Singilin at Pagbayarin ang Rehimeng US-Duterte sa Kapabayaan nito sa Panahon ng Tagtuyot! (Editoryal – Diklap April 2019)
Damang-dama sa malawak na kanayunan ng lalawigan ng Quezon ang epekto ng tagtuyot na dinaranas sa buong bansa. Nagdudulot ito ng pagkatuyo ng mga bukal, sapa at ilog na nagreresulta sa krisis sa inuming tubig ng mamamayan at pagkasira ng mga pananim. Maging ang mga alagang hayop ng magsasaka ay nagkakasakit dahil sa tindi ng init at tagtuyot.
Nagbabanta ito ng taggutom at lalo pang kahirapan sa uring magsasaka at lahat ng maralita sa kanayunan ng lalawigan. Ang banta ng taggutom ay higit na pinabibilis ng nagpapatuloy na pagbagsak ng presyo ng kopra. Bago natapos ang buwan ng Marso, nasa Php13 na lamang bawat kilo ng kopra at napabalitang bumaba na ito sa Php11 kada kilo ngayong buwan ng Abril.
Sa pinakahuling pag-aaral na isinagawa sa isang larangan sa South Quezon, kumikita na lamang ng P16.28 kada araw ang mga maglulukad sa kasalukuyang presyo na Php13 kada kilo. Kapag tinayâ pa ang maaring epekto ng El Niño sa produksyon ng niyog, lalagapak na sa Php9.30 kada araw ang kailangan nilang pagkakasyahin para mabuhay! Walang sinuman ang mabubuhay nang maayos sa ganitong kalagayan.
Katunayan, kahit mismo sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangang kumita ng Php10,481 kada buwan. Ibig sabihin ay Php346 kada araw. Napakalayo nito sa kinikita ng mga maglulukad sa panahong ito ng tagtuyot at bagsak na presyo ng kopra at buong niyog.
Ayon sa PCA o Philippine Coconut Authority, noong 2012, umaabot sa 391,196 ektaryang lupain ang natataniman ng niyog sa lalawigan ng Quezon. Habang 203,356 pamilyang magsasaka ang nakaasa rito.
Sa ginawang pagkukwenta, sa panahon ng tagtuyot ay aabot sa halos isang bilyong piso (Php953 milyon) ang mawawalang kita sa buong niyugan ng lalawigan habang Php245.7 milyon naman ang mawawalang kita ng mga pamilyang magniniyog sa Quezon sa susunod na paglulukad (cropping season), o hanggang buwan ng Hunyo.
Madali nang mahinuha kung gaano kalaking kita ang mawawala sa 3.5 milyong magniniyog sa buong bansa sa panahong ito.
May malaking pananagutan ang rehimeng US-Duterte sa kasalukuyang krisis na dinaranas sa lalawigan at buong bansa. Walang maagap na paghahanda ang rehimen, lalo na ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan, kung paano haharapin ang krisis ng tagtuyot.
Ang nakikitang solusyon ni Duterte ay mga patse-patseng pang-ampat ng krisis kagaya ng pamumudmod ng mumo sa anyo ng kanyang bersyon ng proyektong pabahay, universal health care, conditional cash transfer, reporma sa lupa at iba pang programang pangkagalingan. Lahat ng mga ito ay pakikinabangan ng mga kasabwat niyang panginoong maylupa at burgesyang kumprador. Halimbawa, ang reporma sa lupa ni Duterte ay ang pagpapalit-gamit sa lupa para bigyang-daan ang konstruksyon ng mga dam, pagmimina, turismo at enerhiya, at mga proyektong imprastruktura.
Ang solusyong nakikita ng Department of Agriculture sa bagsak na presyo ng kopra ay alisin ang pagbabawal sa pageeksport ng niyog para daw mailuwas ito sa mga bansang kagaya ng Tsina. Talagang hindi nauunawaan ng mga burukrata sa gubyernong Duterte ang tunay na pangangailangan ng mamamayan. Sa halip na palakasin ang industriya ng niyog sa bansa para sa sarili nitong gamit nang sa gayon ay tumaas ang halaga sa gamit, partikular ng kopra, ang naiisip ng rehimeng Duterte ay iluwas ang sariling produkto ng bansa.
Habang pinahintulutan naman ang todo-todo at libreng pagpasok ng imported na bigas at iba pang produktong pang-agrikultura na tiyak na mananalasang tulad ng peste sa lokal na produksyon at kabuhayan sa kanayunan.
Enero pa lamang ay nagsabi na ang PAG-ASA na daranas ng tagtuyot ang bansa na malamang na umabot hanggang buwan ng Hunyo. Pero hanggang ngayon ay iilan pa lamang na mga probinsya ang nagdedeklara ng state of calamity. Sa rehiyong Timog Katagalugan ay ang Mindoro Occidental ang naunang nagdeklara ng state of calamity gayong tinayâ na umabot lamang sa higit 55 milyong piso ang pinsalang dulot ng tagtuyot.
Noong isang taon pa ipinananawagan ng mga samahang magniniyog sa lalawigan na magdeklara na ang provincial government ng state of calamity upang magamit ang calamity fund para sa agarang ayuda sa mga magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng kopra. Sa panahon ng tagtuyot, wala nang makitang dahilan para hindi ito gawin ng mga local government unit.
