Si Duterte ay masugid na anti-magsasaka at kaaway ng bayan!
Labis na pambubusabos at pagmamalupit ang tanging dinanas at sinapit ng mga magsasaka sa kamay ng pasistang rehimeng Duterte sa nakaraang mahigit na tatlong taon. Walang indikasyon na mababago ang ganitong kalagayan at kahaharapin ng mga magsasaka sa natitirang mga taon ng panunungkulan ni Duterte kundi ang lalong pagtindi ng kahirapan, karahasan at pasismo ng estado.
Sagad sa buto ang pagiging anti-magsasaka ni Duterte. Walang puwang sa kanyang administrasyon ang pagtugon sa matagal nang kahilingan ng mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupang masasaka at magdulot ng konting pagbabago sa kanilang abang kalagayan. Pawang mga pakitang tao at pagpapaganda ng imahe ang ginagawa ni Duterte tulad ng mga palabas na pamamahagi niya ng mga pekeng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) para palitawing nagmamalasakit siya sa mga magsasaka.
Ngunit ang katotohanan, sa loob pa lamang ng tatlong taong panunungkulan ni Duterte, umabot na sa 177 lider magsasaka at katutubo ang napapatay ng mga death squads na pinaghihinalang binuo mula sa mismong hanay AFP at PNP. Bago sila pinatay, dumanas muna ang mga lider magsasaka ng iba’t ibang tipo ng panghaharas, panlalait at red-tagging mula sa AFP at PNP. Karamihan sa mga napatay na lider magsasaka at katutubo ay mula sa Mindanao na kung saan umiiral ang batas militar.
Walang ibang nakikitang dahilan at motibo kung bakit sila pinatay kundi ang aktibong lumalaban para sa karapatan sa lupa at sa pagtatanggol sa lupaing ninuno na nais ibukas ni Duterte sa pandarambong ng mga dayuhan at lokal na korporasyon sa pagmimina.
Libo libong magsasaka at katutubo din ang naging biktima ng karahasan at iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao resulta ng mga operasyong militar ng AFP at PNP sa kanilang komunidad at pamayanan.
Pinapatay ni Duterte ang mga magsasaka hindi lang sa literal na pagkahulugan ng extra judicial killings (ejk’s) sa bansa kundi maging sa pamamagitan din ng mga anti-magsasakang batas at patakaran nito.
Dahan dahang pinapatay ni Duterte sa gutom at kahirapan ang 2.4 milyong mga magsasaka sa palayan at ng iba pang umaasa at nakasandig sa industriya ng bigas dahil sa inilabas na Republic Act 11203 (RA 11203) o Rice Tariffication Law (RTL) na kanyang pinirmahan nuong February 15, 2019.
Sa kasalukuyan, sumadsad na sa Php7-11 ang kada kilo ng palay sa farmgate. Bago ang implementasyon ng RTL, lumalaro pa ito sa Php17–21 kada kilo ang bilihan ng palay sa farmgate. Ayon sa datos na nakalap ng Senado, mula nang ipatupad ang RTL, umabot na sa mahigit 200,000 magsasaka ang tumigil sa pagtatanim ng palay habang nasa 4,000 na rice mill sa bansa ang tuluyan nang nagsara. Dahil sa Rice Tariffication Law bumaha sa bansa ang mga imported na bigas sa kapariwaraan naman ng milyong magsasaka at mahihirap na PIlipino.
Sa RTL, pinahihintulutan ang sinumang pribadong negosyante na mag-angkat ng bigas nang walang restriksyon basta magbabayad lang ng kaakibat na taripa sa importasyon. Umaasa ang administrayong Duterte na sa pamamagitan ng RTL mapapababa ang presyo ng bigas sa merkado at mapapababa din ang mataas na implasyong nararanasan ng bansa.
Pero ang katotohanan, ang nasabing batas ay kikitil sa lokal na industriya ng palay at bigas. Ito ay kontra-magsasaka at kontra-mahihirap dahil higit lang itinutulak ng RTL ang liberalisasyon sa importasyon ng bigas na pumapabor lamang sa mga mayayamang negosyante’t komersyante sa industriya ng bigas. Magbubunsod ito ng lalong pagbaha ng mga imported na bigas sa merkado at siyang papatay naman sa industriya ng bigas sa bansa. Mawawala din sa merkado ang murang bigas na binebenta ng National Food Authority (NFA) na siyang hinahanap-hanap at abot-kayang bilhin ng mahihirap nating mga kababayan.
Hindi rin naman nangyari ang inaasahang pagbaba ng presyo ng bigas sa Php7-10 kada kilo na siyang ipinangako ng gubyerno kapag naisabatas ang RTL. Ayon sa Philippine Statistical Authority (PSA), bumababa lang ang presyo ng bigas sa bansa ng P1-2 kada kilo. Nanatiling matataas ang presyo ng bigas ilang buwan makalipas maisabatas ang RTL.
Tumigil na rin sa pamimili ng palay at pagbebenta ng murang bigas ang NFA dahil sa RTL. Sinabi ng pamunuan ng NFA na ang kanilang buffer stocks mula sa importasyon ng bigas ay nakalaan at gamitin lamang sa mga lugar na nagkaroon ng kalamidad.
Wala ding silbi ang lehislasyon ng Kongreso na maglaan ng sampung (10) bilyong Rice Enhancement Competiveness Fund (RECF) na kukunin diumano sa taripa ng mga iaangkat na bigas mula sa ibang bansa para itulong sa mga maaapektuhang magsasaka. Kakarampot ito kung tutuusin kumpara sa mawawalang kita at pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka sa palayan dahil sa RTL.
Samantala, patuloy na ipinagkakait ni Duterte ang coco levy fund na dapat mapunta sa mga magsasaka sa niyugan para magamit sa kanilang pangangailangan at pangkagalingan. Ang coco levy fund ay itinuturing ng mga magniniyog sa bansa na malaking tagumpay at bunga ng kanilang puspusang pakikibaka para mabawi ito mula sa kamay ni Danding Cojuangco at iba pang kroni ng namayapang Ferdinand Marcos.
Nananatili din ang kawalang interes ni Duterte na tugunan at resolbahin ang labis na kagutuman at kahirapan ng mga magsasaka sa niyugan dulot ng patuloy na pagbagsak ng industriya ng niyog sa bansa, ng kawalan ng lupa, ng epekto ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa, asendero’t komersyante at ng patuloy na militarisasyon sa kanayunan.
Sa ganitong kalagayan, walang ibang dapat gawin ang mga magsasaka kundi ang lumaban at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat ihanda nito ang sarili at tularan ang libo-libong kapwa nila magsasaka at iba pang sektor na nagpasyang humawak ng sandata at lumahok sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Tanging sa pamamagitan ng DRB magkakaroon ng katuparan ang matagal nang mithiin ng mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupang masasaka at lubos na tamasahin ang produkto ng kanilang pinagpaguran. ###