Si Duterte at ang AFP-PNP-CAFGU Ang Dapat na Usigin at Papanagutin
Sa halip na tugisin ang mga kabataan mapagpasya’t aktibong lumilikha ng pagbabago, marapat na usigin at papanagutin ang AFP-PNP-CAFGU at ang amo nitong rehimeng US-Duterte sa patung-patong na pasistang krimen laban sa mamamayan. Walang pagtatangi sa edad, propesyon, relihiyon at sektor na kinabibilangan ang mga biktima ng gera kontra-mamayan ng pasista’t tiranikong estado.
Pinatay ng marahas at malupit na estado ang pangarap ng mga kabataan at kanilang magulang para sa isang malaya at magandang kinabukasan. May kaugnayan man o wala sa progresibong organisasyon, biktima ang kabataang sina Ryan Hubilla, tagapagtaguyod ng karapatang tao at Kian Delos Santos, naglalakad sa kalsada, ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Sino ang dapat managot sa puu-puong buhay na hinusgahan at tinapos ng Oplan Tokhang? Sino ang kabi-kabilang tumatangging managot sa mga internasyunal na batas sa karapatang-tao at sa halip ay itinutulak ang kultura ng karahasan at kalupitan at pagtalikod sa mga batayang moralidad ng pagiging isang tao?
Kamakailan, ilininaw ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago na nangangamba para sa kanilang seguridad at buhay ang ilang kasapi ng Anakbayan dahil sa agresibong paniniktik ng mga ahente ng estado sa kanilang kaanak at kaibigan. Sinampahan ng gawa-gawang kaso ang ilang personalidad ng progresibong organisasyon sa rehiyon at pilit inuugnay sa Bagong Hukbong Bayan.
Sa ganitong kalagayan, wasto, mulat at buong pasyang sumasalig ang mamamayan sa kanilang pinagkaisang lakas. Hindi mapipigilan ng panunupil at paninindak ng estado ang paghawan at pagtahak ng mga makabayan sa landas ng buong buhay na pakikibaka para sa katuparan hindi lang ng pangarap ng kani-kanilang mga pamilya, kundi ng libu-libo pang pamilyang naghahangad ng isang malaya at magandang bukas.