque at ang COA pa ang minasama, binatikos at binalaan ni Duterte samantalang tungkulin at trabaho lamang ng COA ang magsagawa ng taunang pagsusuri at pagtuos sa paggamit ng pera na bayan hindi lamang ng ehekutibo kundi maging ang lehislatura at hudikadura.
Dapat suportahan ng taumbayan ang ginagawang matapang at matapat na pagtutuos ng COA sa gubyernong Duterte hinggil sa paggamit nito sa pondo ng bayan, lalo na ang nakalaan sa paglaban sa pandemya. Tungkulin at nasa mandato ng COA na pangalagaan ang paggamit ng pondo ng bayan ng sinumang sangay ng gubyerno.
May gustong pagtakpan si Duterte sa ginawa nitong agarang pag-abswelto kay Duque sa anumang pananagutan sa nangyayaring kapalpakan sa DOH. Dahil sa masugid na pagtatanggol ni Duterte kay Duque, lalong lumilinaw at nagkakatotoo ang hinala ng marami na nakikinabang si Duterte sa mga anomalya at korupsyon sa loob ng DOH.
Dapat mariing kondenahin si Duterte sa pag-aatas niya sa kanyang mga gabinete na balewalain ang mga natuklasan ng COA sa pagsusuri (auditing) sa paggamit ng gubyerno sa pondo ng bayan. Lansakang pagbabalewala ito sa mandato ng COA na tinakda ng 1987 Constitution. Walang karapatan si Duterte na panghimasukan at pigilan ang trabaho at tungkulin ng COA bilang isang independenteng ahensya sa ilalim ng 1987 Constitution. Kung matatandaan halos lahat ng mga kagawaran at ahensya ng gubyernong Duterte ay kinakitaan ng COA na mga problema at anomalya. Isang halimbawa nito ang P 780.71 Milyong pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hindi nagamit noong 2020 bilang ayudang pinansyal sa rehiyon ng Cordillera, mga rehiyon ng 2,7,8 at 11. Nasa 139,300 na mga pamilya o 696,500 indibidwal ng naturang mga rehiyon ang hindi nakatanggap ng ayuda na dapat ipinagkaloob sa kanila ng DSWD. Bukod dito, may natuklasan ding problema ang COA sa DOLE, LTO, NTF-ELCAC at iba pang ahensya ng gubyerno. Naging lantaran at talamak ang mga katiwalian at korupsyon sa gubyernong Duterte na sabi nga ni Senator Manny Pacquiao ay triple ang inilaki kumpara sa nakaraang mga taon.
Sa ginawang pagbatikos ni Duterte sa COA, lalong nilantad lang niya ang pagiging huwad ng kanyang kampanya laban sa korupsyon sa loob ng gubyerno. Kung tutuusin, sinamantala pa nga ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat ang pandemya para higit na magkamal ng limpak-limpak na salapi sa kapinsalaan ng buhay at kalusugan ng mamamayang Pilipino.
Kung may kailangan mang agarang sipain at patalsikin sa pwesto, ito’y walang iba kundi si Duterte. Hanggat nanatili sa poder si Duterte, hindi malalagpasan ng bansa ang kinakaharap nitong krisis sa ekonomya at pangkalusugan kahit magbitiw o patalsikin pa sa katungkulan si Duque bilang Secretary ng Department of Health (DOH). Totoong may bahagi at pananagutan si Duque sa nangyayaring kriminal na kapabayaan ng gubyernong Duterte sa paglaban nito sa Covid-19. Subalit higit ang bigat ng kriminal na pagkakasala ni Duterte sa taumbayan dahil siya ang pangunahing arkitekto ng palpak, bigo at maanomalyang paglaban ng gubyerno sa Covid-19. Si Secretary Duque ay matapat lamang na tagasunod sa nais mangyari ni Duterte kung ano ang mga gagawin at paano lalabanan ang pandemyang Covid-19.
Sapul nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte lalong dumanas ang mamamayang Pilipino nang walang kaparis na kahirapan at panunupil na mas masahol pa sa buong panahon ng diktadurang Ferdinand E. Marcos (1972-1986). Lalo pang tumindi ang kahirapan at panunupil nang manalasa sa bansa ang Covid-19 dahil na rin sa kabagalan ng gubyernong Duterte na umaksyon para mapigilang makapasok sa Pilipinas ang nakamamatay na bayrus at ganundin ang usad-pagong na mga hakbang para mapigilan ang mabilis na pagkalat nito sa bansa. Sa halip na magpatupad ng mga hakbanging nakabatay sa syensya at medisina na matagal nang itinutulak ng mga dalubhasa sa medisina at nakahahawang mga sakit, patuloy ang gubyernong Duterte sa pagpapatupad ng militaristang lockdown bilang estratehiya sa paglaban sa Covid-19. Wala ni anumang katiting na pagpapahalaga at malasakit si Duterte sa kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan na siyang pangunahing tinatamaan ng mga ginagawang panghihigpit ng gubyerno alinsunod sa kanilang militaristang sistemang lockdown.
Nananawagan ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino, lalo na ang mga mamamayan sa rehiyong Timog Katagalugan, na pag-ibayuhin ang paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Ituon ang bigwas sa pasistang rehimeng US-Duterte. Walang ibang dapat singilin at papanagutin sa patuloy na paglala ng kahirapan, panunupil sa karapatang pantao, mga pagpatay at krisis pangkasulugan ng bansa kundi si Duterte. Si Duterte ang unang dapat mapatalsik sa pwesto upang kahit paano mabawasan ang nararanasang paghihirap ng bayan at karahasan ng estado.
Dapat paghandaan, pigilan at biguin ng taumbayan ang plano ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan lagpas sa Hunyo 30, 2022 alinman sa pagdedeklara ng Martial Law (sa pamamagitan ng gawa-gawa at kahina-hinalang dahilan) at pagtakbo bilang Bise Presidente na katambal alinman sa kanyang anak na si Sara Duterte o ang kanyang dakilang alalay na si Christopher “Bong” Go. Tiyak na gagawin ni Duterte ang lahat ng tipo ng pandaraya sa darating na halalan sa Mayo 2022 para manatili lang siya sa kapangyarihan o di kaya’y maluklok ang isang tau-tauhang pangulo.
Sinusuportahan din ng NDFP-ST ang malapad na kilusan ng mamamayang nanawagan sa pagwawakas sa anim (6) na taong paghahari ni Duterte. Higit na kailangan ngayon na ipamalas ng taumbayan ang kanyang galit, lakas at kapangyarihan para pigilan ang pagluklok sa kapangyarihan ng isang taong kawangis ng pasista, tiraniko, taksil, tiwali at kriminal na si Rodrigo Roa Duterte.###