Si Duterte at ang kanyang mga alipures ang pabrika ng pekeng balita at disimpormasyon
Read in: English
Walang pinipiling panahon ang panloloko at panlilito ng mga payaso ni Duterte. Sa harap ng panibago na namang mga lockdown na lalong gumugutom at nagpapahirap sa masa, walang kurap-matang ipinangalandakan ni DILG Sec. Hermogenes Esperon na sapat ang tulong na ipinamamahagi ng gubyerno. Sa kabila ito ng kaliwa’t kanang daing at panawagan ng mamamayan para sa ayuda. Bago nito, kunwari’y galit namang hinahanap ni Spokesperson Harry Roque kung sino ang nagpakalat ng pekeng balitang bawal lumabas nang bahay ang sinumang hindi nabakunahan. Ang kakatwa, galing mismo sa bibig ng kanyang among si Duterte ang sinasabi niyang pekeng balita.
Mahalagang sangkap ng tiraniya ni Duterte ang pekeng balita, maruming saywar at disimpormasyon. Ito ang katambal ng tahasan at walang kinikilalang pasismo ng estado. Binabayaran ang mga gaya nina Roque, Esperon, iba pang mga alipures sa gubyerno at maging ang libu-libong troll farms ni Duterte upang sadyang bahain ang madla ng mga nakapanlilitong impormasyon at kasinungalingan. Layunin nilang balutin sa ligalig at takot ang mamamayan upang pigilan ang paglaban ng masa habang pinababango naman ang rehimeng isinusuka na ng sambayanan – laluna’t papalapit na naman ang eleksyon.
Liban sa papel ng pekeng balita sa pagpapanatili ng kanyang pasistang paghahari, ang mga walang katuturan, pabagu-bagong pahayag at pekeng impormasyon na ipinapakalat mismo ni Duterte ay sintomas din ng kanyang papalalang karamdamang pilit na ikinukubli sa publiko. Bagamat naghahabol pang makapanatili sa pwesto upang matakasan ang kanyang pananagutan sa hindi na mabilang na krimen laban sa mamamayan, malubha na ang karamdaman ni Duterte. Lalo nitong binawasan ang dati nang kapos na kapasidad niyang pamunuan ang bansa. Hindi ba’t gasgas na gasgas na ang mga palusot nina Roque na nagbibiro lamang ang kanilang pangulo o nagkamali lamang ng interpretasyon ang madla at iba ang ibig sabihin ni Duterte? Sukat pa ngang sabihin na rin nilang dahil Bisaya si Duterte kaya hindi nito mahanap ang mga tumpak na salita sa kanyang mga pahayag.
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipino sa paniningil sa troll at fake news king na si Duterte at sa lahat ng kanyang mga alagad na pabrika ng pekeng balita at panloloko sa publiko. Sa halip na sa mga makabuluhan at kongkretong sosyoekonomikong programang pakikinabangan ng mamamayan, winawaldas nila ang kabang-yaman ng bansa sa pagpapalaganap at pagpapasahol ng kultura ng disimpormasyon.
Gayunpaman, kahit kontrolin at ilihis ng mga reaksyunaryo ang daloy ng impormasyon, lagi’t laging mananaig sa sambayanan ang kritikal na pagsusuri at ang pagpapasya para sa kagalingan ng nakararami. Anumang pamamaluktot at pambabaligtad, lagi’t laging mayroong titindig para sa katotohanan. Makakaasa ang sambayanan na kasabay nila ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pagtataguyod sa sulo ng katotohanan, katwiran at katarungan.