Isang hamon ngayon, maging sa rebolusyunaryong kilusan kung paano lulutasin ang taggutom sanhi ng pagbagsak ng presyo ng kopra at tumatagal nang tagtuyot. Kailangang imobilisa ang buong rebolusyunaryong baseng masa para harapin ang naturang krisis. Ang mga balangay ng rebolusyunaryong organisasyong masa sa pangunguna ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid ay dapat na magbuo ng mga grupo na mag-aaral ng epekto at pinsala ng tagtuyot at pagbagsak ng presyo ng kopra at buong niyog.
Mula sa mga matitipong impormasyon at datos, lapatan ng mga kagyat at praktikal na hakbanging maaring gawin para makaagdong sa kasalukuyang krisis. Maaring magtulung-tulong ang mga grupong balangay ng PKM sa paggawa ng tangke ng tubig para maging imbakan. Agad itong gawin habang may mga natitira pang sapa at ilog na hindi pa ganap na natutuyo.
Panatilihing malinis ang mga bukal para sa inuming tubig. Maari ring magtanim ng mga gulay na matitibay sa panahon ng tag-init para pansamantalang mapagkunan ng dagdag na suplay ng pagkain at kita.
Marapat na maglunsad ng malawakang kampanyang edukasyon at propaganda ang mga rebolusyunaryong organisasyon masa para mailinaw sa pinakamaraming mamamayan ang kasalukuyang kalagayan, wastong pagsusuri at kinakailangang gawin para maharap at makalampas sa kasalukuyang krisis.
Ang mga progresibong samahan ng mamamayan ay dapat ding maglunsad ng karampatang aksyon sa pamamagitan ng pag-obliga sa mga lokal na pamahalaan ng rehimeng US-Duterte sa lahat ng antas na magsagawa ng kaukulang konkretong solusyon sa dinaranas na krisis ng mamamayan. Dapat na itulak ang mga lokal na pamahalaan na maglabas ng resolusyon at ordinansa para magdeklara ng state of calamity at gamitin ang pondo sa kalamidad para sa operasyong kagyat na pagbibigay-tulong sa mamamayan.
Batay sa kinuwentang datos, mangangailangan ng hindi bababa sa 1 sakong bigas at limang libong pisong cash kada buwan ang bawat pamilyang may limang myembro para mabuhay sa panahon ng krisis.
Kung tutuusin ay sapat ang 75 bilyong piso na hawak ng National Treasury mula sa coco levy funds para tugunan ang ganitong subsidyo hindi lamang sa mga magniniyog ng Quezon, kundi maging sa buong bansa.
Dapat ring maagang ikonsidera ang panahon ng pagbawi o rehabilitasyon ng niyog. Isang taon ang kakailanganin para makabawi ang mga niyugan mula sa aabuting pinsala dulot ng tagtuyot. Kung gayon, kailangan pa ring patuloy na ipaglaban ng mga magsasaka sa niyugan ang panawagang itaas sa presyong Lucena ang presyo ng kopra at buo at patuloy na paunlarin ang industriya ng niyog sa lalawigan at buong bansa para magarantiyahan ang kabuhayan ng mga magniniyog kahit hindi na panahon ng tagtuyot.
Kailangang patuloy na kalampagin ang mga lokal na burukrata at pulitiko sa lalawigan na walang kapaki-pakialam sa kasalukuyang krisis. Katunayan, nagpapabalik-balik na ang mga samahang magniniyog sa tanggapan ng gubernador ng Quezon pero tahasang nagsasabi ang mga tauhan ni Gubernador Jayjay Suarez na wala silang maibibigay na tulong. Masahol pa ay hindi man lamang maharap ng gubernador ang mga magsasakang dumudulog dahil sa paliwanag na abalang-abala na siya sa kampanyahan para sa eleksyon.
Kapag nagtagal ang ganitong kalagayan, hindi malayong pumutok ang mas maraming protesta at pag-aalsa ng mamamayan.
Hindi naman magdadalawang isip ang New People’s Army sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command na maglunsad ng mga aksyong militar laban sa mga mapapatunayan na nagsasamantala sa kasalukuyang kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayan para sa sariling kapakinabangan at interes.
Siguradong itinuturing ng mga halang-ang-kaluluwang kandidato, pulitiko at burukata ng reaksyunaryong pamahalaan na tiyempong-tyempo ang pagsasabay-sabay ng tagtuyot, bagsak na presyo ng kopra at eleksyon. Pagnanasaan nilang gamitin ang calamity fund para sa pamimili ng boto – siguradong may nabuo na silang maitim na balak paano pagkakakitaan ang panahong ito.
Magiging target din ng mga aksyong militar ng NPA ang mga mag-iimbak/magtitinggal ng malaking bulto ng bigas (rice hoarding), kabilang din ang mga makikipagsabwatan sa mga copra trader at landlord para lalong gipitin ang mga magsasaka.
Sa gitna ng krisis, nananawagan ang rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan ng Quezon sa lahat ng mamamayan na magkaisa laban sa rehimeng US-Duterte na lalong nagpapasahol sa aping kalagayan ng sambayanan.#