Si General Faustino ang nasa likod ng brutal na kampanya ng pambobomba, pagpaslang at pang-aabuso sa Mindanao
Sa pagtatalaga kay Gen. Jose Faustino Jr bilang officer-in-charge at nakatakdang maging kalihim ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ng papasok na rehimeng Marcos II, makakaasa ang mamamayang Pilipino na ang kanyang maruming gera sa Mindanao ay pasasaklawin at palulubhain sa buong bansa.
Si General Faustino ay kabilang sa pinakamasasamang pasistang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na responsable sa brutal na kampanyang pambobomba, ekstrahudisyal na pagpaslang at malupit na pag-abuso sa karapatang-tao sa Mindanao simula nang ipailalim ito sa batas militar noong 2017.
Sa ilalim ng indokrinasyon at direksyon ng US, at bilang tuta ni Duterte, responsable si General Faustino sa maruming gera laban sa mamamayang Lumad at masang magsasaka sa Mindanao. Magkakasunod niyang pinamunuan ang 10th ID, ang Eastern Mindanao Command at Joint Task Force Mindanao na pawang notoryus sa madugong gera laban sa mga sibilyan. Sa ilalim ng kanyang kumand, naglunsad ang AFP ng maraming kampanya ng panunupil at pasipikasyon laban sa masa, paghamlet sa buu-buong mga komunidad kung saan ipinaiilalim sila sa paghaharing-militar, red-tagging at pagbuwag sa mga organisasyong masa, at pwersahang pagpapatigil sa kanilang mga programa kabilang ang mga paaralang Lumad.
Ang mga kampanyang panunupil ng militar na pinamunuan ni General Faustino ay nakakonsentra sa Northern at Eastern Mindanao kung saan matapang na lumalaban ang bayan sa mga operasyong mina at ekspansyon ng mga plantasyon. Kampanya ng AFP na supilin ang paglaban ng bayan at magtatag ng pekeng mga organisasyon na “makikipagtulungan” sa mga kapitalista, karamihan ay malalaking kumpanyang Amerikano, na mang-aagaw sa kanilang lupa.
Si General Faustino ay masugid na tagasuporta ng National Task Force-Elcac, bantog na pasistang ahensya ni Duterte, matapos labis na makinabang sa daan-daang milyong piso mula sa pagtatayo ng imprastruktura sa ilalim ng “Barangay Development Program”–programang batbat sa korapsyon na layuning busugin ang mga upisyal militar at bilhin ang kanilang katapatan, sa tabing ng pagtugon sa mga “ugat ng armadong tunggalian.” Sa kabuuang ₱1.6 bilyong badyet ng BDP sa 2021, higit ₱1.2 bilyon (o 75%) ang ibinuhos sa limang rehiyon lamang na nasa ilalim ng kumand ni Faustino noong 2021.
Si General Faustino, katulad ni General Lorenzana at lahat ng kanyang sinundan sa DND, ay maglulunsad ng isang patalo at bigong gera laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa likod ng pekeng bilang ng mga “sumuko,” “tagumpay” sa mga labanan at “nabuwag na mga larangang gerilya,” na iniuulat araw-araw ng AFP ay ang pagngingitngit ng bayan laban sa walang-katapusang panunupil ng militar at okupasyon ng kanilang mga komunidad.
Sa armadong pagtatanggol sa bayan, patuloy na nagpapalawak ang BHB at umaani ng malapad na suportang masa. Walang kahit anumang bombang sinusuplay ng US, mga howitzer at bala ang makapipigil sa paglakas ng BHB. Sa kabila ng lahat ng kahirapan, ang malapad na masang magsasaka at minoryang mamamayan ay patuloy na nagtatayo ng kanilang mga organisasyon para labanan ang AFP at mga nanghihimasok na nang-aagaw ng kanilang lupa. Sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos II, ang mamamayan ay tiyak na maramihang maglulunsad ng pakikibaka at lalahok sa digmang bayan.