Solusyon ni Duterte sa krisis sa industriya ng baboy, pulos pambababoy
Araw-araw sumisidhi ang galit ng sambayanan kay Duterte, higit lalo ngayong diretso sa gutom na sikmura ang epekto ng mga inutil, maka-dayuhan at anti-mahirap na mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno. Mula noong huling kwarto ng 2020 hanggang ngayon, tampok sa mga balita ang pagtaas ng presyo ng karne at ibang mga pagkain.
Sa nakaraang mga linggo, inabot na ang rurok ng krisis sa karne — nasa higit P400 ang presyo ng baboy habang nasa P200 ang manok at umabot naman humigit-kumulang sa P1,000 ang siling labuyo. Ang pagsirit ng presyo ng karneng baboy at manok ay nagbunsod sa pagtaas ng implasyon sa bansa sa 4.2% sa buwan ng Enero 2021 — ang pinakamataas sapul Pebrero 2019 at nilampasan na ang 4% na itinakda ng gubyerno.
Pumasok na ang ekonomya ng Pilipinas sa istagplasyon — ang kundisyon kung saan sabay na umiiral ang istagnasyon ng ekonomya at mataas na implasyon. Matinding dagok ito sa mamamayan na hindi pa nga nakakabangon mula sa pandemya.
Sa kabilang banda, sa halip na lutasin ang pagkukulang ng suplay na nakaugat sa matumal at tigil na produksyon bunga ng African Swine Fever (ASF), ipinataw ng rehimen ang mga hakbangin para kontrolin ang presyo ng karne at umasa sa importasyon bilang solusyon sa kakulangan ng suplay.
Sa kabilang banda, ang higit na liberalisasyon ng importasyon ng karne ng baboy ay papatay lamang sa lokal na industriya ng baboy sa bansa. Sa ipinataw na price control sa presyo ng karne ng baboy, higit lamang itinulak nito ang mga maliliit na retailer at mga prodyuser na magtiklop ng negosyo at tumigil sa pagbebenta ng karne sa paluging presyo.
Higit na nalantad ang pagiging mangmang ni Duterte at mga economic managers ng rehimen na inaakalang sa pamamagitan ng mga administratibong kautusan ay masisuweto ang batas ng suplay at demand ng mga kalakal sa pamilihan at malulutas ang krisis sa pagkukulang ng suplay ng mga ito.
Ang pagpataw ng EO 124 noong Pebrero 1 ay nagpapakita ng pagiging hiwalay sa realidad at pagiging manhid ng Malakanyang sa epekto ng price ceiling sa mga karne sa maliliit na negosyo na walang katambal na kongkretong plano sa subsidyo para sa mga manininda. Pangunahing nakaasa ito sa mga pantapal na solusyon sa krisis.
Ang ipinagmamalaking “hog repopulation program” na may pondong P1 bilyon ay huli na at hindi rin kagyat na tutugon sa problema ng lokal na suplay. Ipinapangalandakan ng rehimen ang mga hakbanging ito upang pagtakpan ang nauna nitong kapabayaan at buhusan ng malamig na tubig ang nag-aalab na damdamin ng mga manininda’t konsyumer na parehong biktima ng kainutilan ng estado.
Hindi masisisi ang maliliit na negosyante sa pagdedeklara nila ng pork holiday bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa EO 124 ng Malakanyang. Bumagsak ang suplay ng lokal na karneng baboy dahil sa kabagalan ng gubyernong umaksyon noong salantain ng ASF ang mga industriya ng baboy sa bansa. Pinakamalala ang paglaganap nito sa Luzon na pangunahing tagasuplay ng karneng baboy sa NCR. Resulta nito ang 400,000 metriko toneladang depisito sa suplay ng karneng baboy sa kasalukuyan.
