Speakership at Senate Presidency Paligsahan Ng Mga Ganid at Sakim sa Kapangyarihan.
Tapos na ang halalang markado ng anomalya at dayaan. Nagsisimula naman ang bagong kabanata ng hanayan at paligsahan sa pagkuha ng mahahalaga at estratehikong pusisyon kapwa sa mababang kapulungan ng kongreso at senado mula sa mga nailuklok na burukrata-kapitalistang bahagi ng naghaharing paksyon ng reaksyunaryong uri at pangunahing nakinabang sa malawakang dayaan at manipulasyon ng halalang 2019 na isinagawa ng COMELEC at Smartmatic upang paburan ang mga kandidatong kaalyado ni Duterte.
Ang kanilang paligsahan at hanayan ay pangunahing nakatuon sa pagkuha ng basbas ni Duterte kapalit ang pribilehiyo na magkamal ng malalaking tipak ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel at mga under the table transactions. Nagriribalan sa kung sino sa kanila ang mas magiging sunud-sunuran sa kagustuhan ng pasista at otokratikong presidente na manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pederalismo, sa panibagong ekstensyon ng Batas militar sa Mindanao o sa posibilidad na pagpataw nito sa buong kapuluan at sa pag-amyenda sa saligang batas para ilusot ang mga batas pabor sa mga lokal at dayuhang burukrata–kapitalista sa kapariwaraan naman ng taumbayan.
Sa mababang kapulungan, umaalingasaw ang baho ng kaparaanan ng paligsahan sa pagka-Speaker sa anyo ng bilihan ng boto na ayon mismo sa dating House Speaker na si Pantaleon Alvarez ay nasa pagitan ng limandaan-libong piso hanggang isang milyong piso ang iniaalok ng isang di pinangalanang naghahangad sa pusisyon.
Sina Martin Romualdez ng Leyte, Allan Peter Cayetano ng Taguig City at Lord Allan Velasco ng Marinduque ang tatlong kongresista na hayagang nagpahayag ng pagnanais na maging Speaker. Sumama sila sa delegasyon ni Duterte sa pagpunta sa Japan upang makipag–usap at kunin ang endorso ng pangulo.
Ang tatlong matutunog na pangalan para sa Speakership ay kilalang may kanya-kanya ding mga backer mula sa malalaking burgesya kumprador sa bansa at bantog ding mga taga-suporta ni Duterte. Itinuturing nilang krusyal ang labanan sa pagkuha sa Speakership sa mababang kapulungan ng kongreso. Paniyak ito na mapapangalagaan at higit pang mapapalawak ang kanilang negosyo at interes sa bansa kabilang ang kanilang mga among imperyalista sa pamamagitan ng mga batas na lilikhain sa dalawang kapulungan.
Si Enrique Razon ang napabalitang nasa likod ni Velasco. Ang mga Villar naman ang nakasuhay kay Cayetano at si Dante Ang at Danding Cojuanco ang para naman kay Romualdez.
May umuugong din na interesado si Sen. Cynthia Villar na tumakbo bilang pangulo ng Senado.
Tulad sa nakaraang 17th Congress na dominado ng mga alipures ni Duterte, ang papasok na 18th Congress ay walang pagkakaiba. Ang magbabago lamang ay ang liderato at hanayan ng mga pampulitikang grupo pero nasa ilalim pa rin ng kontrol ng rehimeng US-Duterte.
Ngayong higit na kontrolado ng rehimeng Duterte ang dalawang kapulungan ng konggreso, lalong titindi ang pagsasamantala at panunupil sa taumbayan.
Walang ibang dapat gawin ang mamamayan kundi ang magbuklod-buklod at lumaban. Igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan laban sa mga mapanupil na hakbang ng rehimeng US-Duterte.
Sa harap ng tumitinding pasismo ng estado, hinihikayat ng NDFP-ST ang taumbayan na sumapi sa NPA at maglunsad ng armadong pakikibaka bilang pinakamataas na porma ng pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Tanging sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba lubos na makaasa ang sambayanang Pilipino na magkakaroon ng maaliwalas na kinabukasan ang bansa. ###