Susulong ang proletaryong rebolusyon laban sa diktadura at pagsasamantala
Taas-kamaong pagpupugay ang ipinapaabot ng NDF-Bikol sa lahat ng proletaryo at mamamayang Pilipino sa darating na Araw ng Manggagawa. Isa ang kilusang manggagawa sa pinakamalalakas na pwersa ng tunay na lipunang pagbabago. Saksi ang kasaysayan kung paano niyanig ng kilusang manggagawa ang mga poste ng dambuhalang kapitalista, imperyalista at mga diktador. Dahil sa masigasig na pamumuno at lakas at determinasyon ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa, tinatamasa ng mga manggagawa at mamamayan ang ilang pagsulong sa karapatan sa paggawa. Ito ang katangiang kinakailangan ng mamamayang Pilipino upang biguin ang batas militar ng rehimeng US-Duterte at ganap na makapiglas mula sa mga tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala.
Agrikultural man sa pangunahin ang rehiyon, patuloy na lumolobo ang sektor ng mga mala-manggagawa dulot ng walang habas na pagpapalit-gamit ng lupa at mga dambuhala at mapanirang proyektong imprastruktura. Sila ang mga walang seguridad sa trabaho, namumuhay nang isang-kahig-isang-tuka at, sa gayon, mayroong pinakamataas na bulnerabilidad sa mga krisis. Humupa man ang pandemya, haharapin ng mamamayan, laluna ng manggagawa at mga mala-manggagawa, ang pinakamalalang pandaigdigang resesyon at kawalan ng trabaho sa kasaysayan.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng mamamayan na tanganan ang proletaryong diwa ng paglaban para sa interes ng nakararami. Hinog ang kalagayan para sa malawakang pag-oorganisa at pagpapakilos hindi lamang sa sektor ng manggagawa kung hindi sa malawak na hanay ng mamamayan. Hamon para sa rebolusyonaryong pwersang tanganan ang inisyatiba at pamunuan ang pagkilos ng sambayanan laban sa lockdown tungo sa anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka. Gamitin ang lahat ng daluyan, laluna ang social media at pagpapadala ng mga ulat sa istasyon ng radyo, upang mapukaw, maorganisa at mapakills ang mamamayan at malabanan ang saywar at disimpormasyon ng rehimeng US-Duterte.
Dapat palakasin at palawakin ang rebolusyonaryong kilusang lihim bilang paghahanda sa banta ng diktadura at pangmatagalang laban upang durugin ang malapyudal at malakolonyal na sistema ng lipunan. Sa ganitong pamamaraan, mapapalawak din ang kasapian ng mga unyon at samahan ng manggagawang handang pamunuan at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.
Higit kailanman, kinakailangan ang pagkakaisa, organisadong pagkilos at matatag na kapasyahang labanan ang diktadura at higit na pagsasamantala. Nasa kamay ng manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan at lahat ng aping sektor, ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Talingkas sa pagkaoripon!