Sibilyan, pinaslang sa pekeng labanan sa Caramoan, Camarines Sur
Sibilyan at walang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan si Gerardo Abla, residente ng Brgy. Tongo, bayan ng Siruma na napabalitang napaslang umano sa engkwentrong naganap sa Brgy. Malabog, Caramoan nitong Mayo 14. Walang labanang nangyari sa pagitan ng anumang yunit ng BHB at mersenaryong hukbo. Sadyang inimbento ng pwersa ng PNP Regional Mobile Foce ang nasabing labanan upang gawing pantabing sa kanilang pagpaslang kay Abla.
Ayon sa pamilya ni Abla, kinuha at isinama ang biktima ng apat na ‘di kilalang armadong kalalakihan mula sa kanilang tahanan noong Mayo 10. Magpapasama lamang umano ang apat sa lokasyon sa gagawing cell site. Abot-langit ang galit ng pamilya at mga kakilala ni Abla nang mabalitaang napaslang ito sa isang pekeng engkwentro at pinaratangang NPA.
Nakikiramay ang TPC-BHB East Camarines Sur sa pamilya ng biktima. Kaisa ng masang Bikolano ang kanilang tunay na hukbo sa pagkundenas at pagpanawagan ng hustisya para kay Abla at sa lahat ng biktima ng sukdulang karahasan ng estado.
Walang sindumi ang gera ng rehimeng US-Duterte! Walang pinipiling biktima ang kanilang kahayukan sa dugo. Kahit sa gitna ng pandemya, walang lubay pa rin ang militarisasyon sa mga baryo at mga iligal na operasyon ng pulis at militar sa mga komunidad. Habang bahag ang buntot sa usapin ng West Philippine Sea, hindi magkandaugaga ang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa pagtarget sa sibilyang populasyon.
Ang kanilang pagsalig sa brutalidad at pagiimbento ng mga peke at orkestradong labanan at patunay ng desperasyon ng rehimeng US-Duterte na palabasing may tinutungo ang kanilang kampanyang kontrainsurhensya.
Gayunpaman, malinaw sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan na ang kanilang tanging sandata laban sa karahasan ng estado ay ang kanilang walang patlang na paglaban at pagbabalikwas. Makakaasa silang sa bawat hakbang, kasabay nila sa pagsulong ang kanilang hukbo – ang Bagong Hukbong Bayan. Gaya nila, hindi maglulubay ang TPC at lahat ng yunit ng BHB sa rehiyon at bansa sa paglaban at pagtibag sa diktadura ng rehimeng US-Duterte. Gagawin ng BHB ang lahat upang mapagbayad ang mga mersenaryong elemento at yunit ng AFP-PNP-CAFGU at iba pang ahente ng estado sa kanilang mga krimen sa sambayanan.
Nananawagan din ang TPC-BHB East Camarines Sur sa masang Bikolano na manatiling mapagmatyag at sama-samang kumilos laban sa anumang atake ng rehimen.