Patumpik-tumpik ang rehimen na magpatupad ng mga hakbanging kokontrol sa pagkalat ng ASF. Imbes na seryosohin at harapin sa pambansang antas, pinabayaan ang mga LGU na magsariling diskarte. Hindi rin sapat, kung mayroon man, ang ibinigay na tulong para sa mga may-ari ng maliliit na babuyan na nalugi dahil sa peste. Napakaraming negosyo sa babuyan ang nalugi at nagsara sa Rizal at Batangas bunsod ng pesteng ASF.
Sa gitna ng pagsirit ng presyo ng baboy, pinalulutang ang ideyang pataasin ang minimum access volume o pinapayagang dami ng inaangkat na karne ng baboy mula sa ibang bansa. Katambal nito ang panukalang bawasan hanggang tanggalin ang taripa sa pag-iimport ng karne. Nasa likod ng mga panukalang ito ang Department of Agriculture kasabwat ang malalaking negosyante na nag-iimport ng karne. Tiyak na sasamantalahin ng rehimen ang hikahos na kalagayan para busugin ng pabor ang mga alipores nitong nasa industriya ng karne.
Ang liberalisasyon sa agrikultura na ipinagpipilitan ng mga reaksyunaryong ekonomista ay lalo lamang magpapalala sa kalagayan ng sektor ng agrikultura at seguridad sa pagkain. Itutulak at pabibilisn nito ang pagpasok ng mga dayuhang produktong agrikultural sa bansa sa pamamagitan ng pagpapababa sa taripa o buwis at pagtatanggal sa restriksyon sa importasyon. Matinding pagkalugi ang idudulot nito sa mga lokal na prodyuser at sa pangmatagalan ay sasagkaan ang pagpapataas sa kakayanan ng lokal na sektor na magprodyus ng pagkain.
Sa halip na paunlarin ang kakayanan ng sektor sa agrikultura para suplayan ang pangangailangan sa pagkain ng bansa at abutin ang katayuang umaasa-sa-sarili sa pagkain, lubos na iniaasa ng rehimeng Duterte sa importasyon ang halos lahat ng mga produktong agrikultural na kailangan ng bansa batay sa mga kasunduang pinasok ng GRP sa GATT-WTO, isang instrumento ng imperyalismo na nagsusuperbisa sa liberalisasyon ng pandaigdig na kalakalan. Ang pangunahing nakikinabang sa liberalisasyon sa agrikultura ay ang mga imperyalistang bansa na naghahanap ng pamilihang babagsakan ng kanilang sobra-sobrang produkto, sa isang panig; at ang mga lokal na naghaharing-uri na nasa negosyo ng import at export.
Sa kaso ng Pilipinas, mayor na gumaganansya sa global na patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ay ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng US at China.
Kitang-kita ang masamang epekto ng liberalisasyon sa kasalukuyang napakataas na presyo ng bigas sa bansa. Matatandaang iniratsada ang Rice Liberalization Law (RLL) noong 2019 at ipinatupad noong 2020 upang diumano’y mapababa ang presyo ng bigas. Isinubo sa mamamayan ang lohikang ang pagbaha ng imported na bigas ang mag-iistabilisa sa suplay ng butil sa bansa at pipigil sa pagsirit ng presyo nito. Sa aktwal, walang signipikanteng pagbaba sa presyo ng bigas sa panahong umiiral ang RLL. Ang tanging pinabagsak ng RLL ay ang kabuhayan ng mga magsasakang umaasa sa industriya ng palay at bigas na pinahihirapan ng bumubulusok na presyo ng palay mula P17 kada kilo tungong P8-12.
Sa halip na mga pantapal na solusyon sa pagtaas ng presyo ng karneng baboy at pagkain, marapat na suportahan at palakasin ang kagyat na panawagan sa subsidyo mula sa gubyerno para sa maliliit na negosyante sa babuyan at mga manininda. Makatwiran itong hakbangin para sagipin ang kanilang kabuhayan habang tinitiyak ang mas mababang presyo ng karne.###