Taas Kamaong pagpupugay sa iyo Ka JR!
Taas kamaong pagpupugay ang iginagawad ng Celso Minguez Command at buong rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon kay Albert “Ka JR” Adamos Gupalao. Si Ka JR ay namartir sa isang labanan kasama si Ka Cenon nitong Setyembre 2, 2021 sa pagitan ng Brgy. Cawayan at Brgy. Patag, Irosin sa edad na 33.
Si Ka JR ay nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Brgy. Taromata, Bulan, Sorsogon. Bilang tenante, nakaasa ang kanyang pamilya sa pagkokopra at pagtatanim ng palay. Bata pa lamang siya ay ramdam niya na ang pang-aaping nararanasan ng mga magsasaka. Naobliga siyang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan at para higit na makatulong sa kanyang magulang sa paghahanapbuhay. Hanggang grade 3 lamang ang kanyang natapos.
Hindi mahirap para kay Ka JR na yakapin ang rebolusyon. Madali niyang naunawaan ang kahalagahan ng paglulunsad ng armadong rebolusyon upang makalaya ang mga magsasakang tulad niya mula sa pang-aalipin. Naging aktibo siyang myembro ng grupo ng kabataan sa kanyang baryo at naging masigasig na katuwang ng mga kasama. Una siyang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan sa edad na 20, noong 2008 ngunit di siya nagtagal. Ganun pa man ay di siya nagputol ng ugnay sa mga kasama. Taong 2018 ay nagdesisyon siyang bumalik sa hukbo.
Tapat umibig si Ka JR. Wala man siyang naging sariling anak, minahal niya at itinuring na sariling mga anak ang anak ng kanyang napangasawa. Nakita at isinapraktika ni Ka JR ang kahalagahan ng pagtatayo ng rebolusyonaryong pamilya sa kilusan. Katuwang ang kanyang asawa ay minulat nila ang kanilang mga anak sa kahalagahan ng pagrerebolusyon.
Sa mga kasama, tahimik lang siya ngunit pag nakilala na ay nagiging makulit at maingay, palabiro at madaling makasalamuha. Madalas siyang pinapakat sa gawaing militar, ito ang kaniyang kalakasan. Ngunit pagdating sa gawaing edukasyon ay may panahong pinanghihinahaan siyang gampanan. Ito ang isa sa sinisikap niyang pangibabawan sa kanyang sarili bilang rebolusyonaryo. Kahit na sinasabi niya minsan na “masakit kaya sa ulo ang mag-aral!” ay dumadalo pa rin siya dahil unawa niya na importante ito upang higit niyang mapahusay ang kanyang sarili bilang rebolusyonaryo.
Hindi malilimutan ng mga masa at kasama ang mga tawanan, kwentuhan at panahon na nakasama si Ka JR. Ang panahong nakasama siya ay nakatatak na siya sa isip at puso ng bawat masa at kasama na kanyang nakasalamuha at napagsilbihin. Sa huli, pinakita nya ang determinasyon at katapangan ng isang rebolusyonaryo na handang ialay ang kanyang buhay para sa pagpapalaya ng lahat ng inaaping mamamayan sa bansa.
Mabuhay ka Ka JR!