Sukdulan ang kabulukan at kurapsyon ng rehimeng Duterte
Ngitngit at galit ang nararamdaman sa kasalukuyan ng mamamayang Pilipino, lalung lalo na ang masang magsasaka, bunga ng matinding iregularidad at kurapsyon na nagaganap sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaaan. Nitong nakalipas na mga buwan, sunod-sunod na inilabas ng Commision on Audit ang mga awdit sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan. Nakita ng Komisyon ang iregularidad sa paggamit, paggasta at pangangasiwa sa bilyon-bilyong pondo. Ang mga ahensyang sinita ng Komisyon ay ang DSWD, DOH, TESDA, OWWA at pati mismo ang AFP. Tungkulin ng Komisyon na eksamin, suriin at isaayos ang lahat ng akawnting at paggasta ng pondo at pag-aari ng mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-aawdit. Ilang halimbawa ay ang sa DOH, nakita ang halagang P67 bilyong piso na hindi maayos at malinaw kung saan ginamit at paano ginasta. Ganoon din sa AFP kung saan may mga hindi otorisadong bank account na may halagang P1.8 bilyon at dose-dosenang proyektong hindi tapos na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon
Sa gitna ng malawakang kahirapan na nararanasan ng mamamayan na pinatindi pa lalo ng pandemya, tumambad sa atin ang matinding kurapsyon. Ang isiniwalat ng Commission on Audit ay isa pang patunay na bulok at kurap ang kasalukuyang rehimeng Duterte. Bilyon-bilyong piso ang napupunta sa kurapsyon ni Duterte at mga galamay nito sa mga ahensya ng pamahalaan, habang ang mamamayan ay nagdurusa sa gutom at kawalang katiyakan sa kasalukuyan.
Nitong nakalipas na Hulyo, hinagupit ng magkasunod na bagyong Fabian at habagat ang Hilagang Luzon. Kabilang ang Region 1 sa sinalanta kung saan mahigit na P698 milyong piso ang nasira sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Pinasidhi nito ang walang kaparis na paghihirap na nararanasan at ang kawalang hanapbuhay ng malaking bilang ng maralitang magsasaka at maliliit na mangingisda. Subalit, bilyon-biyong piso ang nababalitaan natin araw-araw na winawaldas sa kurapsyon. Ganoon din ang P19 bilyong bilyong pisong gastusing militar na ginagamit para atakihin ang sibilyang mamamayan sa pamamagitan ng NTF-ELCAC.
Sagad sa buto at sukdulan ang kasakiman at pasismo ng rehimeng Duterte at ang administrasyon nito. Sinasamantala pa ang pandemyang ito upang patuloy na makapaghari sa kapangyarihang pampulitika. Ang pagbabakuna at ayuda ay kakaunti at ginagamit pa na panggigipt sa mga kalaban nito sa politika. Talaga ngang lagim ang ating kinasasakdalan sa pamumuno ni Duterte.
Dahil dito nag-uumapaw ang galit ng mamamayan. Galit na kasing-tatayog ng kabundukan ng rehiyong Ilocos. Galit na katulad ng dumadaluyong na alon sa dalampasigan at baybayin ng rehiyon.
Ang Pambasang Katipunan ng mga Magbubukid sa probinsya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union ay nagkakaisa sa panawagang palakasin ang militansya at pakikibaka ng masang magbubukid at mangingisda sa rehiyon at sa buong Pilipinas. Nakamarka sa ating mga palad ang pagod at kasaysayan ng kahirapan at paglaban. Nasa kamay din natin ang pagbubuklod upang hawanin ang maaliwalas at masaganang bukas.
Harapin natin ang ubos-kayang pagpapalawak at pagpapalakas. Tupdin ang mga gawain sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Labanan ang lagim ni Duterte sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpapasigla sa rebolusyonaryong kilusang magsasaka at higit pang pagpapalakas sa magiting nating hukbo—ang New Peoples Army. #
WAKASAN ANG PAPET, KURAP AT TIRANIKONG REHIMENG US-DUTERTE!
IBAGSAK ANG PYUDALISMO, BURUKRATA-KAPITALISMO AT IMPERYALISMO!
IPAGTAGUMPAY ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!
MABUHAY ANG PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID!