Sorsoganon, magkaisa at labanan ang diktadurya ng tiraniko at pasistang rehimeng US-Duterte

Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command ang hakbangin ng rehimeng US-Duterte na itatag ang kanyang pasistang diktadura sa buong bansa. Lantarang pagpapatahimik sa lahat ng pwersang balakid sa kanyang mga plano, lantarang pasismo at pagpaslang sa mga maralita at pagpipilit ng iskemang cha-cha at pederalismo ang iwinawasiwas ng rehimeng US- Duterte.

Hibang at lasing sa kapangyarihan si Duterte. Nais niyang higitan pa ang ginawa ng idolo niyang si Marcos sa paghahasik ng takot at sindak sa mamamayan gamit ang kanyang “gera kontra droga,” “gera kontra krimen,” “kontra tambay,” “gera kontra-terorismo,” Oplan Kapayapaan, pang-aalipusta sa mga kababaihan at mga relihiyoso.

Kasabay nito ay isa-isa na niyang pinagtatanggal ang mga kakontra niya sa kanyang gubyerno tulad nina Senadora Leila de Lima, dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Ombudsman Conchita Carpio – Morales, mga makabayang naging Kalihim ng Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development na sina Rafael Mariano at Judy Taguiwalo; ngayon naman ay binawi niya ang amnestiya na ibinigay ng rehimen ni Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III kay Senador Antonio Trillanes III.

Sa ilalim ng “gera kontra droga” o “Oplan Tokhang, ” hindi bababa sa 14,000 ang napaslang , 74 dito ay menor de edad at mayorya sa kanila ay maralita . Ito rin ang ginagamit ng rehimen upang halughugin ang mga baryo sa kanayunan ngunit ang tunay na intensyon ay supilin ang rebolusyonaryong kilusan at maglatag ng kanilang lambat-paniktik .

Sa Bicol, gamit din ang “gera kontra droga, ” ay naglatag siya ng mga intel sa rehiyon upang palabasing galing sa rehiyon diumano ang mga droga na kumakalat sa buong Pilipinas at imbwelto sa droga ang kanyang katunggali sa pulitika na si Leni Robredo . Ito ay bukod sa tumitinding militarisasyon na nagdudulot ng malawak na paglabag sa karapatang-tao .

Sa pagdedeklara nyang terorista ang CPP-NPA-NDFP at pagpapalawig ng Human Security Act of 2007 (HSA 2007), kahit na sinong mamamayan ay madaling maakusahang terorista. Tinupad din ni Duterte ang matagal nang plano ng mga nakaraang rehimen na isabatas ang National ID System. Gamit ang HSA, magiging lehitimo ang pagbulatlat ng lahat ng impormasyon ng isang ordinaryong sibilyan upang managot sa isang teroristang aktibidad.

Magdeklara man o hindi si Duterte ng Martial Law, damang-dama na ito ng malawak na sambayanang Pilipino. Gusto lang tayong gawing mga bata ng isang asong-ulol na ang hangad ay kupoin ang lahat ng kapangyarihang nais niya sa kanyang mga kamay na bakal.

Ngunit kasaysayan ang makapagpapatunay na hindi dapat maliitin ang kapangyarihan ng mamamayang nagkakaisa. Tulad ng martial law noon ni Marcos na nagluwal ng ilang libong mandirigma mula sa hanay ng magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, taong simbahan at propesyunal, tiyak na ilang libong mamamayan din ang sasapi sa bagong hukbong bayan ngayon upang durugin ang pasista at teroristang rehimeng US – Duterte.

Sa loob ng 50 taon, tinangkilik ng masang inaapi ang Partido Komunista ng Pilipinas. Pinatunayan ng 50 taong pagsisilbi sa masa at bayan ng PKP, na tanging sa armadong pakikibaka lamang mawawakasan ang problema sa kawalan ng lupa ng magsasaka, kawalan ng industriya at makakamit ang tunay na hustisyang panlipunan sa Pilipinas .

Sa araw na ito, nagbibigay- pugay tayo sa mga martir ng Martial Law sa probinsya ng Sorsogon na lumaban at nagbuwis ng kanilang mga buhay tulad nina Dr. Juan Escandor, Liliosa Hilao, Nanette Vitiaco, Tony Ariado at marami pang iba . Ang kasalukuyang karahasan at matinding pagtitiis ng mamamayan ay magluluwal pa ng mga dakilang rebolusyonaryo. Tulad nila, kasama ng malawak na masa ng sambayanan, hindi tayo titigil hangga’ t hindi natin napupuksa ang diktadurya ng isang ambisyosong pangulo na nagnanais ulitin ang malagim na panahon ng Martial Law.

Mga Sorsoganon, sama-sama nating wakasan at durugin ang rehimeng US-Duterte!

Never Again to Martial Law!

Mamamayan, Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

 

 

Sorsoganon, magkaisa at labanan ang diktadurya ng tiraniko at pasistang rehimeng US-Duterte