Tagumpay na taktikal na opensiba, tugon ng BHB-East Camarines Sur (TPC) sa panawagan ng mamamayan para sa hustisya
Nagpupugay ang Tomas Pilapil Command-BHB East Camarines Sur sa mga yunit nito sa matagumpay na paglulunsad ng isang taktikal na opensiba laban sa berdugong 83rd IBPA sa gitna ng nagpapatuloy na militarisasyon sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur. Pinasabugan ng command detonated explosive ng Pulang hukbo ang mga nakamotorsiklong tim ng 83rd IBPA-Charlie Coy sa Brgy. Pinamihagan, Lagonoy, Camarines Sur nitong Enero 23, alas-7 ng gabi. Nasamsam mula sa kaaway ang isang military pack, 10 powerbank at iba pang kagamitang militar. Dalawa rin ang kumpirmadong sugatan sa kanilang hanay.
Ang aksyong militar na ito ay bahagi ng pagkamit ng hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang terorismo ng AFP-PNP-CAFGU sa Partido area at buong rehiyon. Sa tala na umaabot sa 229 pinaslang mula 2016 hanggang Enero 2022, naging extrajudicial killing at massacre capital ang buong Kabikulan dahil sa tindi at brutalidad ng maruming gera ng rehimeng US-Duterte. Kaugnay nito, mula nang magsimula ang Retooled Community Support Program sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur noong nakaraang taon, nakapagtala ng hindi bababa sa 67 kaso ng paglabag sa karapatang tao na may daan-daang biktima. Kabilang dito ang walong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at isang kaso ng pambubomba mula sa ere.
Sawang-sawa na ang masang Camarines Sureños sa labis na pagpapahirap at pandarahas ng naghahari-hariang militar at pulis sa kanilang mga komunidad. Marami sa kanila ang naging biktima ng iba’t ibang mukha ng paglabag sa kanilang mga karapatan. Lubhang apektado ang kanilang kabuhayan, katiyakan sa panirahan at maging ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ang masahol pa, walang panahong sinasanto ang mga berdugong walang humpay pa ring nag-ooperasyon kahit sa gitna ng pandemya. Matagal nang ipinapanawagan ng masa sa kanilang tunay na hukbong maparusahan ang mga kaaway ng mamamayan. Silang mga tunay na teroristang walang ibang inatupag kundi ilibing sa labis na dusa at pasakit ang mamamayan.
Panata ng TPC BHB-East Camarines Sur sa mamamayan na patuloy silang masasandigan at makakatuwang sa pagpapanagot sa lahat ng mga sagadsaring reaksyunaryo at pasistang may malalaking krimen sa masa. Nananawagan din ang TPC sa mamamayan na patuloy na suportahan at tangkilikin ang BHB. Bukas ang pintuan ng Pulang hukbo para sa sinumang nais na mag-ambag ng kanilang tapang at kakayahan para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Halina’t paglingkuran ang sambayanan, ipagtanggol ang mga karapatan at kalayaan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!