Sinumang kandidato sa pagkapangulo o anumang pusisyon ang manalo, lulubha ang mga kundisyon at papabor sa rebolusyon

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynon

Gaya ng lahat ng nagdaang eleksyong isinagawa sa balangkas ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, ang eleksyong 2022 na inilulunsad ng rehimeng Duterte ay naglalayong lumikha ng ilusyon na demokratikong pinipili ng mamamayan ang kanilang mga lider pampulitika mula sa mga ahente ng mga dayuhang monopolyo-kapitalista, at lokal na magpagsamantalang uring burgesyang kumprador, panginoong maylupa at mga tiwaling burukrata.

Ang paligsahan sa pagkapangulo at bise-presidente ay malinaw na tagisan lamang sa pagitan ng mga burukrata-kapistalita na demagogong mga ahente ng mga dayuhang interes sa negosyo at lokal na mapagsamantalang mga uri. Lahat ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo ay matagal na at subok nang mga burukratang kapitalista na pinopondohan ng kanilang katiwalian at ng mapagsamantalang mga uri.

Sa pangkalahatan, ang mga mayor na kandidato sa pagkasenador ay mga ahenteng pampulitika ng mga dayuhang monopolyong interes at mga naghaharing reaksyunaryong uri, maliban sa iilan na nagpakahusay sa kanilang mga propesyon at sa pagsasalita at pagkilos pabor sa mga inaapi at pinagsasamantalahan. Nabawasan ngayon ang dating malinaw na katayuang oposisyon ng “pink” na kandidatong pampresidente matapos tumangging ipaloob si Neri Colmenares sa kanyang listahan ng mga kanidadto sa pagkasenador, at pagsali dito ng matagal nang mga loyalista ni Duterte.

Tiyak na mayroon ding ilang pambansang listahan ng mga kandidato na nagpapakilala bilang independyente ngunit hindi oposisyon sa rehimeng Duterte at sa mga kandidato nito sa pagkapangulo. Mga propagandista mismo ni Duterte ang umaming may mga “independyenteng hindi oposisyon” na binayaran para hatiin ang boto ng oposisyon at bigyang-daan ang pandaraya sa eleksyon kapalit ng pagtatalaga sa kanila sa ilalim ng pinalawig na rehimeng Duterte.

Mangilan-ngilan lamang ang mga kinatawan ng mababang panggitnang uri at masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka na tumatakbo sa pambansang mga pusisyon. Nasa ilalim sila ng Makabayan Coalition. Ang blokeng ito ng mga grupong partylist ang may pinakamalaki at pinakamalakas na makinaryang pangkampanya ng mga boluntir mula sa pinaka-organisadong ligal at demokratikong pwersa ng masa ng mamamayan. Ngunit kulang sila sa pondo para sa mga patalastas sa TV at radyo at ngayo’y tinatarget ng anti-komunistang kampanya ng terorismo ng estado ng rehimen at ng pasistang galamay nitong National Task Force-Elcac.

Pinepresyur ng NTF-Elcac at iba pang ultra-reaksyunaryong mga pwersa ang mga partido at grupo ng konserbatibong oposisyon na huwag isali sa kanilang mga listahan ang mga kandidato ng Makabayan Coalition, at gayo’y pahinain ang kailangang-kailangang malawak na nagkakaisang prente laban sa tiraniya ni Duterte. Anumang tagumpay ng rehimeng Duterte sa usaping ito ay tiyak na lalo lamang kukumbinse sa malawak na masa ng mamamayan na walang maaaring maganap na pagbabago para sa kanilang kapakanan sa gaganaping eleksyon 2022.

Habang kaagad na nakikinabang ang rehimeng Duterte sa anumang pagkitid ng dapat sana’y malawak na prenteng antipasista, natutulak ang malaking bilang ng pinakamahuhusay at pinakamatatalino mula sa makabayan at progresibong intelligentsia na sumali sa ligal na kilusang masa ng patriyotiko at demokratikong mga pwersa at demokratikong rebolusyong bayan bilang pinakaepektibong paraan na gapiin ang hindi makatarungang naghaharing sistema at kamtin ang ganap na tagumpay ng pakikibaka ng sambayanan para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Sa ngayon, makatwirang asahan ang elektoral na tagumpay ng mga pambansa at lokal na mga kandidato na kapani-paniwalang oposisyon dahil natatangi sila sa paglantad at pagkundena sa masasahol na krimen at kontra-mamamayang mga patakaran at aksyon ng rehimeng Duterte. Ngunit ang eleksyon 2022 ay hindi magiging malinis at tapat. Determinado ang rehimeng Duterte na dayain ito sa pamamagitan ng paggamit sa reaksyunaryong armadong hukbo, pulis, Comelec at sa elektronikong pagbibilang ng boto.

Nasa proseso ang tiranong si Duterte ng pagpapapanalo sa mga kandidatong maka-Duterte sa pamamagitan ng pandaraya at terorismo. Determinado siyang dayain ang eleksyon para protektahan ang kanyang sarili at kanyang mga alipures alipores mula sa mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan sa harap ng International Criminal Court, at posibleng pagharap sa mga kaso ng katiwalian sa mga korte sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng kanyang tinipong lakas, maaari rin niyang ipagpaliban ang eleksyon at maghari na lamang sa pamamagitan ng dekreto gaya ng ginawa ni Marcos nang ipataw niya ang pambansang batas militar noong 1972.

Anu’t anuman, sinumang manalo sa karera sa pagkapangulo, mula man siya sa naghaharing pangkating Duterte o mula sa oposisyon, ay magmamana sa ekonomyang bangkarote at labis nang baon sa utang, at sa gubyerno humaharap sa tumitinding diskuntento ng malawak na masa ng mamamayan, at iba’t ibang porma ng pakikibakang inilulunsad ng ligal-demokratikong pwersa at ng armadong rebolusyunaryong kilusan.

Mahalaga para sa mga naliliwanagang seksyon at personalidad ng konserbatibong oposisyon, ligal-demokratikong pwersa, at pwersa ng demokratikong rebolusyong bayan na maghanda para sa malawakan at pinaigting na mga pakikibaka laban sa anumang mga aksyong isinasagawa ng naghaharing pangkating Duterte para manatili sa poder, at laban sa sumasahol ng kundisyon ng paghihirap at pagsasamantala sa kalagitnaan at pagkatapos ng panahon para sa kampanyang elektoral.

Nagpapatuloy at mabilisang lumulubha ang pamalagiang krisis ng naghaharing sistema. Ang malawak na masa ng mamamayan ay nagnanais ng rebolusyonaryong pagbabago. Pagod na sila sa mga bigong pangako ng mga ahenteng pampulitika ng mapagsamantalanga mga uri. Sa gayon, ang kundisyon para lalupang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan ay mas paborable ngayon higit kailanman, laluna kung ang alyansang Duterte at Marcos ay magtagumpay sa paggamit sa eleksyong 2022 para ipataw sa mamamayan ang paghahari nito ng katakawan at teror.


pagsasalin ng Ang Bayan

Sinumang kandidato sa pagkapangulo o anumang pusisyon ang manalo, lulubha ang mga kundisyon at papabor sa rebolusyon