Suportahan ang sigaw para ligtas na buksan ang mga eskwela
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sigaw ng mga estudyante, guro at magulang na ligtas na buksan ang mga eskwela at ibalik ang harapang klase. Milyun-milyong mga kabataan mula elementarya hanggang kolehiyo ang nagdurusa sa ipinatutupad na “blended learning” na lumikha na ng masidhing krisis sa pagkatuto at nagdudulot ng matagalang banta sa kinabukasan ng mga kabataan.
Sa muling pagsabak ngayong araw sa pagbubukas ng klase, yamot na yamot ang nakararaming pamilya at guro dahil sa mauulit na naman ang mga pasakit, pahirap at kapalpakan ng nagdaang taon ng “blended learning.”
Sa buong mundo, sinisikap na buksan ang mga eskwela batid ang halaga nito sa mga kabataan at kinabuksan ng bansa. Dalawang bansa na lang, kabilang ang Pilipinas, na hindi binubuksan ang mga paaralan.
Matapos ang isang taon, bingi pa rin ang DepEd at si Rodrigo Duterte sa daing na tuldukan na ang palpak na “blended learning” at ligtas na buksan ang mga eskwela. Patuloy na winawalang-bahala ng rehimen ang pagkatuto at kabuuang kapakanan ng mga estudyante hindi lamang sa pagpapanatiling nakakandado ang mga eskwela, kundi sa pagtalikod sa deka-dekada nang problema ng sistema ng edukasyon.
Nananawagan ang Partido na suportahan ang mga kabataan, magulang at mga guro sa iginigiit na ligtas na pagbubukas ng mga eskwela. Dapat ibigay ang sapat na pondo para sa pagbabakuna ng mga guro, para itayo ang dagdag na mga silid-paaralan at tiyakin ang pagkakaroon ng kinakailangang mga pasilidad para sa ligtas na harapang mga klase.
Sama-samang sigaw: buksan ang nakakandadong mga eskwela!