Sino Ang Susunod?

,

Dapat mabahala ang mamamayan ng Quezon lalo na yaong mga lider at miyembro ng iba’t-ibang samahan. Sino ang susunod sa listahan ng NTF-ELCAC para sa kanilang pag-aresto? O mas malala – pamamaslang.

Noong Abril 5, 2021 ipinagyabang ng 201st IBde ng Philippine Army na sumuko si Genelyn Dischoso, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Quezon.

Kilala si Dischoso bilang lider masa na nagtataguyod at nagtatanggol sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at nagsisilbing boses ng mamamayang Quezonin sa kanilang mga hinaing. Si Dischoso ay kabilang sa mga lider-masa sa buong lalawigan at rehiyon na matagal ng ginagawang sangkalan ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines para maging tadtaran ng kanilang pananakot, red tagging at paghahasik ng itim na propaganda.

Bago ito, inaresto na at ipiniit si Mary Grace Carabot, pamangkin ni Dischoso, sa simpleng kaso ng paglabag sa health protocol na ibinunsod ng paglahok niya sa quick response team na nag-alam sa kalagayan ng mga naipit sa labanan ng sundalo at NPA noong nakaraang taon.

Ang mga pangyayaring ito ay walang pinag-iba at karugtong ng madugong araw ng Linggo o mas kilala bilang Bloody Sunday na ikinasawi ng siyam at pagkakaaresto lima pang lider-masa, aktibista, at kasapi ng mga progresibong samahan sa rehiyon ng Timog Katagalugan noong Marso 7.

Mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon ang sunod-sunod na pandarahas, pananakot, pagdukot at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao ng Southern Luzon Command, 201st Brigade, 85IB at 59IB sa mamamayan ng lalawigan. Ang tuloy-tuloy na peke at sapilitang pagpapasuko sa sibilyang mamamayan ay salaminan na desperado ang Solcom-AFP na ipakitang nanalo sila sa di-matalo-talong CPP-NPA.

Kaugnay pa, satsat lamang ang sinasabi ni Bgen. Norwyn Tolentino na ang nagtayo ng grupong Karapatan ay ang CPP-NPA. Hugas-kamay at pikit-matang itinatatwa ni Tolentino ang rekord ng kanyang mga kabaro na deka-dekada nang salarin sa mga paglabag sa karapatang pantao. Hindi na kailangan pang udyukan ninuman ang mamamayan para itayo nila ang isang samahang nagtatanggol sa kanilang batayang karapatan dahil sa madugong rekord ng AFP.

Nananawagan kami sa mamamayan ng lalawigan na huwag manahimik sa terorismong ito ng AFP. Hinahamon kayo ngayon ng kalagayan na magsalita at ipaglaban ang karapatan ni Gng. Genelyn Dischoso na sa mahabang panahon ay siyang boses ninyo para sa paggigiit at pagkakamit ng inyong mga karaingan at karapatan.

Kapag pinalampas ng mamamayan ang ganitong pakana ng gera kontra-CPP-NPA ni Duterte na ang target ay ang mga sibilyan, marami pang Genelyn at Mary Grace ang mabibiktima sa mga susunod na araw at linggo.

Ito ang pagkakataon para ipaghiyawan ang pagpupuyos ng damdamin sa kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte sa panahon ng pandemya at krisis. Sa halip na unahin ang pondo para sa bakuna, gamot at iba pang serbisyong pangkalusugan ay patuloy na ibinubuhos ni Duterte ang kabang-yaman sa kanyang mga Heneral na sundalo at pulis para sa maruruming gera.#

Sino Ang Susunod?