Suportahan ang pag-uusig ng internasyunal na komunidad sa mga pasistang heneral ng NTF-ELCAC at rehimeng Duterte

,

Ikinalulugod ng NDFP-ST at mamamayang Pilipino ang panukala ng 24 senador sa US na patawan ng mga sangsyon sina Lorenzana, Esperon, Año, Sinas at Parlade, mga sagadsaring anti-mamamayan at anti-komunista sa ilalim ng rehimeng Duterte, dahil sa kanilang madugong rekord sa paglabag sa karapatang tao. Gagamitin ng mga senador ang US Global Magnitsky Act upang hikayatin ang gubyerno ng US na ipawalambisa ang mga US visa ng lima at harangin ang kanilang mga transaksyon at pribadong pag-aari sa US.

Patunay ang mga sangsyon na itinatakwil maging ng internasyunal na komunidad ang mga pasimuno ng mga krimen laban sa mamamayang lumalaban at ang umaalingasaw na NTF-ELCAC. Mula nang maitayo ang task force, nagkaroon ng lisensya ang limang berdugo na higit pang yurakan ang karapatang tao ng mga Pilipino. Matatandaang sila rin ang mga pumigil at nanggulo sa nagaganap na negosasyong pangkapayapaan sa NDFP hanggang sa tuluyang naudyukan si Duterte na umatras. Kasuklam-suklam ang pangangalaga ng administrasyong Duterte sa mga pasistang heneral na matapos magretiro ay binigyan pa ng matataas na pusisyon sa loob ng reaksyunaryong gubyerno. Higit lamang nitong pinalalakas ang huntang militar ni Duterte.

Sa TK, galit na galit ang mamamayan laluna kay Parlade na sangkot sa samu’t saring krimen at paglabag sa karapatang tao mula sa panahong nadestino siya rito, una bilang hepe ng 203rd Bde na nakadestino sa Mindoro hanggang naging hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM). Simula Enero 2020 hanggang Hulyo 2021, naisadokumento ang 2,981 iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang tao sa rehiyon. Kabilang dito ang kaso ng pangagahasa sa isang dalagita sa Quezon noong Hulyo 2020. Positibong bagay na kinokondena ng mga naturang mambabatas ng US ang nasabing krimen. Hinihimok silang suportahan ang pakikibaka ng biktima at kanyang kaanak, maging ng iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Hinihikayat din ng mamamayang Pilipino at NDFP-ST ang mga mambabatas ng US at iba pang anti-pasistang pwersa ng internasyunal na komunidad na suportahan ang pag-uusig kay Duterte at iba pang heneral ng AFP-PNP sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kanilang mga krimen laban sa sangkatauhan. Nararapat ding tulungan at suportahan ang mga kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang tao sa ilalim ng teroristang rehimen.

Malaon nang sinisingil ng mamamayang Pilipino ang limang kriminal at uhaw-sa-dugong heneral ng AFP-PNP. Dapat patuloy na magbuklod ang mamamayang Pilipino upang labanan ang pasismo at terorismo ng rehimeng Duterte at papanagutin ang mga pusakal at sagad-saring kriminal na yumuyurak sa kanilang mga karapatan. Paigtingin ang mga anti-pasistang pakikibaka at biguin ang kontra-rebolusyonaryong gerang JCP-Kapanatagan. Igiit ang pagbuwag sa walang kwentang NTF-ELCAC at panagutin ang mga upisyal nito at mismong si Duterte sa pagyurak sa demokratikong karapatan at paghahasik ng teror sa bayan.

Samantala, hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan sa pag-uusig sa rehimeng Duterte at sa mga pasistang heneral nito. Pananagutin sila ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya. ###

Suportahan ang pag-uusig ng internasyunal na komunidad sa mga pasistang heneral ng NTF-ELCAC at rehimeng Duterte