Sugpuin ang bayrus na si Duterte! Makiisa sa laban ng mga manggagawang pangkalusugan
Nakikiisa ang NDFP-ST sa kilos-protesta ng mga manggagawang pangkalusugan ngayong Setyembre 1 para ipanawagan ang kanilang karapatan sa karampatang benepisyo at sapat na proteksyon sa kasagsagan ng pagkalat ng nakamamatay na Covid-19. Makatarungan ang iginigiit ng mga manggagawang pangkalusugan para sa kanilang Covid-19 Special Risk Allowance (SRA), hazard pay at benepisyo sa pagkain, akomodasyon at transportasyon. Tumpak din at napapanahon ang kanilang kahilingang magbitiw na sa pwesto si Francisco Duque III bilang Kalihim ng DOH.
Sa harap ng mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawang pangkalusugan, nais isantabi ng rehimeng Duterte ang sakripisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng mga medical frontliners sa mga pasyente ng Covid-19. Napakasama at malisyoso ang pakana ng estado na pagbanggain ang interes ng mga manggagawang pangkalusugan at mga pasyente ng Covid-19. Nais nitong palabasin na ang paghahapag ng sektor kalusugan ng kanilang mga hinaing, mga panawagan at pagkilos para igiit ang kapakanan at kagalingan ng sektor at ng mamamayan ay “pagtalikod sa kanilang tungkulin bilang tagapangalaga sa mga maysakit”, gayong ang pagsasawalambahala ng rehimen sa pangangailangan ng mamamayan, ang kainutilang harapin ang patuloy na paglaganap ng bayrus at ang mga palyadong militaristang solusyon sa pandemya ang puno’t dulo ng paghihinagpis ngayon ng bayan.
Makatwiran ang galit at pagpoprotesta ng mga manggagawang pangkalusugan sa rehimeng Duterte. Habang lalo’t nalantad ang pangungurakot ng rehimen sa pondo ng bayan, laluna sa Department of Health, kung saan bilyun-bilyong pisong pondo ang kinulimbat ng sabwatang Duterte, Duque, Lao at iba pa nilang mga kasapakat. Hindi lamang mga manggagawang pangkalusugan ang pinagkaitan sa dinambong na pondo, kundi pati ang sambayanan na hindi nagtamasa ng maayos na serbisyong pangkalusugan sa gitna ng pandemya.
Samantalang tinalikuran ng rehimen ang pagbibigay ng benepisyo sa manggagawang pangkalusugan at ayuda sa mamamayan, todo-todo naman ang pag-ambon nito ng pabuya at benepisyo sa mga sundalo at pulis na binigyan pa ng dagdag na P56.4 bilyong pondo sa pensyon sa Bayanihan 3. Ipinaubaya rin ni Duterte sa mga heneral ng AFP-PNP ang pamamahala sa pagharap sa sakit imbes na sa mga ekspertong medikal at siyentista. Nasa unahan din ng prayoridad ng rehimen na bakunahan ang mga sundalo’t pulis imbes na ang mga medical frontliners. Sa simula ng pandemya, binantaan ni Duterte ang mga dumaraing na manggagawang pangkalusugan na “magrebolusyon” na lamang sila.
Sa ganitong palpak na pamamahala at labis na kapabayaan ng rehimen sa mga manggagawang pangkalusugan at mamamayan ay sadyang itutulak nga ni Duterte ang buong bayan na maglunsad ng rebolusyon. Higit sa patuloy na paggigiit ng mga manggagawang pangkalusugan sa kanilang mga karapatan ay ang paghahanap ng tunay na solusyon upang gamutin ang lumalalang sakit ng lipunang Pilipino. Nagnanaknak ang sugat ng buong bayan na idinulot ng labis na pagpapahirap ng rehimeng Duterte. Pinalala pa ito ng pandemyang Covid-19 na sinamantala ng naghaharing-uri at imperyalismo para higit na pagkakitaan at apihin ang bayan. Walang ibang solusyon dito kundi ang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Kailangang pahigpitin ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa pasistang rehimeng Duterte. Makiisa ang mga manggagawang pangkalusugan sa pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, pambansang minorya at iba pang mga uri at sektor laban sa pabaya, korap at taksil na si Duterte. Sa sama-samang lakas ng mamamayan, marapat na singilin si Duterte at wakasan na ang kanyang diktadurang paghahari.#